M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Elias at ang mga Propeta ni Baal
18 Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” 2 At nagpunta nga si Elias kay Ahab.
Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, 3 kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. 4 Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” 6 Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila.
7 Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?”
8 “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.”
9 Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? 10 Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos,[a] hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. 11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? 12 Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu[b] ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. 13 Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. 14 At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat,[c] haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta. 17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.
20 Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal. 21 Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. 22 Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal. 23 Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro. 24 Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”
At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”
25 Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”
26 Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.
27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!” 28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila. 29 Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.
30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. 31 Kumuha(A) siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. 32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. 33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. 34 “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa 35 umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.
36 Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. 37 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”
38 Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. 39 Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”
40 Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.
41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan.” 42 Samantalang(B) si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa. 43 Sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tanawin mo ang dagat.”
Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan.
“Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko,” utos ni Elias. 44 Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, “May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat.”
“Magmadali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan.”
45 Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Ahab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel. 46 Lumukob kay Elias ang kapangyarihan ni Yahweh. Hinigpitan ni Elias ang pagkatali sa kanyang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ni Ahab hanggang sa pagpasok sa Jezreel.
1 Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—
Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.
Kagandahang-loob at kapayapaan nawa ang sumainyo.
Ang Pamumuhay at Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. 3 Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. 5 Sapagkat ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. 6 Sinundan(B) ninyo ang aming halimbawa at ang halimbawa ng Panginoon. Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakang mula sa Espiritu Santo. 7 Kaya't naging huwaran kayo ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya, 8 sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. 9 Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Paghahati ng Lupain
48 Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. 2 Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. 3 Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. 4 Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. 5 Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. 6 Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. 7 Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda.
Ang Gitnang Bahagi ng Lupain
8 Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo.
9 Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. 10 Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. 11 Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. 12 Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. 13 Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. 14 Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh.
15 Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. 16 Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. 17 Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. 18 Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. 19 Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. 20 Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat.
Ang Kaparte ng Pinuno
21 Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh 22 at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin.
Ang Kaparte ng Ibang Lipi
23 Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. 24 Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. 25 Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; 26 karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; 27 karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. 28 Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. 29 Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30 Ganito(A) naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— 31 ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. 32 Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. 33 Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi nina Simeon, Isacar at Zebulun. 34 Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. 35 Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’
Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha
104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
2 O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
3 Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
4 Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
5 Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
6 Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
7 Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
8 Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
9 matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15 Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(B) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.
27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.