Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 23-24

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo(A)

23 Pagkatapos nito ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad. Wika niya, “Nakaupo sa upuan ni Moises ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo. Kaya't inyong isagawa at sundin ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa, sapagkat iba ang kanilang ginagawa sa kanilang sinasabi. Nagtatali sila ng mabibigat na dalahin [at mahirap pasanin,][a] at ipinabubuhat nila sa mga tao; ngunit sila mismo ay ayaw man lamang humipo sa mga ito. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang ipakita lamang sa mga tao.(B) Pinapalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[b] at pinahahaba ang laylayan ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang-pandangal sa mga piging at sa mga pangunahing upuan sa sinagoga. Nais nilang pagpugayan sila ng mga tao sa pamilihan at tawagin silang ‘Rabbi’. Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ninyo ang sinuman sa lupa; sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na tagapanguna, sapagkat iisa ang inyong tagapanguna, ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.(C) 12 Ang nagtataas sa sarili (D) ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay itataas.

13 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao; palibhasa, kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga nagnanais pumasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. 14 [Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at idinadahilan pa ninyo ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.][c] 15 Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang makahikayat ng kahit isa, at kapag nahikayat na siya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno na doble pang masahol kaysa inyong mga sarili.

16 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga bulag na tagaakay. Sinasabi ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng templo, ay wala iyong kabuluhan. Subalit kung ang sinuman ay manumpa sa ngalan ng gintong nasa templo, siya ay mananagot.’ 17 Mga hangal at mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpabanal sa ginto? 18 At sinasabi pa ninyo, ‘Kung ang sinuman ay manumpa sa pamamagitan ng dambana, wala iyong kabuluhan; subalit kung sinuma'y manumpa sa pamamagitan ng alay na nasa ibabaw ng dambana, siya ay mananagot.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang alay o ang dambana na nagpabanal sa alay? 20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw niyon. 21 At ang nanunumpa sa ngalan ng templo ay nanunumpa sa pamamagitan niyon, at sa kanya na naninirahan doon. 22 Ang (E) nanunumpa sa ngalan ng langit ay nanunumpa sa harapan ng trono ng Diyos at sa kanyang nakaupo roon.

23 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (F) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng inyong mga gulayin gaya ng yerbabuena, ng anis at ng komino, subalit kinakaligtaan ninyo ang mas mahahalagang bagay ng Kautusan tulad ng katarungan, kahabagan, at katapatan. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, nang hindi pinababayaan ang iba. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang niknik, nilulunok naman ninyo ang kamelyo!

25 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punung-puno ang mga ito ng katakawan at kalayawan. 26 Bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[d] at magiging malinis din ang labas nito.

27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (G) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan. 28 At ganyan din kayo! Sa labas ay parang mga banal kung pagmasdan, ngunit sa loob ay punung-puno kayo ng pagkukunwari at kabuktutan.

29 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta, at pinagaganda ang mga bantayog ng mga matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng aming mga ninuno, hindi kami sasali sa kanila sa pagpapadanak ng dugo ng mga propeta.’ 31 Kaya't kayo na rin ang nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili, na kayo'y kalahi ng mga pumaslang sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang salop ng inyong mga ninuno. 33 Mga (H) ahas! Mga anak ng mga ulupong! Paano ninyo matatakasan ang parusa sa impiyerno?[e] 34 Tandaan ninyo, dahil dito'y nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng matatalino, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at tutugisin sa bayan-bayan. 35 Sa gayong paraan (I) ay mabubuntong lahat sa inyo ang walang salang dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias, anak ni Baraquias, na inyong pinaslang sa pagitan ng dakong banal at ng dambana. 36 Tinitiyak ko sa inyo, ang lahat ng mga ito ay sasapit sa salinlahing ito.

Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(J)

37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (K) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (L) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(M)

24 Si Jesus ay lumabas sa templo at paalis na nang lapitan siya ng kanyang mga alagad upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. Sumagot siya sa kanila, “Hindi ba't nakikita ninyo ang lahat ng mga ito? Tinitiyak ko sa inyo, wala ritong maiiwan kahit isang bato na nasa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ng mga ito'y pawang ibabagsak.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(N)

Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nilapitan siya nang sarilinan ng kanyang mga alagad. Sinabi nila, “Sabihin mo po sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito at ano ang palatandaan ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong palilinlang kaninuman. Sapagkat maraming darating na gagamit ng aking pangalan, na magsasabing sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. At makaririnig kayo ng mga digmaan at ng usap-usapan ng mga digmaan. Mag-ingat kayo at huwag kayong mabahala, sapagkat kailangang mangyari ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Lulusob ang mga bansa laban sa ibang bansa, at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa iba't ibang dako. Subalit ang lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng paghihirap na katulad ng sa panganganak.

“Pagkatapos (O) ay dadakpin kayo upang pahirapan at kayo'y papatayin. Kayo'y kamumuhian ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Maraming tatalikod sa pananampalataya, magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11 Maglilitawan ang maraming huwad na propeta at lilinlangin nila ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, marami ang manlalamig sa kanilang pag-ibig. 13 Ngunit (P) ang matirang matibay hanggang wakas ay maliligtas. 14 At ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating ang wakas.

Ang Matinding Paghihirap(Q)

15 “Kaya, (R) kapag nakita ninyong nakatayo sa banal na dako ang kasuklam-suklam na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel,—unawain ng bumabasa—, 16 ang mga nasa Judea ay tumakas na at pumunta sa mga bundok. 17 Huwag nang bumaba ang (S) nasa ibabaw ng bahay upang kumuha ng anuman sa loob ng kanyang bahay. 18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. 19 Ngunit kay saklap para sa mga buntis at mga nagpapasuso ang mga araw na iyon! 20 Kaya't ipanalangin ninyo na ang pagtakas ninyo ay hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath. 21 Sapagkat (T) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding kapighatiang hindi pa nangyari mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na kailanman mangyayari pa. 22 At malibang paiikliin ang mga araw na iyon, ang lahat ng laman ay mapapahamak. Ngunit alang-alang sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon. 23 At kapag may nagsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 24 Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta, at magpapakita ng mga kahanga-hangang himala at mga kababalaghan, na dahil dito'y maililihis, kung maaari, pati ang mga pinili. 25 Tandaan ninyo, sinabi ko na sa inyo bago pa man ito mangyari. 26 Kaya, (U) kapag sinabi nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroon siya sa ilang,’ huwag kayong lumabas. Kung sabihin nila, ‘Tingnan ninyo, nasa loob siya ng mga silid,’ huwag kayong maniwala. 27 Sapagkat kung paano dumarating ang kidlat mula sa silangan at gumuguhit hanggang sa kanluran, sa gayunding paraan ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung (V) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.[f]

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(W)

29 “At (X) kasunod agad ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos (Y) ay lilitaw sa langit ang palatandaan ng Anak ng Tao, at magluluksa ang lahat ng mga lipi sa lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap sa himpapawid, taglay ang kapangyarihan at maringal na kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na hudyat ng trumpeta. Titipunin nila ang kanyang mga pinili mula sa apat na ihip ng hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabila.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(Z)

32 “Ngayon ay matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos: kapag malambot na ang sanga nito at sumisibol na ang mga dahon, nalalaman ninyong malapit na ang tag-init. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga pangyayaring ito, alam ninyong ito[g] ay malapit na, nasa may pintuan na. 34 Tinitiyak ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang hindi nagaganap ang lahat ng mga ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hindi kailanman lilipas ang aking mga salita.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(AA)

36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, (AB) maliban sa Ama. 37 Kung paano noong kapanahunan ni Noe, gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 38 Sapagkat kung paano noong mga araw na iyon bago dumating ang baha, ang mga tao'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. 39 At (AC) wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat. Gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon ay may dalawang taong pupunta sa bukid, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 41 May dalawang babaing gumigiling ng butil sa gilingan. Kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 42 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw[h] darating ang inyong Panginoon. 43 (AD) Unawain ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang malooban ang kanyang bahay. 44 Dahil dito'y maging handa rin kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo aakalain.

Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(AE)

45 “Sino nga ba ang mapagkakatiwalaan at matalinong alipin? Hindi ba't siya na pinagbilinan ng kanyang panginoon na mamahala sa kanyang sambahayan, upang mamahagi sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang alipin na sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siyang ganoon nga ang ginagawa. 47 Tinitiyak ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 48 Subalit kung masama ang aliping iyon at magsabi sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang aking panginoon,’ 49 magsisimula siyang manakit ng mga kapwa niya alipin. At makisalo at makipag-inuman pa sa mga lasenggo. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya akalain at sa oras na hindi niya nalalaman. 51 Siya'y pagpuputul-putulin ng kanyang panginoon at ilalagay sa lugar ng mga mapagpanggap, at doo'y magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.