Read the Gospels in 40 Days
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
13 Nang araw ding iyon ay lumabas ng bahay si Jesus at naupo sa tabing-dagat. 2 Dinagsa siya ng napakaraming tao (B) kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang napakaraming tao ay nakatayo sa dalampasigan. 3 At marami siyang isinalaysay sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Makinig kayo! May isang manghahasik na lumabas upang maghasik. 4 Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan at dumating ang mga ibon at inubos nila ang mga ito. 5 Ang ibang binhi ay nalaglag sa batuhan na kakaunti lamang ang lupa. Sumibol agad ang mga ito palibhasa'y manipis ang lupa. 6 Ngunit pagsikat ng araw, ang mga iyon ay napaso sa init, at dahil hindi pa nagkakaugat ang mga iyon ay tuluyan nang nalanta. 7 Ang ibang binhi ay nalaglag sa may mga halamang tinikan. Lumaki ang mga halamang tinikan at sumakal sa mga iyon. 8 Ang ibang binhi ay nalaglag sa mabuting lupa, at nagsipamunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu. 9 Ang mga may pandinig ay makinig.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga(C)
10 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad, at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng mga talinghaga sa pagsasalita ninyo sa mga tao?” 11 Sumagot siya sa kanila, “Ito ay dahil kayo ang pinagkaloobang makaalam ng mga hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, at hindi sila ang pinagkalooban ng mga ito. 12 Sapagkat (D) sinumang mayroon ay lalo pang bibigyan, at magkakaroon siya ng napakarami; ngunit sinumang wala, pati ang anumang nasa kanya ay kukunin. 13 Ako'y nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat tumitingin sila subalit hindi nakakakita, nakikinig ngunit hindi naman nakaririnig, ni nakauunawa. 14 Sa kanila natutupad (E) ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Sapagkat ang puso ng mga taong ito ay manhid na,
at hindi na makarinig ang kanilang mga tainga,
at kanilang ipinikit ang mga mata nila;
baka ang mga mata nila'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16 Subalit (F) pinagpala ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakaririnig. 17 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang nagnais na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at nagnais marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)
18 “Ngayon, pakinggan ninyo ang ibig sabihin ng talinghaga ng manghahasik: 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig tungkol sa kaharian, ngunit hindi niya ito inuunawa, dumarating ang diyablo[a] at inaagaw ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang tinutukoy na mga naihasik sa may tabing daan. 20 Tungkol naman sa mga naihasik sa mga batuhan, ito ang taong nakikinig ng salita at agad itong tinatanggap nang may kagalakan, 21 gayunma'y hindi siya nagkaroon ng ugat, at hindi gaanong nagtatagal. Kapag may dumating na kagipitan o pag-uusig dahil sa salita, madali siyang natitisod. 22 Tungkol sa naihasik sa may mga halamang tinikan, ito ang taong nakikinig ng salita ngunit ang mga alalahanin sa sanlibutan at ang panlilinlang ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita, anupa't hindi ito nakapamumunga. 23 Tungkol naman sa naihasik sa mabuting lupa, siya ang taong nakikinig ng salita at nauunawaan ito, kaya't siya nga ang namumunga. May namumunga ng isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinasabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukirin. 25 Subalit habang natutulog ang kanyang mga tauhan, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng mga binhi ng damo sa triguhan, at umalis. 26 Kaya't nang tumubo na ang mga tanim at namunga, naglitawan din ang mga damo. 27 Lumapit ang mga alipin sa pinuno ng sambahayan at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi po ba't mabuting binhi ang inyong inihasik sa inyong bukirin? Paano nagkaroon ng mga damo roon?’ 28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ At sinabi ng mga alipin sa kanya, ‘Nais ba ninyong pumunta kami at bunutin ang mga damo?’ 29 Ngunit sumagot siya, ‘Huwag, baka sa pagbunot ninyo sa mga damo ay mabunot pati ang mga trigo. 30 Hayaan ninyong tumubo ang mga iyon na kasama ng mga trigo hanggang sa anihan, at pagsapit ng anihan ay sasabihan ko ang mga manggagapas. Tipunin muna ninyo ang mga damo. Talian ninyo ang mga ito upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ”
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(H)
31 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: Kumuha ang isang tao ng isang butil na binhi ng mustasa, at inihasik sa kanyang bukirin. 32 Pinakamaliit man ito sa lahat ng mga binhi, pagtubo nito ay siya namang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging isang puno, kaya't ang mga ibon sa himpapawid ay dumadapo roon at nagpupugad sa kanyang mga sanga.”
Ang Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(I)
33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa ng tinapay na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal ng harina, hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”
Propesiya tungkol sa mga Talinghaga(J)
34 Ang lahat ng mga ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila kundi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito (K) ay katuparan ng sinabi sa pamamagitan ng propeta,[b]
“Sa pagbigkas ng mga talinghaga, bibig ko'y aking bubuksan,
sasabihin ko ang mga nakatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo
36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Nilapitan siya ng kanyang mga alagad, at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukirin.” 37 Sumagot siya, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukirin ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay tumutukoy sa mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng panahon; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40 Kaya't kung paanong binubunot ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng panahon. 41 Isusugo ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan; 42 at ihahagis nila ang mga ito sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Pagkatapos nito, ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!
Ang Kayamanang Nakabaon
44 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May kayamanang nakabaon sa isang bukid. Natuklasan ito ng isang tao at muli niya itong tinabunan. Sa kanyang tuwa ay humayo siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.
Ang Mamahaling Perlas
45 “Muli, ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang matagpuan niya ang isang mamahaling perlas ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas.
Ang Lambat
47 “At muli, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuhuli ng lahat ng uri ng isda. 48 Kapag puno na ito, hinihila ito ng mga tao sa dalampasigan. Nauupo sila upang piliin ang mabubuting isda at ilagay sa mga sisidlan, ngunit itinatapon ang mga hindi mapakikinabangan. 49 Ganoon ang mangyayari sa katapusan ng panahon. Magdadatingan ang mga anghel at ibubukod nila ang masasama sa matutuwid 50 at itatapon sila sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.
Kayamanang Bago at Luma
51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga ito?” Sumagot ang mga alagad, “Opo.” 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat tagapagturo ng Kautusan na sinanay para sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang imbakan ng kayamanan.”
Itinakwil si Jesus sa Nazareth(L)
53 Pagkatapos isalaysay ni Jesus ang mga talinghagang ito, nilisan niya ang lugar na iyon. 54 Pagdating niya sa sarili niyang bayan, nagturo siya sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha sila sa kanya, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan? Paano niya nagagawa ang himalang ito? 55 Hindi ba't ito ang anak ng karpintero? Di ba't Maria ang pangalan ng kanyang ina? Di ba't mga kapatid niya sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? 56 Hindi ba't narito sa bayan natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan nakuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?” 57 At (M) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay kinikilala kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 Kaya't hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.
Namatay si Juan na Tagapagbautismo(N)
14 Nang panahong iyon ay narinig ng pinunong[c] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. 2 At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Ang taong iyon ay si Juan na Tagapagbautismo! Siya'y ibinangon mula sa kamatayan kaya't nagagawa niya ang mga himalang ito.” 3 Nauna noon ay (O) ipinadakip ni Herodes si Juan. Iginapos niya ito at ibinilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[d] 4 Sapagkat (P) pinagsasabihan siya noon ni Juan, “Labag sa batas na angkinin mo ang babaing iyan.” 5 At kahit nais niyang ipapatay si Juan, natatakot siya sa taong-bayan sapagkat kinikilala nila si Juan na isang propeta. 6 Subalit pagsapit ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias na ikinalugod naman ni Herodes. 7 Kaya't nangako siya at nanumpa na ibibigay niya ang anumang hihingin ng dalaga. 8 Sa sulsol ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay ninyo sa akin ngayon, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!” 9 Ikinalungkot ito ng hari, subalit dahil sa kanyang binitawang pangako sa harap ng mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay ang kahilingang iyon. 10 Nagpadala siya ng tauhan at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga, at dinala naman niya ito sa kanyang ina. 12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita ito kay Jesus.
Pinakain ang Limang Libo(Q)
13 Nang marinig ito ni Jesus, nilisan niya ang lugar na iyon. Sumakay siya sa isang bangka patungo sa isang hindi mataong lugar at doon ay nag-iisa siya. Subalit nang mabalitaan ito ng napakaraming tao, naglakad sila mula sa mga bayan at sinundan siya. 14 Pagdating ni Jesus sa pampang at nakita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na naroon. 15 Nang palubog na ang araw, nilapitan siya ng kanyang mga alagad at sinabi, “Malayo sa kabayanan ang lugar na ito, at pagabi na. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao para makabili sila ng makakain nila.” 16 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 At sinabi naman nila sa kanya, “Limang tinapay lang po at dalawang isda ang mayroon tayo rito.” 18 “Dalhin ninyo rito sa akin” ang sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang napakaraming tao. Nang makuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat para sa mga ito. Pinagputul-putol niya ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad. Ipinamahagi ito ng mga alagad sa mga tao. 20 Ang lahat ay kumain at nabusog. Pagkatapos ay tinipon ng mga alagad ang mga labis na mga pinagputul-putol na tinapay, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 21 Mga limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata ang mga kumain.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(R)
22 Pagkatapos ay agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna niya sa kabilang pampang, habang pinauuwi niya ang napakaraming tao. 23 Matapos niyang pauwiin ang mga tao, nag-iisang umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, naroroon pa rin siyang nag-iisa. 24 Ngunit nang mga sandaling iyon, ang bangka ay pumapalaot na at hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. 25 Nang madaling-araw na,[e] lumapit sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Nang makita ng mga alagad na lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, nasindak sila at nagsabi, “May multo!” At nagsisigaw sila sa takot. 27 Subalit nagsalita kaagad si Jesus, at sinabi sa kanila, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” 28 Sumagot sa kanya si Pedro, “Panginoon, kung ikaw po iyan, papuntahin mo ako diyan sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin ni Pedro[f] ang hangin, natakot siya. At nang siya'y nagsisimula nang lumubog ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Kaagad iniabot ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro, at sinabihan, “Ikaw na maliit ang pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Nang makasampa na sila sa bangka ay huminto na ang hangin. 33 Sumamba sa kanya ang mga nasa bangka. Sabi nila, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”
Pinagaling ang mga Maysakit sa Genesaret(S)
34 Pagdating nila sa kabilang pampang, dumaong sila sa Genesaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa lugar na iyon, ipinamalita nila ito sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. 36 Nakiusap sila sa kanya na mahawakan nila kahit ang laylayan ng kanyang damit. At lahat ng nakahawak nito ay gumaling.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.