Read the Gospels in 40 Days
Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
10 Umalis doon si Jesus at tumawid sa ibayo ng Jordan at nagpunta sa lupain ng Judea. Muli siyang dinagsa ng napakaraming tao. Tulad ng kanyang nakasanayan, sila'y kanyang tinuruan. 2 Ilang Fariseo ang dumating at nagtanong upang siya'y subukin, “Naaayon ba sa Kautusan na paalisin ng isang lalaki at hiwalayan ang kanyang asawa?” 3 “Ano ba ang utos sa inyo ni Moises?” sagot ni Jesus. 4 Sinabi (B) nila, “Pinahintulutan ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay ang lalaki at pagkatapos ay paalisin ang kanyang asawa.” 5 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso kaya isinulat ni Moises ang utos na iyon! 6 Ngunit (C) sa simula pa ng paglikha ng Diyos sa sanlibutan, ‘nilalang sila ng Diyos na lalaki at babae.’ 7 ‘Dahil (D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at sasamahan niya ang kanyang asawa. 8 Silang dalawa ay magiging isang laman.’ At hindi na sila dalawa, kundi isa. 9 Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” 10 Pagdating nila sa bahay, muli siyang tinanong ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi (E) niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya. 12 At kung humiwalay ang babae sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)
13 Dinala ng mga tao kay Jesus ang maliliit na bata upang kanyang hipuin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga tulad nila ang kaharian ng Diyos. 15 Tandaan (G) ninyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng pagtanggap sa maliit na bata ay hindi maaaring pumasok doon.” 16 Kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Lalaking Mayaman(H)
17 Sa pagpapatuloy ni Jesus sa paglalakbay, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti maliban sa isa—ang Diyos. 19 Alam (I) mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; Huwag kang mandadaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 20 “Guro,” sabi ng lalaki, “Ginampanan ko po ang lahat ng iyan mula pa sa aking kabataan.” 21 Sa pagtingin ni Jesus sa lalaki, minahal niya ito at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay mo ang salapi sa mga dukha. Sa gayon, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nanlumo ang lalaki dahil sa sinabing ito, at umalis siyang nalulungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa paligid, at sinabi sa mga alagad, “Napakahirap para sa mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 24 Namangha ang mga alagad sa sinabing ito ni Jesus. Ngunit muling nagsalita si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Lalong nagtaka ang mga alagad, at sinabi nila sa isa't isa, “Kung gayo'y sino ang maaaring maligtas?” 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Hindi ito kayang gawin ng tao; ngunit kaya ng Diyos. Sapagkat lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28 Nagsimulang magsabi si Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo. Iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain, dahil sa akin at dahil sa Magandang Balita, 30 na hindi tatanggap sa panahong ito ng makaisandaang ulit ng mga bahay, mga kapatid, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating ay tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit (J) maraming nauuna ang mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”
Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(K)
32 Nauuna sa kanila si Jesus sa daang paakyat sa Jerusalem. Namamangha ang mga alagad at natatakot naman ang mga sumusunod sa kanya. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay ang nakatakdang mangyayari sa kanya. 33 Sinabi niya, “Ngayon, papunta tayo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya'y kanilang kukutyain, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(L)
35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, ipagkaloob mo po sana ang anumang hihilingin namin sa iyo.” 36 “Ano ang nais ninyong gawin ko?” tanong ni Jesus. 37 Sumagot ang magkapatid, “Ipagkaloob ninyong makaupo kami, isa sa kanan at isa sa kaliwa sa inyong kaluwalhatian.” 38 Subalit (M) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iinuman ko, at mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?” 39 “Kaya namin,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Iinuman nga ninyo ang kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong daranasin ko. 40 Ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Iyan ay nakalaan para sa mga pinaghandaan nito.” 41 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan. 42 Kaya't (N) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga kinikilalang pinuno ng mga Hentil ay silang pinapanginoon nila at ang mga dakila sa kanila ang nasusunod sa kanila. 43 Subalit (O) hindi dapat ganyan sa inyo. Sa halip, ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; 44 at ang sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(P)
46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang paalis na siya sa lugar na iyon kasama ang mga alagad at marami pang iba, naroong nakaupo sa tabing daan ang isang bulag na pulubing may pangalang Bartimeo, anak ni Timeo. 47 Nang marinig niyang naroon si Jesus na taga-Nazareth, nagsimula siyang sumigaw, “Jesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 48 Maraming sumaway sa kanya upang siya'y tumahimik. Ngunit lalo siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 49 Huminto si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nga nila ang bulag at sinabi sa kanya, “Matuwa ka! Tumayo ka at tinatawag ka niya.” 50 Pagkahagis sa kanyang balabal, agad tumayo ang bulag at lumapit kay Jesus. 51 “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang lalaki, “Rabboni,[a] nais ko pong makakita muli.” 52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli; pagkatapos ay sumunod siya kay Jesus sa daan.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(Q)
11 Nang papalapit na sila sa Betfage at Betania, sa Jerusalem, sa may malapit sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad. 2 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok doon ay makikita ninyo ang isang nakataling bisirong asno, hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagtanong sa inyo kung bakit ginagawa ninyo iyon sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din agad.’ ” 4 Lumakad ang dalawang alagad at may nakita nga silang bisirong asno sa tabi ng daan. Nakatali ito sa may pintuan. Nang kinakalagan na nila ito, 5 tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Ano ang ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?” 6 Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na sila ng mga ito. 7 Dinala nila kay Jesus ang bisirong asno. Matapos nilang isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, sumakay dito si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan, samantalang ang iba'y naglatag ng mga madahong sanga na kanilang pinutol mula sa bukid. 9 Ang (R) mga tao naman sa unahan at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,
“Hosanna! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”
11 Nang makapasok na si Jesus sa Jerusalem, nagtungo siya sa templo at pinagmasdan ang buong paligid niyon. Dahil gumagabi na, lumabas siya at pumunta sa Betania kasama ang labindalawa.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(S)
12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Betania, nakaramdam ng gutom si Jesus. 13 Natanaw niya sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na maraming dahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Subalit dahil hindi pa panahon ng pamumunga nito, wala siyang nakita kundi mga dahon. 14 Kaya't sinabi niya sa puno, “Mula ngayo'y wala nang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Narinig iyon ng kanyang mga alagad.
Si Jesus sa Templo(T)
15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga namimili roon. Pinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi, pati na ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati. 16 Hindi niya pinahintulutang makapasok sa templo ang sinumang may mga dalang paninda. 17 Tinuruan (U) niya ang mga tao at sinabi niya, “Hindi ba nasusulat,
‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’
Ngunit ginawa ninyo itong ‘pugad ng mga magnanakaw!’ ”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Mula noon ay humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang humahanga sa kanyang turo. 19 Pagsapit ng gabi, lumabas ng lungsod si Jesus at ang kanyang mga alagad.
Ang Aral mula sa Natuyo na Punong Igos(V)
20 Kinaumagahan, sa paglalakad nila ay nadaanan nilang muli ang punong igos. Nakita nilang natuyo ito mula sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa puno, kaya't sinabi niya kay Jesus, “Rabbi, tingnan ninyo! Natuyo ang punong igos na isinumpa ninyo!” 22 Sumagot si Jesus sa kanila, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Katotohanan (W) ang sinasabi ko sa inyo, na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at maitapon sa dagat,’ mangyayari ang sinabi niya kung siya'y naniniwala at walang pag-aalinlangan sa puso. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at mangyayari nga iyon sa inyo. 25 Kapag (X) kayo'y nakatayo at nananalangin at mayroon kayong sama ng loob sa sinuman, patawarin ninyo siya upang patawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan. 26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”[b]
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(Y)
27 Muli silang pumunta sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga tagapagturo ng Kautusan, at ang matatandang pinuno. 28 Nagtanong sila sa kanya, “Ano ang kapangyarihan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ito?” 29 Sinabi ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ito ba'y mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa langit, itatanong niya sa atin kung bakit hindi tayo naniwala kay Juan. 32 Ngunit sasabihin ba nating mula sa mga tao?” Natatakot sila sa mga taong bayan sapagkat naniniwala silang lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang kapangyarihan kong gawin ang mga ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(Z)
12 Nagsimulang (AA) magsalita si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. “May isang taong nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukirin. Binakuran niya ang ubasan, humukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka, bago siya nagpunta sa ibang lupain. 2 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang isa niyang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan. 3 Ngunit sapilitang kinuha ng mga magsasaka ang alipin, binugbog at pinaalis na walang dala. 4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito'y kanilang hinampas sa ulo at hiniya. 5 Nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba. Binugbog ang iba at ang iba nama'y pinatay. 6 Iisa na lamang ang maaaring isugo ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Sa dakong huli'y pinapunta nga niya ito, at iniisip, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7 Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 8 Kaya't sapilitan nilang kinuha ang anak at pinatay, pagkatapos ay itinapon sa labas ng ubasan. 9 Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka, at ang ubasan ay ibibigay sa iba. 10 Hindi (AB) pa ba ninyo nabasa ang kasulatang ito:
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
at sa ati'y kahanga-hangang pagmasdan’?”
12 Nang mabatid nilang sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang siya'y dakpin. Ngunit natakot sila sa maraming tao, kaya umalis sila at iniwan si Jesus.
Ang Pagbabayad ng Buwis(AC)
13 Pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at sa mga kakampi ni Herodes upang siluin siya sa kanyang sinasabi. 14 Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, alam naming tapat ka at walang kinikilingan. Hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao at itinuturo mo ang daan ng Diyos batay sa katotohanan. Tama bang magbayad ng buwis sa Emperador[c] o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?” 15 Dahil batid ni Jesus ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubukan? Abutan ninyo ako ng isang salaping pilak at titingnan ko.” 16 Inabutan nga nila si Jesus ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang naririto?” tanong ni Jesus. “Sa Emperador,” sagot nila. 17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila'y namangha sa kanya.
Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(AD)
18 Lumapit (AE) kay Jesus ang mga Saduceo, mga taong nagtuturo na walang pagkabuhay na muli, at nagtanong sila sa kanya, 19 “Guro, (AF) isinulat ni Moises para sa amin na kung mamatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki ng namatay ay dapat pakasal sa babae upang magkaanak siya para sa yumao. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawa ang babae subalit namatay ring walang naiwang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Walang ni isa man sa pitong magkakapatid ang nagkaanak sa kanya. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay. 23 Sa muling pagkabuhay, (kapag sila'y muling nabuhay)[d] sino sa pitong magkakapatid ang magiging asawa ng babae yamang napangasawa niya silang lahat?” 24 Sumagot si Jesus, “Nagkakamali kayo! At ito ang dahilan: hindi ninyo nauunawaan ang mga kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay ng mga tao mula sa kamatayan ay wala nang pag-aasawa. Sa halip, sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol (AG) naman sa muling pagbangon ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa bahagi tungkol sa mababang punong nagliliyab na doon ay sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy! Maling-mali kayo!”
Ang Pangunahing Utos(AH)
28 Lumapit ang isang tagapagturo ng Kautusan at narinig ang kanilang pagtatalo. Nakita niyang mahusay ang pagsagot ni Jesus sa mga Saduceo, kaya siya ay nagtanong, “Ano ang pangunahing utos sa lahat?” 29 Sumagot (AI) si Jesus, “Ang pangunahing utos ay ito: ‘Makinig ka, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, nang iyong buong kaluluwa, nang iyong buong pag-iisip, at nang iyong buong lakas.’ 31 Ang (AJ) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” 32 Sinabi (AK) sa kanya ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama ka, Guro. Batay sa katotohanan ang sinabi mo na iisa nga ang ating Panginoon at wala nang iba maliban sa kanya. 33 Ang (AL) umibig sa kanya nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, ay higit kaysa lahat ng mga handog na sinusunog at iba pang mga hain.” 34 Nang (AM) makita ni Jesus na matalinong sumagot ang lalaki, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(AN)
35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, nagtanong siya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Si (AO) David mismo ang nagpahayag sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’
37 Mismong si David ay tumawag sa kanya na Panginoon, kaya't paano siya magiging anak ni David?” Masayang nakinig sa kanya ang napakaraming tao.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(AP)
38 Sinabi niya habang siya'y nagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan! Mahilig silang maglakad-lakad na suot ang mahahabang damit, at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. 39 Mahilig din silang maupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo at nagkukunwaring banal sa pamamagitan ng kanilang mahahabang pagdarasal. Mas mabigat na parusa ang tatanggapin ng mga ito.”
Ang Kaloob ng Babaing Balo(AQ)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman ng templo at pinagmasdan kung paano naghuhulog ang mga tao ng kanilang handog na salapi. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Dumating ang isang dukhang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing, katumbas ng isang pera. 43 Tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Katotohanan ang sinasabi ko, ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghulog sa kabang-yaman. 44 Sapagkat lahat ay nagbigay mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, sa kabila ng kanyang kahirapan, ay nagbigay ng kanyang buong kabuhayan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.