Read the Gospels in 40 Days
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
15 Pagsapit ng umaga'y nagsabwatan ang mga punong pari kasama ang matatanda ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan at ang buong Sanhedrin. Iginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato. 2 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang may sabi niyan.” 3 Naghanap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus. 4 Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo ang dami nilang paratang laban sa iyo.” 5 Ngunit wala nang anumang sinabi pa si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
6 Tuwing Pista ay kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo, na hihilingin ng taong-bayan. 7 Noon ay may isang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. Kasama siya sa mga nakulong dahil sa pagpatay noong panahon ng pag-aaklas. 8 Lumapit ang mga tao kay Pilato at nagsimulang humiling na gawin para sa kanila ang kanyang dating ginagawa. 9 Tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na inggit lamang ang nagtulak sa mga punong pari kung bakit isinasakdal nila si Jesus. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang taong-bayan na si Barabas na lamang ang palayain para sa kanila. 12 Muling nagtanong si Pilato, “Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 14 Ngunit patuloy silang tinanong ni Pilato, “Ano ba'ng ginawa niyang masama?” Subalit lalong lumakas ang kanilang sigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Sa pagnanais ni Pilato na pagbigyan ang taong-bayan, ibinigay sa kanila si Barabas at ibinigay si Jesus upang ipahagupit at ipako sa krus.
Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)
16 Dinala si Jesus ng mga kawal sa bulwagan na tinatawag na Pretorio. Tinipon nila doon ang buong batalyon ng mga kawal. 17 Sinuutan nila si Jesus ng balabal na kulay-ube. Pagkatapos, gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong nila ito sa kanya. 18 At binati siya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ng isang tungkod, pinagduduraan, at sila'y nagsiluhod at sumamba sa kanyang harapan. 20 Matapos siyang kutyain, hinubad nila ang kanyang balabal na kulay-ube at isinuot sa kanya ang kanyang sariling damit, at siya'y inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus(D)
21 Naglalakad (E) noon galing sa bukid si Simon na taga-Cirene, ama ni Alejandro at ni Rufo. Pinilit nila itong pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ibig sabihin ay "Pook ng Bungo." 23 Binigyan nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At (F) siya'y kanilang ipinako sa krus, pinaghati-hatian ang kanyang mga damit at nagpalabunutan kung kanino ito mapupunta. 25 Ikasiyam ng umaga[a] nang siya'y ipako sa krus. 26 Nakasulat sa taas nito ang sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Dalawang tulisan ang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa gawing kanan, at isa sa kanyang kaliwa. 28 [At (G) natupad ang sinasabi ng kasulatan: Siya'y ibinilang sa mga salarin.][b] 29 Hinamak (H) siya ng mga nagdaraan, at umiiling na sinasabi, “Ah! Ikaw na gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, 30 bumaba ka mula sa krus, at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba ngayon mula sa krus ang Cristong Hari ng Israel para makita natin at maniwala tayo sa kanya.” Nilait din siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.
Ang Pagkamatay ni Jesus(I)
33 Nagdilim sa buong lupain mula tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.[c] 34 (J) Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw nang malakas si Jesus, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35 Narinig ito ng ilang nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo (K) ang isang naroon at kumuha ng espongha. Binasa niya ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at inialok kay Jesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. 38 At (L) nahati sa gitna ang tabing ng templo, mula itaas hanggang ibaba. 39 Isang senturyon ang nakatayo malapit sa krus. Nang makita niya kung paano namatay si Jesus, sinabi niya “Tunay na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”[d] 40 Naroon (M) din ang ilang kababaihang nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose, at si Salome. 41 Sila ang mula pa noon sa Galilea ay sumunod na at naglingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga kababaihan na kasama niyang pumunta sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus(N)
42 Dumidilim na noon, araw noon ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na pumunta kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Siya ay isang iginagalang na kagawad at naghihintay rin ng paghahari ng Diyos. 44 Nabigla si Pilato nang marinig na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturyon at itinanong kung patay na nga siya. 45 Nang matiyak niya mula sa senturyon na patay na nga si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Bumili si Jose[e] ng telang lino at pagkababa sa bangkay ni Jesus, binalot niya ito ng nasabing tela at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Pagkatapos, iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan inilibing si Jesus.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(O)
16 Pagkaraan ng araw ng Sabbath, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng pabango upang pahiran ang bangkay ni Jesus. 2 Pagkasikat ng araw nang unang araw ng Linggo, maagang-maaga pa ay pumunta sila sa libingan. 3 Nag-uusap-usap sila habang nasa daan, “Sino kaya ang mapapakiusapan nating maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” 4 Ngunit natanaw nilang naigulong na ang napakalaking batong pantakip. 5 Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit. Nakaupo ito sa gawing kanan. At natakot sila. 6 Ngunit sinabi ng binata sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazareth, ang ipinako sa krus; wala na siya rito; Siya'y binuhay na muli! Tingnan ninyo ang lugar na pinaglagyan sa kanya! 7 Humayo (P) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’ ” 8 Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis, nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot ay walang masabing anuman.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
Sinabi ng mga babae kay Pedro at sa mga kasama nito ang lahat ng mga iniutos sa kanila. At pagkatapos, sinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad sa buong daigdig, na ipangaral nila ang banal at di lilipas na kapahayagan ng walang hanggang kaligtasan. Amen.
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(Q)
9 [Nang siya'y muling mabuhay nang unang araw ng linggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, ang babaing pinalaya niya mula sa kapangyarihan ng pitong demonyo. 10 Pinuntahan niya ang mga alagad, na noo'y nagluluksa at tumatangis, at ibinalita sa mga ito ang kanyang nakita. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala sa ibinalita ni Maria na buháy si Jesus at nagpakita sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(R)
12 Pagkatapos ng mga ito'y nagpakita si Jesus sa ibang anyo sa dalawang alagad habang sila'y naglalakad patungo sa bukid. 13 Bumalik sila at ipinagbigay-alam ito sa ibang alagad. Ngunit ang mga ito'y hindi naniwala sa kanila.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(S)
14 Hindi nagtagal at nagpakita siya sa labing-isa samantalang sila'y kumakain. Sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa hindi nila pagsampalataya at katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 15 Sinabi (T) niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang ebanghelyo[f] sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking pangalan at magsasalita sila ng mga bagong wika; 18 walang mangyayaring masama sa kanila kahit makahawak sila ng mga ahas o makainom ng lason; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at gagaling ang mga ito.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(U)
19 Pagkatapos (V) magsalita sa kanila ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo ang kanyang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Sinamahan sila ng Panginoon sa gawaing ito at pinatunayan ang kanyang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][g]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.