Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Lucas 10-12

Ang Pagsusugo ni Jesus ng Pitumpu't Dalawa

10 Pagkatapos ng mga ito, humirang ang Panginoon ng pitumpu't dalawa[a] at sila ay dala-dalawa niyang pinauna sa bawat bayan at pook na kanyang pupuntahan. Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti lamang ang manggagawa. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang aanihin. Humayo kayo; isinusugo ko kayo na tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng salapi, o ng supot, o ng mga sandalyas. At huwag kayong bumati kaninuman sa daan. Sa alinmang bahay na inyong tuluyan, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa sambahayang ito.’ At kung mayroon doon na maibigin sa kapayapaan, mananatili sa kanya ang inyong kapayapaan. Kung wala naman, babalik sa inyo ang inyong basbas. Manatili kayo sa iisang bahay at huwag magpalipat-lipat. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Sa alinmang bayan na inyong puntahan at tanggapin kayo ng mga tagaroon, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Malapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 10 Subalit sa alinmang bayan na puntahan ninyo at hindi kayo tanggapin ng mga tagaroon, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 ‘Ipinapagpag namin laban sa inyo maging ang mga alikabok ng inyong bayan na kumapit sa aming paa. Subalit pakatandaan ninyong lumapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos.’ 12 Sinasabi ko sa inyo, mas mabuti pa ang sasapitin ng Sodoma kaysa sasapitin ng bayang iyon sa araw ng paghuhukom.”

Ang Masaklap na Sasapitin ng mga Bayang Hindi Nagsisi(A)

13 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, marahil ay matagal na silang nagsisi na nakaupong may damit-sako at abo. 14 Subalit mas mabuti pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. 15 At ikaw, Capernaum, sa akala mo ba'y iaakyat ka sa langit? Hades ang iyong kababagsakan!” 16 Sinabi niya sa mga alagad, “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang mga ayaw tumanggap sa inyo ay ako ang ayaw nilang tanggapin. At ang ayaw tumanggap sa akin ay ayaw tumanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Pagbabalik ng Pitumpu't Dalawa

17 Bumalik ang pitumpu't dalawa[b] at nagagalak na nagsabi kay Jesus, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin dahil sa inyong pangalan!” 18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na bumulusok mula sa langit tulad ng kidlat. 19 Tingnan ninyo, binibigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at mangibabaw sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapananakit sa inyo. 20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak na nagpapasakop sa inyo ang mga espiritu. Sa halip, ikagalak ninyo na ang inyong pangalan ay nakasulat sa langit.”

Nagalak si Jesus(B)

21 Nang oras ding iyon, napuspos si Jesus ng kagalakan mula sa Banal na Espiritu. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakalulugod sa iyo. 22 Ibinigay na sa akin ng Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at kaninumang pinagpahayagan ng Anak.” 23 Humarap siya sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan, “Pinagpala ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. 24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga haring naghangad makakita ng mga nakita ninyo ngunit hindi nakakita nito at makarinig ng inyong narinig ngunit hindi nila narinig.”

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

25 May isang dalubhasa sa Kautusan na tumayo at nagsabi nang ganito upang subukin si Jesus, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 26 “Ano ba ang nasusulat sa Kautusan?” sagot ni Jesus. “Ano ang pagkaunawa mo?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at nang buong pag-iisip mo; at mahalin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” 28 At sinabi niya sa kanya, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyon at mabubuhay ka.” 29 Ngunit sa pagnanais niyang hindi magmukhang kahiya-hiya, sinabi niya kay Jesus, “Sino naman ang aking kapwa?” 30 Sumagot si Jesus, “May isang lalaking bumaba mula Jerusalem patungong Jerico na naging biktima ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at pagkatapos ay tumakas at iniwan ang lalaki na halos patay na. 31 Nagkataong isang pari ang dumaan din doon. Nang makita ng pari ang lalaki, lumihis iyon sa kabila. 32 Ganoon din ang ginawa ng isang Levita. Dumaan din ito doon at nang makita ang lalaki ay lumihis din sa kabila. 33 Subalit isang Samaritano na naglalakbay ang lumapit sa lalaki, at nang makita ito ay nahabag siya. 34 Nilapitan ng Samaritano ang lalaki, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat, at pagkatapos ay binendahan. Isinakay niya ang lalaki sa kanyang sariling hayop, at pagkatapos ay dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang denaryo ang may-ari ng bahay-panuluyan at pinagbilinan ito, ‘Alagaan mo siya at anumang dagdag na gastusin mo ay babayaran ko sa iyo sa aking pagbabalik.’ 36 Sa palagay mo, sino sa tatlong iyon ang naging kapwa-tao sa lalaking naging biktima ng mga tulisan?” 37 At sinabi niya, “Ang taong nahabag sa kanya.” Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka at ganoon din ang gawin mo.”

Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria

38 Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon. Isang babae roon, na ang pangala'y Marta, ang malugod na tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay. 39 Mayroon siyang kapatid na babae na ang pangalan ay Maria, na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa mga sinasabi ni Jesus. 40 Ngunit nag-aalala si Marta sa dami ng gawain kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, wala bang anuman sa inyo na pinababayaan ako ng aking kapatid na maglingkod mag-isa? Sabihin ninyo sa kanya na tumulong sa akin.” 41 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag sa maraming bagay. 42 ngunit isang bagay lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi at ito'y hindi kukunin sa kanya.”

Ang Turo tungkol sa Panalangin(C)

11 Minsan, matapos manalangin si Jesus sa isang lugar ay sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.” Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo ay mananalangin, sabihin ninyo,

‘Ama, pakabanalin mo ang pangalan mo,
    Dumating nawa ang paghahari mo,
Bigyan mo kami sa bawat araw ng aming pang-araw-araw na pagkain,
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
    sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkakautang sa amin.
At huwag mo kaming dalhin sa tukso.’ ”

Sinabi niya sa kanila, “Ipagpalagay nating isa sa inyo ang pumunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, pahiram naman ng tatlong tinapay; sapagkat isang kaibigan ko ang dumating mula sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ Sinagot naman kayo ng nasa loob na nagsabing, ‘Huwag mo akong gambalain! Nakatrangka na ang pintuan at nasa higaan na ang aking mga anak. Hindi na ako makababangon upang mabigyan ka ng anuman.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang maibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo ay bibigyan. Humanap kayo at kayo ay makatatagpo. Kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang sinumang humihingi ay nakatatanggap, ang humahanap ay nakatatagpo at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Sinong ama sa inyo ang magbibigay ng ahas sa inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 O kung humingi ito ng itlog ay bibigyan ba ninyo ito ng alakdan? 13 Kung kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa ang Ama na nasa langit na magbibigay ng Banal na Espiritu sa mga humingi sa kanya?”

Si Jesus at si Beelzebul(D)

14 Minsan ay nagpalayas si Jesus ng demonyo ng pagiging pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao. 15 Ngunit ilan sa kanila ang nagsabi, “Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 16 Dahil nais siyang subukin ng iba, hinahanapan siya ng mga ito ng tanda mula sa langit. 17 Ngunit dahil batid niya ang kanilang mga iniisip, sinabi niya sa kanila, “Bawat kahariang hindi nagkakaisa ay babagsak, at ang tahanang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 At kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano makatatayo ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul. 19 At kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas ang mga ito ng inyong mga anak? Kaya sila ang magiging hukom ninyo. 20 Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, dumating na nga sa inyo ang paghahari ng Diyos. 21 Kapag isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung isang mas malakas sa kanya ang sumalakay at siya ay talunin, sasamsamin nito ang mga sandatang pinagtiwalaan niya at ipamamahagi ang mga ari-ariang nasamsam. 23 Ang wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay magkakawatak-watak.”

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(E)

24 “Kapag lumabas sa isang tao ang maruming espiritu, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kapag wala itong matagpuan ay magsasabing, ‘Babalik na lang ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Pagdating nito at nakitang nawalisan at naayos na iyon, 26 aalis ito at magsasama ng pito pang espiritung mas masama sa kanya. Papasok sila at maninirahan doon. Kaya't nagiging mas masahol pa kaysa dati ang taong iyon.”

Ang Tunay na Pinagpala

27 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito, isang babae mula sa karamihan ang pasigaw na nagsabi sa kanya, “Pinagpala ang sinapupunang nagdala sa iyo at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.” 28 Subalit sinabi niya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Diyos.”

Hinanapan si Jesus ng Tanda(F)

29 Nang lalong dumarami pa ang mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Masama ang salinlahing ito. Naghahanap ito ng isang tanda, ngunit walang tandang ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas. 30 Kung paanong naging tanda si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ang Anak ng Tao sa salinlahing ito. 31 Sa araw ng paghuhukom, titindig na kasama ng salinlahing ito ang Reyna ng Timog at hahatulan sila. Sapagkat nagmula pa siya sa dulo ng daigdig upang marinig ang karunungan ni Solomon; ngunit masdan ninyo, higit pa kay Solomon ang narito. 32 Sa araw ng paghuhukom, titindig na kasama ng salinlahing ito ang mga taga-Nineve at hahatulan ito. Sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; ngunit masdan ninyo, higit pa kay Jonas ang narito.

Ang Liwanag ng Katawan(G)

33 “Walang sinumang nagsisindi ng ilawan at pagkatapos ay ilalagay ito sa tagong lugar o sa ilalim ng takalan. Sa halip, ilalagay ang ilawan sa patungan upang makita ng mga papasok ang liwanag. 34 Ang mata ang ilawan ng katawan. Kung malinaw ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay maliwanag. Ngunit kung hindi ito malinaw, ang iyong buong katawan ay puno ng kadiliman. 35 Kaya't mag-ingat ka at baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman pala. 36 Kaya naman kung ang iyong buong katawan ay puno ng liwanag at walang bahaging nasa kadiliman, lubos itong maliliwanagan na para bang tinatanglawan ka ng maliwanag na ilaw.”

Ang Pagtuligsa sa mga Fariseo at Dalubhasa sa Kautusan(H)

37 Habang nagsasalita pa si Jesus, inanyayahan siyang makasalo ng isang Fariseo. Kaya't pumasok siya at naupo sa may hapag-kainan. 38 Nagtaka ang Fariseo nang mapansing hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan subalit ang kalooban ninyo ay puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? 41 Ipamigay ninyo sa mga dukha ang mga bagay na nasa loob, at ang lahat ay magiging malinis para sa inyo. 42 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga Fariseo! Sapagkat naglalaan kayo para sa Diyos ng ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at ng iba pang halamang pagkain ngunit binabalewala ninyo ang katarungan at pag-ibig ng Diyos. Dapat nga kayong maglaan ng ikasampu subalit huwag ninyong kaligtaan ang katarungan at pag-ibig ng Diyos. 43 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga Fariseo! Sapagkat ang gusto ninyo ay ang mga upuang pandangal sa mga sinagoga at ang mabigyang-pugay sa mga pamilihan. 44 Kaysaklap ng sasapitin ninyo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman!” 45 Tumugon sa kanya ang isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa mga sinabi mo ay para mo na rin kaming kinutya.” 46 Kaya't sinabi niya, “Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat pinahihirapan ninyo ang mga tao sa mga pasaning mahirap dalhin subalit ni daliri man lamang ninyo ay hindi iginagalaw upang sila'y tulungan. 47 Kaysaklap ng sasapitin ninyo sapagkat itinayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, gayong pinagpapatay sila ng inyong mga ninuno. 48 Kaya nga kayo ay mga saksi at sinang-ayunan ninyo ang ginawa ng inyong mga ninuno sapagkat pinagpapatay nila ang mga ito at kayo naman ang nagtayo ng kanilang mga libingan. 49 Kaya sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Isusugo ko sa kanila ang mga propeta at apostol at ang ilan sa mga ito ay kanilang papatayin at uusigin,’ 50 upang papanagutin sa lahing ito ang dugong dumanak sa lahat ng mga propeta mula pa nang maitatag ang sanlibutan. 51 Mula ito sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng altar at ng templo. Oo, sinasabi ko sa inyong iyon ay papanagutan ng salinlahing ito. 52 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkait ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo'y hindi nagsisipasok, at hinahadlangan pa ninyo ang mga pumapasok.” 53 Paglabas niya roon, sinimulan na siyang pag-initan ng mga Fariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan at malimit na tinatanong tungkol sa iba't ibang bagay, 54 nag-aabang na siya'y masilo sa anumang kanyang sasabihin.

Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(I)

12 Nang magkatipun-tipon ang libu-libong tao na halos matapakan na ang isa't isa, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo. Ito ay ang kanilang pagkukunwari. Walang natatakpan na hindi malalantad, at walang natatago na hindi mabubunyag. Kaya nga anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa lihim na silid ay ipapahayag mula sa bubungan.

Ang Dapat Katakutan(J)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay wala na silang magagawa. Ipapakita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo ang may kapangyarihang magtapon sa inyo sa impiyerno matapos kayong patayin. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan. Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos. Maging ang buhok sa inyong ulo ay bilang lahat. Huwag kayong mangamba. Higit kayong mahalaga kaysa mga maya.

Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(K)

“Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 Sinumang magsalita ng laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit hindi mapapatawad ang magsalita ng paglapastangan sa Banal na Espiritu. 11 Kapag iniharap nila kayo sa sinagoga at sa mga pinuno at mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtanggol ang inyong sarili, o kung ano ang inyong sasabihin, 12 sapagkat tuturuan kayo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(L)

22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[c] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito. 32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”

Mga Lingkod na Handa(M)

35 “Humanda kayo sa paglilingkod[d] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” 42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang pamamahalain ng panginoon sa mga lingkod upang bigyan sila ng pagkain sa takdang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na sa pagbabalik ng kanyang panginoon ay madaratnang gumaganap ng tungkulin. 44 Tunay na sinasabi ko sa inyong sa kanya ipagkakatiwala ang lahat ng kanyang ari-arian. 45 Ngunit kung sabihin ng lingkod na iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa bago makabalik ang aking panginoon,’ at sinimulan niyang pahirapan ang iba pang mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae at siya'y kumain, uminom at maglasing, 46 darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Ang lingkod na iyon ay pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. 47 Ang lingkod na nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi nakahanda o kumilos ayon sa kalooban nito ay maraming ulit hahagupitin. 48 Ngunit ang hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ay hahagupitin ng kaunti sa nagawa nitong pagkakamali. Ang binigyan ng marami ay pananagutin ng marami at ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin sa higit na marami.”

Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(N)

49 “Naparito ako upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sanang ito'y nagniningas na. 50 Kailangan kong magdaan sa isang bautismo at nababagabag ako hangga't hindi ito nagaganap! 51 Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. 52 Sapagkat mula ngayon, ang limang tao sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi—tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama, ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina, ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”

Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(O)

54 Sinabi rin niya sa mga tao, “Kapag nakakita kayo ng ulap na tumataas sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘Paparating na ang ulan,’ at gayon nga ang nangyayari. 55 At kapag nakikita ninyong umiihip ang hanging habagat sinasabi ninyong, ‘Magiging mainit,’ at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong magtaya ng panahon sa anyo ng lupa at langit, subalit bakit hindi ninyo mabasa ang tanda ng kasalukuyang panahon?”

Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(P)

57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid? 58 Makipag-ayos ka sa nagsakdal sa iyo bago pa kayo makarating sa hukom. Kung hindi, baka kaladkarin ka niya sa hukom at ibigay ka ng hukom sa tanod at itapon ka ng tanod sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.