Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 11-12

Inagaw ni Atalia ang Trono(A)

11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.

Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.”

Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. 10 At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. 11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. 12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. 14 Pagdating(B) doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”

15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” 16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.

Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada(C)

17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. 18 Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. 19 Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. 20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.

21 Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda.

Ang Paghahari ni Joas sa Juda(D)

12 Nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel, si Joas ay nagsimulang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba. Sa buong buhay niya'y naging kalugud-lugod siya kay Yahweh dahil sa pagtuturo sa kanya ng paring si Joiada. Gayunman, hindi niya naipagiba ang mga dambana para sa mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao na maghandog ng hain at magsunog ng insenso doon.

Minsan,(E) sinabi ni Joas sa mga pari, “Ipunin ninyo sa Templo ang salaping ibinayad kaugnay ng mga handog—ang bayad para sa mga karaniwang handog at ang salaping ibinigay ng kusang-loob. Ang salapi ay tatanggapin ng bawat pari mula sa mga tao upang gamitin sa pagpapaayos ng anumang sira sa Templo.” Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay wala pang naipapaayos sa Templo ang mga pari. Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada at ang iba pang pari. “Bakit hindi pa ninyo inaayos ang mga sira sa Templo?” tanong niya sa mga ito. “Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salaping para sa pagpapaayos ng Templo.” Sumang-ayon naman ang mga pari na hindi na sila ang tatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapaayos ng Templo.

Kumuha ng kahon ang paring si Joiada at binutasan niya ang takip nito. Inilagay niya ito sa tabi ng dambana, sa gawing kanan ng pintuan ng Templo ni Yahweh. Doon inilalagay ng mga paring nagbabantay sa pinto ang lahat ng salaping ibinibigay ng mga tao. 10 At kapag marami nang laman ang kahon, binibilang ito ng Pinakapunong pari at ng kalihim ng hari, saka inilalagay sa mga supot. 11 Pagkatapos timbangin ang mga salaping naipon, ibinibigay nila ito sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga karpintero at sa mga manggagawa, 12 sa mga kantero at sa mga nagtatapyas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang pambili ng mga kahoy, ng mga batong tinapyas at ng iba pang kailangan sa pagpapaayos ng Templo ni Yahweh. 13 Ang nalikom na salaping ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng mga palangganang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapang yari sa ginto o pilak. 14 Lahat ng malikom ay ibinabayad nila sa mga manggagawa at ibinibili ng mga kasangkapan para sa pagpapaayos ng Templo. 15 Hindi(F) na nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain sapagkat matatapat ang mga ito. 16 Ang(G) salaping mula sa handog na pambayad ng kasalanan at ang salaping mula sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi na inilalagay sa kaban sapagkat nakalaan iyon sa mga pari.

17 Nang panahong iyon, ang lunsod ng Gat ay sinalakay at sinakop ni Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos, tinangka naman niyang salakayin ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Haring Joas ang mga kaloob na nalikom ng mga ninuno niyang sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na naging mga hari ng Juda, pati na rin ang mga kaloob na kanyang nalikom. Kinuha rin niya ang mga ginto at pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo, at ipinadala kay Haring Hazael. Dahil dito, hindi na sinalakay ni Hazael ang Jerusalem.

19 Ang iba pang mga ginawa ni Joas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Nagkaisa ang kanyang mga opisyal laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa bayan ng Millo, sa may papuntang Sila. 21 Ang pumatay sa kanya ay ang mga opisyal niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. Inilibing si Joas sa libingan ng mga hari, sa lunsod ni David. Humalili sa kanya ang anak niyang si Amazias bilang hari.

2 Timoteo 2

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ng kagandahang-loob ni Cristo Jesus. Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang magturo naman sa iba.

Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. Hindi maaaring gantimpalaan ang isang manlalaro kung hindi siya naglalaro ayon sa mga alituntunin. Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat unang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.

Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:

“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(A) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
    maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
    itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
    siya'y nananatiling tapat pa rin
    sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”

Tapat na Lingkod ni Cristo

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit(B) matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”

20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. 21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya.

Hosea 3-4

Si Hosea at ang Babaing Mangangalunya

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Umalis kang muli, at ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya'y nangangalunya. Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos at laging naghahandog sa mga ito ng tinapay na may pasas.”

Kaya't binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. At sinabi ko sa kanya, “Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo.” Sapagkat ang mga taga-Israel ay mamumuhay na walang hari at walang pinuno sa loob ng mahabang panahon. Mawawalan din sila ng mga handog, Ashera, efod, at larawan ng mga diyus-diyosan. Pagkatapos, magbabalik-loob sila kay Yahweh na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari. Sa mga huling araw, nanginginig silang lalapit kay Yahweh at malalasap nila ang kanyang kabutihan.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa Israel

Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh,
    sapagkat may bintang siya laban sa inyo.
“Sa lupaing ito ay walang katapatan,
    walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos.
Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling,
    pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya.
Nilalabag nila ang lahat ng batas
    at sunud-sunod ang mga pamamaslang.
Kaya't nagdadalamhati ang lupain,
    nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito.
Halos malipol ang mga hayop sa parang,
    ang mga ibon sa papawirin,
    at ang mga isda sa dagat.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa mga Pari

“Gayunma'y huwag magbintang ang sinuman,
    at huwag usigin ang iba,
    sapagkat ang hinanakit ko'y laban sa inyo, mga pari.
Araw at gabi'y lagi kayong nabibigo,
    at ang propeta'y kasama ninyong bigo.
    Kaya't lilipulin ko ang Israel na inyong ina.
Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan;
    sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan,
    itinatakwil ko rin kayo bilang pari.
At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos,
    kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.

“Habang dumarami ang mga pari,
    lalo naman silang nagkakasala
    sa akin;
    kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan.
Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao;
    nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan.
At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan.
    Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin,
    dahil sa kanilang kasamaan.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
    makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak;
sapagkat itinakwil nila si Yahweh
    at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”

Isinumpa ni Yahweh ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

11 “Ang alak, luma man o bago,
    ay nakakasira ng pang-unawa.
12 Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin.
    Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod.
Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay,
    at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
13 Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok,
    at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol,
sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble,
    sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim.
Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga,
    at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
14 Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama.
    Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya;
sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo,
    at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan.
Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.

15 “Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel,
    hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda.
Huwag kang pumasok sa Gilgal,
    ni umakyat sa Beth-aven;[a]
    at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’[b]
16 Matigas ang ulo ng Israel,
    tulad ng dumalagang baka.
Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh
    tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan?
17 Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim;
    pabayaan mo na siya.
18 Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya;
    higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan.
19 Tatangayin sila ng malakas na hangin,
    at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan.

Mga Awit 119:121-144

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Ayin)

121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
    sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
    at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
    sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
    abang lingkod,
    upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
    nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
    kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
    pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.

Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh

(Pe)

129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
    lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
    nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
    na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
    at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
    mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
    iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
    at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
    dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.

Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh

(Tsade)

137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
    matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
    sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
    pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
    kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
    gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
    katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
    ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
    bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.