M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Eliseo at ang sumasalakay na taga Siria.
6 At sinabi ng mga (A)anak ng mga propeta kay Eliseo, Narito ngayon, ang dakong aming kinatitirahan sa harap mo ay totoong gipit sa ganang amin.
2 Isinasamo namin sa iyo na kami ay paparoonin sa Jordan, at kumuha roon ang bawa't isa ng sikang, at gumawa kami para sa amin ng isang dako roon, na aming matatahanan. At siya'y sumagot, Magsiyaon kayo.
3 At sinabi ng isa, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay matuwa, at yumaon na kasama ng iyong mga lingkod. At siya'y sumagot, Ako'y yayaon.
4 Sa gayo'y yumaon siyang kasama nila. At nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng kahoy.
5 Nguni't samantalang ang isa'y pumuputol ng isang sikang, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig: at siya'y sumigaw, at nagsabi, Sa aba ko, panginoon ko! sapagka't hiram.
6 At sinabi ng lalake ng Dios, Saan nalaglag? At itinuro niya sa kaniya ang dako. At siya'y pumutol ng isang patpat, (B)at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.
7 At kaniyang sinabi, Kunin mo. Sa gayo'y kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha.
8 Ang hari nga sa Siria ay nakipagdigma sa Israel; at siya'y kumuhang payo sa kaniyang mga lingkod, na nagsasabi, Sa gayo't gayong dako malalagay ang aking kampamento.
9 At ang lalake ng Dios ay nagsugo sa hari sa Israel, na nagsasabi, Magingat ka na huwag dumaan sa dakong yaon; sapagka't doo'y lumulusong ang mga taga Siria.
10 At nagsugo ang hari sa Israel sa dakong isinaysay sa kaniya ng lalake ng Dios at ipinagpauna sa kaniya; at siya'y lumigtas doon, na hindi miminsan o mamakalawa.
11 At ang puso ng hari sa Siria ay nabagabag na mainam dahil sa bagay na ito; at kaniyang tinawag ang kaniyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, Hindi ba ninyo ipakikilala sa akin kung sino sa atin ang sa hari sa Israel?
12 At sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, Hindi panginoon ko, Oh hari: kundi si Eliseo, na propeta na nasa Israel, ay nagsaysay sa hari sa Israel ng mga salita na iyong sinalita sa iyong silid na tulugan.
13 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon at tingnan mo kung saan siya nandoon, upang ako'y makapagpasundo at dalhin siya. At nasaysay sa kaniya, na sinabi, Narito, siya'y nasa (C)Dothan.
Ang Samaria ay kinubkob.
14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo at mga karo, at ng isang malaking hukbo: at sila'y naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.
15 At nang (D)ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?
16 At siya'y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka't ang sumasaatin ay (E)higit kay sa sumasa kanila.
17 At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya'y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo (F)at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.
18 At nang kanilang lusungin siya, ay nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang bayang ito. (G)At kaniyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.
19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, Hindi ito ang daan, o ang bayan man: sumunod kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa lalake na inyong hinahanap. At kaniyang pinatnubayan sila hanggang sa Samaria.
20 At nangyari, nang sila'y magsidating sa Samaria, na sinabi ni Eliseo, Panginoon, idilat mo ang mga mata ng mga lalaking ito, upang sila'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang kanilang mga mata, at sila'y nangakakita; at, narito, sila'y nangasa gitna ng Samaria.
21 At sinabi ng hari sa Israel kay Eliseo, nang makita niya sila, (H)Ama ko, sasaktan ko ba sila? sasaktan ko ba sila?
22 At siya'y sumagot. Huwag mong sasaktan sila; sasaktan mo ba ang iyong binihag ng iyong tabak at ng iyong busog? (I)maghain ka ng tinapay at tubig sa harap nila, upang kanilang makain at mainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.
23 At ipinaghanda niya ng malaking pagkain sila: at nang sila'y makakain at makainom, kaniyang pinayaon sila, at sila'y nagsiparoon sa kanilang panginoon. At ang (J)pulutong ng Siria ay hindi na naparoon pa sa lupain ng Israel.
24 At nangyari, pagkatapos nito, na pinisan ni (K)Ben-adad na hari sa Siria, ang buo niyang hukbo, at umahon, at kinubkob ang Samaria.
25 At nagkaroon ng malaking kagutom sa Samaria: at, narito, kanilang kinubkob, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay naipagbili ng walong pung putol na pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati ay ng limang putol na pilak.
26 At pagdaraan sa kuta ng hari sa Israel, humiyaw ang isang babae sa kaniya, na nagsasabi, Saklolo, panginoon ko, Oh hari.
27 At kaniyang sinabi, Kung hindi ka saklolohan ng Panginoon, sa ano kita sasaklolohan sa giikan ba, o sa ubasan.
28 At sinabi ng hari sa kaniya, Anong nangyayari sa iyo? At siya'y sumagot, Sinabi ng babaing ito sa akin, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.
29 (L)Sa gayo'y pinakuluan namin ang anak ko, at kinain namin siya: at sinabi ko sa kaniya sa sumunod na araw, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya; at kaniyang ikinubli ang kaniyang anak.
30 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, na (M)kaniyang hinapak ang kaniyang suot (nagdadaan nga siya sa kuta;) at ang bayan ay tumingin, at, narito, siya'y may magaspang na damit sa loob sa kaniyang katawan.
31 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, (N)Gawing gayon ng Dios sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Saphat ay matira sa kaniya sa araw na ito.
32 Nguni't si Eliseo ay nakaupo sa kaniyang bahay, at ang mga (O)matanda ay nagsiupo na kasama niya; at ang hari ay nagsugo ng isang lalake na mula sa harap niya: nguni't bago dumating ang sugo sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa mga matanda, Hindi ba ninyo nakita kung paanong ang anak na ito ng isang (P)mamamatay tao ay nagsugo sa akin na alisin ang aking ulo? masdan ninyo, pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at itulak ninyo ang pinto laban sa kaniya: (Q)di ba ang ingay ng mga paa ng kaniyang panginoon sa likod niya?
33 At samantalang siya'y nakikipagusap sa kanila, narito, nilusong siya ng sugo: at kaniyang sinabi, Narito, ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon; bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?
3 Tapat ang pasabi, (A)Kung ang sinoman ay magsisikap na maging obispo, ay mabuting gawa ang ninanasa.
2 (B)Dapat nga na ang (C)obispo ay (D)walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, (E)mapagpatuloy, (F)sapat na makapagturo;
3 Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi;
4 Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, (G)na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong (H)kahusayan;
5 (Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa (I)iglesia ng Dios?)
6 Hindi baguhan, baka siya kung magpalalo ay mahulog sa (J)kaparusahan ng diablo.
7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y (K)magkaroon ng mabuting patotoo ng (L)nangasa labas, baka mahulog sa kapintasan (M)at silo ng diablo.
8 Gayon din naman (N)ang mga diakono dapat ay (O)mahuhusay, hindi dalawang dila, hindi mahilig sa maraming alak, hindi mga sakim sa mahahalay na kapakinabangan;
9 Na iniingatan (P)ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi.
10 (Q)At ang mga ito rin naman ay subukin muna; kung magkagayo'y mamahalang may pagka diakono, kung walang kapintasan.
11 (R)Gayon din naman ang mga babae dapat ay mahuhusay, hindi palabintangin, mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.
12 Maging asawa ang mga diakono ng tigiisa lamang na babae, na pamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sangbahayan.
13 Sapagka't ang nangamamahalang mabuti sa pagka diakono, ay nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan, at malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus.
14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na inaasahang makararating sa iyong madali;
15 Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila (S)sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.
16 At walang pagtatalo, dakila (T)ang hiwaga ng kabanalan;
Si Daniel ay natakot dahil sa isang lalake na napanaginip.
10 Nang ikatlong taon ni Ciro na hari sa Persia ay nahayag ang isang bagay kay Daniel, na ang pangala'y (A)Beltsasar; at ang bagay ay tunay, sa makatuwid baga'y isang malaking pakikipagbaka; at kaniyang naunawa ang bagay at nagkaroon ng unawa tungkol sa pangitain.
2 Nang mga araw na yao'y akong si Daniel ay nanangis na tatlong buong sanglinggo.
3 Hindi ako kumain ng masarap na tinapay, ni pumasok man ang karne ni alak man sa aking bibig, (B)ni naglangis man ako, hanggang sa natapos ang tatlong buong sanglinggo.
4 At nang ikadalawang pu't apat na araw ng unang buwan, palibhasa'y ako'y nasa tabi ng malaking ilog, na siyang (C)Hiddekel.
5 Aking itiningin ang aking mga mata, at tumanaw, at narito, ang isang lalake na (D)nakapanamit ng kayong lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng taganas na (E)ginto sa Uphas:
6 Ang kaniyang katawan naman ay (F)gaya ng berilo, at ang kaniyang mukha ay (G)gaya ng anyo ng kidlat, at ang kaniyang mga mata ay gaya ng mga liwanag ng apoy, at ang kaniyang mga kamay at kaniyang mga paa, ay gaya ng kulay ng pinakintab na tanso, (H)at ang tinig ng kaniyang mga salita ay gaya ng tinig ng isang karamihan.
7 At akong si Daniel ang nakakitang magisa ng pangitaing yaon; sapagka't ang mga lalake na kasama ko ay hindi nangakakita ng pangitain; kundi sumakanila ang isang di kawasang panginginig, at sila'y nagsitakas upang magsikubli.
8 Sa gayo'y iniwan akong magisa, at nakakita nitong dakilang pangitain, at nawalan ako ng lakas; sapagka't ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan at walang nanatiling lakas sa akin.
9 Gayon ma'y narinig ko ang tinig ng kaniyang mga salita; (I)at nang aking marinig ang tinig ng kaniyang mga salita, ako nga'y nagupiling sa isang mahimbing na pagkakatulog, na ang aking mukha ay pasubsob.
Inaliw siya ng lalake.
10 At, narito, isang kamay ay humipo sa akin, na nagtayo sa akin sa aking mga tuhod at sa mga palad ng aking mga kamay.
11 At sinabi niya sa akin, Oh Daniel, ikaw na lalaking minamahal na mainam, unawain mo ang mga salita na aking sinasalita sa iyo, at tumayo kang matuwid; sapagka't sa iyo'y sinugo ako ngayon. At ng kaniyang masalita ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.
12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, (J)Huwag kang matakot, Daniel; sapagka't mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong puso na makaunawa, at magpakababa sa harap ng iyong Dios, ang iyong mga salita ay (K)dininig: at ako'y naparito alangalang sa iyong mga salita.
13 Nguni't ang prinsipe ng kaharian ng Persia ay nakipagpunyagi sa akin na dalawang pu't isang araw; nguni't, narito, si (L)Miguel ay isa sa mga punong prinsipe, dumating upang tulungan ako: at ako'y natira doon na kasama ng mga hari sa Persia.
14 Ngayo'y naparito ako upang ipatalastas sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga (M)huling araw; (N)sapagka't ang pangitain ay ukol sa maraming mga araw pa.
15 At nang kaniyang masalita sa akin ang ayon sa mga salitang ito, ay aking itinungo ang aking mukha sa lupa, at ako'y napipi.
16 At, narito, isang (O)gaya ng kahawig ng mga anak ng mga tao ay (P)humipo ng aking mga labi: nang magkagayo'y ibinuka ko ang aking bibig, at ako'y nagsalita, at nagsabi sa kaniya na tumayo sa harap ko, Oh panginoon ko, dahil sa pangitain ay nagbalik sa akin ang aking mga kapanglawan, at hindi nananatili sa akin ang lakas.
17 Sapagka't paanong makikipagusap ang lingkod nitong aking panginoon sa panginoon kong ito? sapagka't tungkol sa akin, ay biglang nawalan ako ng lakas, ni may naiwan mang hininga sa akin.
18 Nang magkagayo'y hinipo uli ako roon ng isa na kamukha ng tao, at kaniyang pinalakas ako.
19 At kaniyang sinabi, (Q)Oh taong minamahal na mainam, huwag kang matakot: kapayapaan ang sumaiyo, (R)magpakalakas ka, oo, magpakalakas ka. At nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas, at nagsabi, Magsalita ang aking panginoon; sapagka't iyong pinalakas ako.
20 Nang magkagayo'y sinabi niya, Talastas mo baga kung bakit ako'y naparito sa iyo? at ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa (S)prinsipe sa Persia: at pagka ako'y lumabas, narito, ang prinsipe sa (T)Grecia ay darating.
21 Nguni't aking sasaysayin sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng (U)katotohanan: at walang sinomang tutulong sa akin laban sa mga ito, kundi si (V)Miguel na inyong prinsipe.
Pagbubulaybulay at panalangin tungkol sa kautusan ng Dios.
ALEPH.
119 Mapalad silang (A)sakdal sa lakad,
Na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon.
2 Mapalad silang nangagiingat ng kaniyang mga patotoo,
Na nagsisihanap sa kaniya ng buong puso.
3 (B)Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan;
Sila'y nagsisilakad sa kaniyang mga daan.
4 Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo,
Upang aming sunding masikap.
5 Oh matatag nawa ang aking mga daan,
Upang sundin ang mga palatuntunan mo!
6 (C)Hindi nga ako mapapahiya,
Pagka ako'y nagkaroon ng galang sa inyong lahat na mga utos.
7 Ako'y magpapasalamat sa iyo sa pamamagitan ng katuwiran ng puso,
Pagka aking natutuhan ang mga matuwid mong kahatulan.
8 Aking tutuparin ang mga palatuntunan mo:
Oh huwag mo akong pabayaang lubos.
BETH.
9 Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?
Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita ng aking buong puso:
Oh huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos.
11 Ang salita mo'y aking iningatan (D)sa aking puso:
Upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Mapalad ka, Oh Panginoon:
(E)Ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
13 Aking ipinahayag ng aking mga labi
Ang lahat ng mga kahatulan ng iyong bibig.
14 (F)Ako'y nagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
Na gaya ng lahat na kayamanan.
15 Ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin,
At gagalang sa iyong mga daan.
16 (G)Ako'y magaaliw sa iyong mga palatuntunan:
Hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
GIMEL.
17 (H)Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay;
Sa gayo'y aking susundin ang iyong salita.
18 Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita
Ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan.
19 (I)Ako'y nakikipamayan sa lupa:
Huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 (J)Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik.
Na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.
21 Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa,
Na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.
22 Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan;
(K)Sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin;
Nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.
24 (L)Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran.
At aking mga tagapayo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978