Read the Gospels in 40 Days
Ang mga Minanang Turo(A)
7 Nang sama-samang lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ilang tagapagturo ng Kautusan na nanggaling sa Jerusalem, 2 nakita nila ang ilan sa kanyang alagad na kumakaing marumi ang kamay, samakatuwid, ay hindi nahugasan ayon sa kaugalian. 3 Ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas na mabuti ng mga kamay. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa turong minana nila sa kanilang mga ninuno. 4 Kapag nanggaling sila sa mga pamilihan, hindi sila kakain nang hindi muna naglilinis. Marami pa silang sinusunod na minanang turo gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.[a] 5 Kaya't tinanong si Jesus ng mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turong ipinamana ng ating mga ninuno at kumakain sila nang marurumi ang kamay?” 6 Sumagot (B) si Jesus sa kanila, “Akma nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo. Mga mapagkunwari! Ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng mga taong ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’
8 Tinatalikuran ninyo ang utos ng Diyos at niyayakap ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, masunod lamang ang mga turong minana ninyo. 10 Isang (C) halimbawa ang sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay!’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na sinuman ang magsabi sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Corban, ibig sabihi'y handog ko sa Diyos,’ 12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya hinahayaang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Sa gayong paraa'y pinawawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga minanang kaugalian. Marami pa kayong ginagawang tulad nito.”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muling pinalapit ni Jesus ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang isinusubo ng tao ang nagpaparumi sa kanya; ang lumalabas sa kanya ang nagpaparumi sa tao.” 16 [Makinig ang sinumang may pandinig.][b] 17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at pagkapasok niya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba kayo'y hindi nakauunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya? 19 Sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi!” Sa sinabing ito ay ipinahayag niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. 21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, 22 mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga kabuktutan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paglapastangan, kapalaluan, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay sa loob nagmumula at siyang nagpaparumi sa tao.”
Ang Pananampalataya ng Isang Babaing Taga-Sirofenicia(E)
24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon, at ayaw sana niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi naman ito maitago. 25 Nabalitaan ng isang babaing may anak na sinasaniban ng maruming espiritu na naroon si Jesus. Kaya't nagpunta agad siya kay Jesus at nagpatirapa sa kanyang paanan. 26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isinilang sa Sirofenicia. Nagmakaawa siya kay Jesus[c] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. 27 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kailangang ang mga anak muna ang mapakain. Hindi dapat kunin ang tinapay ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” 28 Ngunit tumugon ang babae, “Opo, Panginoon, ngunit kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na tinapay ng mga anak.” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan niyang nakahiga ang anak sa higaan. Iniwan na ito ng demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Sa pagbabalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32 Doon ay dinala sa kanya ng ilang tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Nakiusap sila sa kanya na ipatong ang kanyang kamay sa lalaki. 33 Matapos mailayo ang lalaki mula sa karamihan, ipinasok ni Jesus ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng bingi. Pagkatapos nito'y dumura siya at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ibig sabihi'y “Mabuksan!” 35 Agad nakarinig ang lalaki, at parang may taling nakalag sa kanyang dila, at nakapagsalita nang malinaw. 36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nilang ipinamamalita ang nangyari. 37 Manghang-mangha ang mga tao. Sinabi nila, “Maganda ang lahat ng kanyang ginagawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi.”
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(F)
8 Pagkaraan ng ilang araw, muling nagtipon ang napakaraming tao. Wala silang makain, kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, 2 “Nahahabag ako sa maraming taong ito sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain. 3 Kung pauuwiin ko silang nagugutom, mahihilo sila sa daan lalo na't ang iba sa kanila'y nanggaling pa sa malayo.” 4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Saan po dito sa ilang makakukuha ng sapat na pagkain para sa mga taong ito?” 5 “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus. “Pito,” sagot nila. 6 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat ay hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi, at ipinamahagi nga nila ito sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mabasbasan ang mga ito, iniutos niya sa mga alagad na ipamahagi rin ito sa mga tao. 8 Kumain sila at nabusog at pagkatapos ay tinipon nila ang lumabis na pagkain na pitong kaing. 9 May apat na libong lalaki ang naroon. Pinauwi sila ni Jesus, 10 pagkatapos ay agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta. 11 Dumating doon (G) ang mga Fariseo at nakipagtalo kay Jesus. Hinihingan nila si Jesus ng himala mula sa langit upang subukin siya. 12 Napabuntong-hininga (H) nang malalim si Jesus at sinabi, “Bakit humahanap ng himala ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang himalang ipapakita sa salinlahing ito.” 13 Sila'y iniwan niya, at muling sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.
Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ni Herodes(I)
14 Nakalimutan ng mga alagad[d] na magdala ng tinapay, maliban sa isang tinapay na dala nila sa bangka. 15 Binalaan (J) sila ni Jesus, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang gamit ng mga Fariseo at ni Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay.” 17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, tinanong niya sila, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nauunawaan? Manhid ba kayo? 18 Mayroon (K) kayong mga mata, bakit hindi kayo makakita? Mayroon kayong mga tainga, bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo natatandaan 19 nang hati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing ng mga lumabis ang inyong pinulot?” “Labindalawa,” sagot nila. 20 “Nang pagputul-putulin ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing ng mga lumabis ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.” 21 “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?” tanong ni Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag
22 Pumasok sila sa Bethsaida at dinala sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap na kanyang hipuin. 23 Hinawakan ni Jesus sa kamay ang bulag at inakay palabas ng nayon. Niluraan niya ang mga mata nito, ipinatong ang kanyang mga kamay at tinanong, “Mayroon ka bang nakikita?” 24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita po ako ng mga tao, parang mga punongkahoy na naglalakad.” 25 Muling ipinatong ni Jesus ang kanyang kamay sa mga mata ng lalaki. Iminulat ng lalaki ang kanyang mga mata. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Pinauwi siya ni Jesus at pinagbilinan, “Huwag ka nang pumasok sa nayon.”
Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(L)
27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos. Habang sila'y nasa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 28 Sumagot (M) sila, “Sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba'y si Elias, at ng iba'y isa sa mga propeta.” 29 “At kayo, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (N) tanong niya sa kanila. Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo.”[e] 30 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(O)
31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!” 34 Tinawag (P) ni Jesus ang maraming tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Sinumang nais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat (Q) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay? 37 Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay? 38 Sinumang ikahiya ako at ang aking salita sa mapakiapid at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa inyo rito na hindi daranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang makapangyarihang pagdating ng kaharian ng Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(R)
2 Pagkaraan (S) ng anim na araw, ibinukod ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan at isinama sa pag-akyat sa isang mataas na bundok. Nagbagong-anyo si Jesus sa harap nila. 3 Nagningning sa kaputian ang kanyang damit, kaputiang hindi kayang gawin ninuman sa daigdig. 4 Nagpakita rin sa kanila doon sina Elias at Moises na kapwa nakikipag-usap kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabbi, mabuti po na narito tayo. Magtatayo po kami ng tatlong tolda; isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” 6 Hindi alam ni Pedro kung ano ang dapat niyang sabihin dahil sa matinding takot nila. 7 (T) May lumitaw na ulap at nililiman sila. Isang tinig ang narinig nila mula sa ulap, “Ito ang Minamahal kong Anak, siya ang inyong pakinggan!” 8 Nang tumingin sa paligid ang mga alagad, wala na silang nakitang kasama nila kundi si Jesus.
9 Habang bumababa sila sa bundok, mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Iningatan nila sa kanilang sarili ang bagay na ito, habang pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan. 11 Nagtanong (U) sila kay Jesus, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” 12 Sumagot siya, “Dapat nga munang dumating si Elias na nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Gayunman, bakit nasusulat na ang Anak ng Tao'y daranas ng maraming hirap at itatakwil? 13 Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at ginawa sa kanya ng mga tao ang lahat ng nais nila, gaya ng nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(V)
14 Nang magbalik sila sa mga alagad, nakita nilang napapaligiran ang mga ito ng napakaraming tao at nakikipagtalo sa mga tagapagturo ng Kautusan. 15 Nang makita ng maraming tao si Jesus, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya. 16 Tinanong sila ni Jesus, “Ano'ng pinagtatalunan ninyo?” 17 Sumagot sa kanya ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko rito ang aking anak na lalaki na sinasaniban ng isang espiritu na sanhi ng kanyang pagkapipi. 18 Tuwing siya'y sasaniban nito, ibinubuwal siya, bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila magawa.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Salinlahing walang pananampalataya! Hanggang kailan ko kayo makakasama? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya rito.” 20 Dinala nga nila ito sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, bigla nitong pinangisay ang bata. Natumba ito sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama, “Kailan pa ito nangyayari sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata. 22 Madalas siya nitong itinutumba sa apoy at sa tubig upang patayin. Kung may magagawa ka, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.” 23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung magagawa mong sumampalataya, mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.” 24 Kaagad sumigaw ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako! Tulungan mo po ako sa aking kawalan ng pananampalataya!” 25 Nang makita ni Jesus na dumaragsa ang tao sa paligid, sinaway niya ang maruming espiritu, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang babalik!” 26 Nagsisigaw ang espiritu, pinangisay ang bata, pagkatapos ay lumabas. Nagmistulang patay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya.” 27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay at ibinangon. At ang bata'y tumindig. 28 Nang pumasok siya sa bahay, palihim siyang tinanong ng mga alagad, “Bakit hindi namin kayang palayasin ang espiritung iyon?” 29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”[f]
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(W)
30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng sinuman ang kanyang kinaroroonan, 31 sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao at siya'y kanilang papatayin. Pagkatapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natatakot naman silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?(X)
33 Nakarating sila sa Capernaum. Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, tinanong niya ang mga alagad, “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” 34 Hindi (Y) sila sumagot, sapagkat pinag-usapan nila sa daan kung sino ang pinakadakila. 35 Umupo (Z) si Jesus, tinawag ang labindalawa at sinabi, “Sinumang nais maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” 36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Kinalong niya ito, at sa kanila'y sinabi, 37 “Ang (AA) sinumang tumatanggap sa maliit na batang tulad nito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(AB)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan. Pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumasama sa atin.” 39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan. Sapagkat walang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ang agad makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. 40 Sapagkat (AC) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan (AD) ninyo ito: sinumang magpainom sa inyo ng isang basong tubig dahil sa pangalan ko ay hindi maaaring mawalan ng gantimpala.
Mga Sanhi ng Pagkakasala(AE)
42 “Mabuti pa sa isang tao na talian ng isang malaking gilingang bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin. 43 Kung (AF) ang isang kamay mo ay nagiging sanhi ng pagkakasala mo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang magkamit ng buhay na putol ang kamay kaysa may dalawang kamay kang pupunta sa impiyerno, kung saan ang apoy ay hindi mapapatay. 44 [Doon, ang mga uod at apoy ay hindi namamatay.][g] 45 Kung ang isa sa iyong paa ay nagiging sanhi ng pagkakasala mo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang magkamit ng buhay na putol ang isang paa kaysa may dalawa kang paa at itapon ka sa impiyerno. 46 [Doon, ang mga uod at apoy ay hindi namamatay.][h] 47 Kung (AG) ang iyong mata ang nagiging sanhi ng pagkakasala mo, dukutin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata at itapon ka sa impiyerno. 48 Doon,(AH) ang mga uod nila at ang apoy ay hindi namamatay. 49 Sapagkat bawat isa ay aasinan ng apoy.[i] 50 Mabuti (AI) ang asin, ngunit kung mawala ang alat nito, paano ito mapapaalat muli? Magtaglay kayo ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.