Read the Gospels in 40 Days
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ito ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos. 2 Nasusulat (B) sa aklat ni propeta Isaias,
“Narito, ang aking sugo ay ipinadadala ko sa iyong unahan.[b]
Siya ang maghahanda ng iyong daraanan.
3 Isang (C) tinig ang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”
4 Dumating sa ilang si Juan na nagbabautismo at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi tungo sa pagpapatawad ng mga kasalanan. 5 Pumupunta sa kanya ang lahat ng mga tao mula sa lupain ng Judea at sa Jerusalem. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan. 6 Nakadamit (D) si Juan ng balahibo ng kamelyo, at yari sa balat ang kanyang sinturon. Mga balang at pulot-pukyutan ang kanyang pagkain. 7 Ganito ang kanyang ipinapangaral, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin. At hindi man lamang ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas. 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(E)
9 Dumating noon si Jesus mula sa Nazareth ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa ilog Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus mula sa tubig, bigla niyang nakitang nabuksan ang kalangitan, habang ang Espiritu'y bumababa sa kanya tulad ng isang kalapati. 11 At (F) narinig mula sa kalangitan ang isang tinig, “Ikaw ang minamahal kong Anak, ikaw ang lubos kong kinalulugdan.”
12 Pagkatapos ay kaagad siyang pinapunta ng Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw habang tinutukso ni Satanas. Kasama ni Jesus doon ang mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(G)
14 Nang maibilanggo na si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at nangaral ng Magandang Balita mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, (H) “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisi na kayo at sumampalataya sa Magandang Balitang ito!”
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad
16 Habang dumaraan si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila noon ng lambat sa dagat. 17 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 18 Kaagad iniwan ng dalawa ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. 19 Nang makalakad pa nang kaunti ay nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila noon at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila kaagad ni Jesus. Sumunod naman sila sa kanya at iniwan ang ama nilang si Zebedeo at ang kanilang mga upahang tauhan.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu(I)
21 Nagpunta sila sa Capernaum, at nang dumating ang araw ng Sabbath ay pumasok sa sinagoga si Jesus at kaagad nagturo. 22 Namangha (J) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya tulad ng may awtoridad at hindi gaya ng mga tagapagturo ng Kautusan. 23 Naroon sa sinagoga ang isang lalaking sinasaniban ng maruming espiritu. Bigla itong sumigaw: 24 “Ano'ng kailangan mo sa amin, Jesus na taga-Nazareth? Pumunta ka ba rito upang puksain kami? Kilala kita—ang Hinirang ng Diyos.” 25 Subalit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa kanya!” 26 Pinangisay ng maruming espiritu ang lalaki, nagsisigaw at pagkatapos ay lumabas mula dito. 27 Labis na namangha ang mga tao, at nag-usap-usap, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihang inuutusan niya maging ang maruruming espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya!” 28 Mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(K)
29 Mula sa sinagoga ay agad silang tumuloy sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil sa lagnat. Kaagad nilang sinabi kay Jesus[c] ang tungkol sa kanya. 31 Kaya't lumapit si Jesus sa babae, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Nawala kaagad ang lagnat ng babae at siya'y naglingkod sa kanila. 32 Pagsapit ng gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasaniban ng demonyo. 33 Lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Nagpagaling siya ng maraming taong may iba't ibang uri ng sakit, at nagpalayas ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat alam ng mga ito kung sino siya.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(L)
35 Kinabukasan, madaling araw pa'y bumangon na si Jesus at lumabas na ng bahay. Nagtungo siya sa isang di-mataong lugar, at doon ay nanalangin. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan nito. 37 Nang siya'y natagpuan nila, sinabi nilang, “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sumagot si Jesus, “Pumunta tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral din ako roon. Ito ang dahilan ng aking pagparito.” 39 Kaya (M) nilakbay ni Jesus ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ang Isang Ketongin(N)
40 May isang ketonging lumapit kay Jesus, lumuhod at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo'y magagawa ninyong linisin ako.” 41 Labis na nahabag si Jesus sa ketongin, kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Nais ko. Maging malinis ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at ito'y luminis. 43 Pagkatapos niya itong pagbilinan nang mahigpit, kaagad niya itong pinaalis. 44 Ganito (O) ang bilin niya sa lalaki, “ Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, magpasuri ka sa pari at maghandog ka ayon sa utos ni Moises. Gawin mo ito bilang patunay sa kanila na malinis ka na.” 45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Kaya't hindi na hayagang makapasok sa mga bayan si Jesus, at sa halip ay nanatili na lamang sa labas ng bayan. Gayunman, kahit doo'y patuloy siyang dinadayo ng mga tao na mula pa sa iba't ibang dako.
Ang Pagpapagaling sa Paralitiko(P)
2 Nang magbalik si Jesus sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balitang siya'y nasa kanilang bahay. 2 Nagtipon doon ang maraming tao, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. Ipinangangaral niya sa kanila ang salita. 3 Dumating ang apat na lalaking may buhat na lalaking paralitiko. 4 Dahil sa dami ng tao ay hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus, kaya't binakbak nila ang bubungan sa tapat niya. Pagkatapos nito'y ibinaba nila ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.” 6 Ang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon ay nag-iisip ng ganito: 7 “Bakit ganyan ang salita ng taong iyan? Kalapastanganan iyan! Hindi ba't Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan?” 8 Kaagad nabatid ni Jesus sa kanyang kalooban ang tanong sa kanilang pag-iisip, kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’ 10 Ngunit upang malaman ninyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa paralitiko, 11 “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 12 Bumangon nga ang lalaki, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Dahil dito'y namangha ang lahat at niluwalhati ang Diyos. Sinabi nila, “Wala pa kaming nakitang tulad nito!”
Ang Pagtawag kay Levi(Q)
13 Nagbalik si Jesus sa dalampasigan ng Galilea. Pinuntahan siya roon ng napakaraming tao at nagturo siya sa mga ito. 14 Sa kanyang paglalakad, nakita niyang nakaupo sa bayaran ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. “Sumunod ka sa akin,” sabi sa kanya ni Jesus. Tumayo naman si Levi at sumunod sa kanya.
15 Habang naghahapunan si Jesus sa bahay ni Levi, kasalo niya at ng kanyang mga alagad ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Marami sa kanila ang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ng mga tagapagturo ng Kautusan na[d] kabilang sa mga Fariseo ang mga makasalanan at ang mga maniningil ng buwis, na kasalo ni Jesus, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17 Narinig sila ni Jesus, kaya't sinabi sa kanila, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(R)
18 Nag-aayuno noon ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. May mga lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ng mga Fariseo, ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno. 20 Ngunit darating ang panahong kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal; doon pa lamang sila makapag-aayuno. 21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, hahatakin nito ang luma, at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin ng bagong alak ang lumang balat. Matatapon lamang ang alak at masisira ang mga sisidlang-balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat.”
Ang Pamimitas ng Trigo sa Araw ng Sabbath(S)
23 Isang (T) araw ng Sabbath, napadaan sina Jesus sa isang bukirin ng trigo. Sa kanilang paglalakad, namitas ng uhay ang kanyang mga alagad. 24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit ginagawa ng mga alagad mo ang ipinagbabawal sa araw ng Sabbath?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain? 26 Noong (U) si Abiatar ang Kataas-taasang Pari, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan, gayong ang mga pari lamang ang pinahihintulutang kumain niyon.” 27 Sinabi ni Jesus, “Nagkaroon ng Sabbath para sa tao, at hindi ng tao para sa Sabbath. 28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(V)
3 Minsang pumasok si Jesus sa sinagoga, naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado[e] ang isang kamay. 2 Ilan sa mga naroon ang naghahanap ng maipaparatang laban kay Jesus.[f] Nagbantay silang mabuti at tiningnan kung kanyang pagagalingin ang lalaki[g] sa araw ng Sabbath. 3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” 4 Tinanong ni Jesus ang mga naroroon, “Alin ba ang ipinahihintulot kung araw ng Sabbath: ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama; ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Hindi makasagot ang mga naroon. 5 Galit na tumingin sa kanila si Jesus at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay, at ito'y gumaling. 6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano papatayin si Jesus.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagtungo sa lawa. Sumunod sa kanila ang napakaraming tao mula sa Galilea. 8 Nang mabalitaan ang lahat ng ginagawa niya, nagdatingan ang napakaraming tao mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. 9 Nagpahanda (W) si Jesus ng isang bangkang magagamit upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Dahil marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit para lang mahawakan siya. 11 At tuwing makikita siya ng maruruming espiritu, nagpapatirapa ang mga ito sa kanyang harapan at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit silang pinagbawalan ni Jesus na sabihin kung sino siya.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawa(X)
13 Umakyat si Jesus sa bundok, tinawag niya ang kanyang mga pinili, at lumapit ang mga ito sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag din niyang mga apostol][h] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, 15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na pinangalanan niyang Pedro; 17 si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo na binansagan niyang Boanerges, ibig sabihi'y mga Anak ng Kulog; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; 19 at si Judas Iscariote na nagkanulo sa kanya.
Si Jesus at si Beelzebul(Y)
20 Pagtuloy ni Jesus sa isang bahay, muling nagtipon ang maraming tao kaya't hindi na nila makuhang kumain. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, pumunta sila upang siya'y sawayin sapagkat sinasabi ng mga tao, “Nawawala na siya sa sarili.” 22 Ang (Z) sabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasaniban siya ni Beelzebul. Nagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” 23 Dahil dito'y pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi ang ilang talinghaga, “Paanong mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon. 25 At kung hinahati ng isang sambahayan ang sarili, hindi rin mananatili ang sambahayang iyon. 26 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, babagsak siya at darating ang kanyang wakas. 27 Walang maaaring makapasok sa bahay ng malakas na tao upang magnakaw malibang gapusin muna ang taong iyon; kung siya'y nakagapos na, saka pa lamang mananakawan ang kanyang bahay.
28 “Tinitiyak ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin. 29 Ngunit (AA) sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapatatawad kailanman; nakagawa siya ng isang kasalanang walang hanggan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinabi nila, “Siya'y sinasaniban ng maruming espiritu.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(AB)
31 Dumating ang ina at ang mga kapatid ni Jesus. Naroon sila sa labas ng bahay, at ipinatawag si Jesus. 32 Maraming tao ang nakaupo sa palibot ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki, hinahanap ka nila.” 33 “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?” tanong ni Jesus. 34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! 35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.