M’Cheyne Bible Reading Plan
Binalaan si Ahab(A)
22 Tatlong taon nang walang labanan ang Israel at ang Siria. 2 Ngunit sa ikatlong taon ay dumalaw sa hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda.
3 Nasabi na noon ng hari ng Israel sa kanyang mga pinuno, “Alam ninyo na ang Ramot-gilead ay atin. Ngunit wala tayong ginagawang hakbang upang mabawi iyon sa hari ng Siria.” 4 Ngayon nama'y si Jehoshafat ang kanyang hinimok. Ang sabi niya, “Samahan mo naman kami sa paglusob sa Ramot-gilead.”
Sumagot si Jehoshafat, “Kasama mo ako at ang aking mga tauhan, at ang aming mga kabayo at kasangkapan. 5 Ngunit sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
Ang Hula ng mga Bulaang Propeta
6 Tinipon nga ni Haring Ahab ng Israel ang kanyang mga propeta. May apatnaraan silang lahat at itinanong, “Dapat ko bang salakayin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin ninyo! Tutulungan kayo ni Yahweh at matatalo ninyo ang kaaway,” sagot ng mga propeta.
7 Ngunit iginiit ni Jehoshafat, “Wala na bang ibang propeta ni Yahweh na maaari nating pagtanungan?”
8 “Mayroon pang isa, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit galit ako sa kanya, sapagkat lagi na lamang masama ang hula niya sa akin, wala nang mabuti,” sabi ni Ahab.
“Huwag kang magsalita ng ganyan, kapatid kong hari!” tutol ni Jehoshafat.
9 Ipinatawag ng hari ng Israel ang isa niyang opisyal at inutusan, “Dalhin ninyo kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
10 Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula. 11 Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.” 12 Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
Ang Pahayag ni Micaya
13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”
14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”
15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”
17 Kaya't(B) sinabi ni Micaya,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna
kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
18 Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.”
19 Ngunit(C) nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit. 20 Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu. 21 Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’
“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.
22 “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.
“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”
23 At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”
24 Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?”
25 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.”
26 Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas. 27 Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
Napatay si Ahab sa Ramot-gilead(D)
29 Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.
31 Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.” 32 Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma, 33 nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol. 34 Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”
35 Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe. 36 Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”
37 Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing. 38 Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh.
39 Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 40 Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias.
Paghahari ni Jehoshafat sa Juda(E)
41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. 42 Tatlumpu't limang taóng gulang siya noong siya'y maupo sa trono ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Ayuba na anak ni Silhi. 43 Sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Asa; ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Subalit hindi niya ipinawasak ang mga lugar ng sambahan ng mga pagano at nagpatuloy ang mga tao sa pag-aalay doon at pagsusunog ng insenso. 44 Nakipagkasundo rin si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat, ang kanyang kagitingan, ang kanyang mga pakikipaglaban, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 46 Pinalayas niya ang mga lalaki at mga babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sagradong lugar na natitira pa sa kaharian. Nakaligtas ang mga ito noong panahon pa ni Asa na kanyang ama.
47 Walang hari noon sa Edom; ang namamahala dito'y isang kinatawan ng hari ng Juda. 48 Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber. 49 Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat. 50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari.
Paghahari ni Ahazias sa Israel
51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari. 52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala. 53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.
Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Pangwakas na Tagubilin at Pagbati
12 Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan.
14 Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat.
16 Magalak kayong lagi, 17 palagi kayong manalangin, 18 at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
19 Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. 20 Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. 21 Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. 22 Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
23 Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito.
25 Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami.
26 Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na kapatid kay Cristo.[a] 27 Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid.
28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Ikalawang Panaginip ni Haring Nebucadnezar
4 Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang pahayag para sa lahat ng lahi, bansa at wika sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad:
“Kapayapaan nawa ang sumainyo. 2 Buong kagalakang ipinapahayag ko sa inyo ang mga kababalaghan at himala na ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 “Ang kanyang kababalaghan ay kamangha-mangha
at kagila-gilalas ang mga himala!
Walang hanggan ang kanyang kaharian;
kapangyarihan niya'y magpakailanman.
4 “Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. 5 Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. 6 Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. 7 Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag. 8 Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: 9 Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo'y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin.
10 “Ito ang panaginip ko habang ako'y natutulog: May isang napakataas na punongkahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig. 11 Tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito ng buong daigdig. 12 Madahon ang mga sanga nito at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga hayop at ang mga ibon naman ay namumugad sa kanyang mga sanga. Dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.
13 “Nakita ko rin sa panaginip na bumababa mula sa langit ang isang anghel na nagbabantay. 14 Sumigaw siya nang malakas, ‘Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito. 15 Ngunit huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. 16 Ang isip niya'y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon. 17 Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’
18 “Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.”
Ang Paliwanag ni Daniel sa Panaginip ng Hari
19 Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.”
Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip. 20 Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig, 21 may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon, 22 ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig. 23 Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon. 24 Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. 25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. 26 Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. 27 Kaya,(A) mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”
28 Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia. 30 Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”
31 Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. 32 Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.”
33 Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.
Patotoo ni Nebucadnezar
34 “Pagkatapos(B) ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.
Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan,
ang paghahari niya'y magpakailanman.
35 Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga;
ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya.
Walang maaaring mag-utos sa kanya
ni makakatutol sa kanyang ginagawa.
36 “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati.
37 “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.”
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(A)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Panalangin Upang Iligtas Laban sa Masasama
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
109 Pinupuri kita; O Diyos, huwag ka sanang manahimik,
2 ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit,
mga taong sinungaling na manira lang ang nais.
3 Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay,
kinakalaban nga ako kahit walang madahilan.
4 Bagaman sila'y minahal ko, masama rin ang paratang,
kahit ko pa idalangin, masama pa rin yaong bintang.
5 Sa mabuting ginawa ko, iginanti ay masama,
kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta.
6 Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,
kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
7 pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,
kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa.
8 Ang(B) dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay,
kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.
9 Silang mga anak niya ay dapat na maulila,
hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina.
10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,
sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
11 Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang,
agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal.
12 Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man,
kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan.
13 Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay,
sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam.
14 Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan,
at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
15 Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila,
ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!
16 Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan,
bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay.
17 Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain,
yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain.
18 Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis;
sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig
tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis.
19 Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan,
na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw.
20 Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan,
sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
21 Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan,
yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman.
22 Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan,
labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
23 Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala,
parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
24 Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain,
payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin.
25 Ang(C) sinumang makakita sa akin ay nagtatawa,
umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.
26 Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas.
27 Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag,
ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas.
28 Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa,
sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya;
ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa.
29 Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala,
ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila.
30 Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat,
sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap;
31 pagkat siya'y laging handang tumulong sa mahihirap,
na lagi nang inuusig at ang gusto'y ipahamak.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.