Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 13-14

Sinabi ang Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang lumabas si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki ng mga bato at napakaganda ng mga gusali!” Sinabi ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Wala ni isa mang bato dito ang matitirang nakapatong sa ibabaw ng isa pang bato. Iguguho ang lahat na iyan!”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, sarilinan siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, “Maaari po bang sabihin ninyo kung kailan mangyayari ang mga ito at ano ang magiging palatandaan na malapit nang mangyari ang lahat ng mga ito?” Sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw ninuman. Marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabing sila ang Cristo at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababahala kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Maglalaban-laban ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng mga lindol at taggutom sa iba't ibang lugar. Pasimula lamang ang mga ito ng paghihirap tulad ng sa panganganak. Mag-ingat (C) kayo! Dadalhin kayo sa mga hukuman at hahampasin sa mga sinagoga. Ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari upang sa kanila'y magpatotoo kayo alang-alang sa akin. 10 Kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag kayo'y dinala nila at iharap sa paglilitis, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong sasabihin. Sabihin ninyo ang ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon sapagkat hindi na kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay. Gayon din ang sa kanyang anak. Maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ang mga ito'y ipapapatay. 13 Kamumuhian (D) kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.

Ang Matinding Kapighatian(E)

14 “Ngunit (F) kapag nakita na ninyo ang karumal-dumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ito ng bumabasa), dapat nang tumakas ang mga nasa Judea patungo sa kabundukan. 15 Ang (G) nasa ibabaw ng bahay ay huwag nang bumaba o pumasok ng bahay upang kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukirin ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. 17 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18 Ipanalangin ninyo na huwag itong mangyari sa taglamig. 19 Sapagkat (H)magkakaroon sa mga araw na iyon ng kapighatiang walang kapantay, na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at wala nang mararanasang tulad nito kailanman. 20 Malibang paikliin ng Panginoon ang araw na iyon ay walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na kanyang tinawag, pinaikli niya ang mga araw na iyon. 21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo! Narito ang Cristo!’ o kaya'y, ‘Tingnan ninyo! Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga huwad na Cristo at ang mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang kung maaari'y mailigaw nila ang mga hinirang. 23 Kaya mag-ingat kayo! Sinabi ko na sa inyo ang lahat bago pa ito mangyari.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(I)

24 “Ngunit (J) pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at hindi magliliwanag ang buwan, 25 at (K) malalaglag ang mga bituin mula sa kalangitan, at mayayanig ang mga panlangit na kapangyarihan. 26 At (L) ang Anak ng Tao ay makikitang dumarating na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At pagkatapos ay isusugo niya ang kanyang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na sulok, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(M)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa punong igos: Kapag nananariwa ang mga sanga nito, at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga ito, alam ninyong malapit na, nasa mga pintuan na. 30 Tinitiyak ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito hanggang maganap ang mga ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(N)

32 “Subalit (O) tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, maliban sa Ama. 33 Mag-ingat kayo at maging handa[a], sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon. 34 Tulad (P) nito ay isang taong umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya'y iniwan niya sa kanyang mga alipin ang pamamahala. Binigyan niya ng tungkulin ang bawat isa, at inutusan ang tanod sa pinto na magbantay. 35 Kaya nga magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan babalik ang panginoon ng sambahayan, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa pagbubukang-liwayway. 36 Baka bigla siyang dumating at madatnan niya kayong natutulog. 37 Anumang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo.”

Balak Patayin si Jesus(Q)

14 Dalawang (R) araw na lamang bago ang Paskuwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Patuloy na naghanap ng paraan ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kung paano palihim na maipadadakip si Jesus at maipapatay. Sinabi nila, “Huwag sa panahon ng pista at baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(S)

Samantalang (T) nasa Betania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakaupo siya sa may hapag-kainan ay dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng pabango. Mamahalin ang pabangong ito na mula sa katas ng purong nardo. Binasag ng babae ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Ngunit may ilan doong galit na nagsabi sa isa't isa, “Bakit sinayang nang ganyan ang pabango? Maaari sanang ipagbili ang pabangong iyan ng higit sa tatlong daang denaryo[b] at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At kanilang pinagalitan ang babae. Ngunit sinabi ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Hayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Lagi (U) ninyong kasama ang mga dukha, at kapag nais ninyo, maaari ninyo silang gawan ng mabuti! Ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Ginawa niya ang kanyang makakaya. Binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa aking libing. Tinitiyak ko sa inyo, saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, sasabihin ang ginawa ng babaing ito bilang pag-alaala sa kanya.”

Pumayag si Judas na Ipagkanulo si Jesus(V)

10 Pagkatapos, si Judas Iscariote, isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus sa kanila. 11 Natuwa ang mga punong pari nang marinig ito at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y naghanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.

Si Jesus at ang mga Alagad nang Araw ng Paskuwa(W)

12 Nang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa araw ng paghahain ng kordero ng Paskuwa, tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo gustong ipaghanda namin kayo upang makakain ng hapunang pampaskuwa?” 13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa lungsod at masasalubong ninyo doon ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya. 14 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na kanyang papasukan, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng hapunang pampaskuwa, kasalo ang kanyang mga alagad.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakahanda na at mayroon nang mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” 16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lungsod, at natagpuan doon ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. 17 Kinagabihan, dumating si Jesus kasama ang labindalawa. 18 Nang (X) nakaupo na sila at kumakain, sinabi ni Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo na ipagkakanulo ako ng isa sa inyong kasalo ko ngayon.” 19 Nalungkot ang mga alagad at isa-isang nagsabi sa kanya, “Hindi ako iyon, Panginoon, di po ba?” 20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa inyong labindalawa na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na ipinanganak.”

Ang Hapunan ng Panginoon(Y)

22 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagputul-putol niya ang tinapay, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Tanggapin ninyo; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos, iniabot ito sa mga alagad at mula roon ay uminom silang lahat. 24 Sinabi (Z) niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[c] na ibinubuhos para sa marami. 25 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na uminom ako nang panibago sa kaharian ng Diyos.” 26 Pagkaawit ng isang himno, lumabas sila at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(AA)

27 Sinabi (AB) ni Jesus sa kanila, “Tatalikod kayong lahat, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at pagwawatak-watakin ang mga tupa.’ 28 Ngunit (AC) matapos na ako'y maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Talikuran man kayo ng lahat, hindi ko kayo tatalikuran.” 30 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo na sa gabi ring ito, bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” 31 Ngunit ipinagdiinan ni Pedro, “Mamatay man akong kasama mo, hinding-hindi ko kayo ipagkakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(AD)

32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag at mabahala. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang kalooban ko'y punung-puno ng kalungkutan, na halos ikamatay ko. Maghintay kayo at magbantay.” 35 Lumayo nang kaunti si Jesus at nagpatirapa sa lupa. Idinalangin niya na kung maaari'y huwag nang dumating ang kanyang oras. 36 Sinabi niya, “Abba,[d] Ama! Kaya mong gawin ang lahat. Ilayo mo ang kopang ito sa akin. Gayunman, hindi ang nais ko kundi ang nais mo ang masunod.” 37 Bumalik siya sa mga alagad at dinatnang sila'y natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka? Hindi mo ba kayang magbantay kahit isang oras? 38 Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo mahulog sa tukso. May pagnanais ang espiritu ngunit mahina ang laman.” 39 Umalis muli si Jesus, nanalangin at inulit ang kanyang kahilingan. 40 Nang bumalik siya sa mga alagad, sila'y muli niyang nadatnang natutulog dahil sila'y antok na antok. Hindi na nila alam ang isasagot sa kanya. 41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tama na! Oras na! Ipinagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon na kayo! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, papalapit na ang magkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(AE)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa Labindalawa. Kasama niya ang maraming taong may dalang mga tabak at mga pamalo. Sinugo sila ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno ng bayan. 44 Humudyat sa kanila ang magkakanulo sa kanya: “Ang hahalikan ko ang siyang hinahanap ninyo. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45 Kaya't sa pagdating, lumapit agad iyon kay Jesus at bumati, “Rabbi,” at siya'y kanyang hinalikan. 46 Hinawakan ng mga tao si Jesus sa kamay at dinakip. 47 Ngunit isa sa mga naroon ang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari. Natagpas ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ba'y tulisan at may dala pa kayong mga tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? 49 Araw-araw (AF) kasama ninyo ako sa Templo habang ako'y nagtuturo, ngunit hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan.” 50 Tumakas ang lahat ng alagad at iniwan siya.

51 Isang binata ang sumunod sa kanya nang walang damit kundi ang balabal niyang lino. Nang siya'y hinawakan ng mga tao, 52 nabitawan niya ang kanyang balabal at siya'y tumakas na hubad.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(AG)

53 Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Pari at nagkaroon ng pagtitipon doon ang lahat ng mga punong pari, matatandang pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Mula sa malayo ay sumunod si Pedro kay Jesus, hanggang sa loob ng patyo ng Kataas-taasang Pari. Naupo siyang kasama ng mga kawal at nagpainit sa tabi ng siga. 55 Naghahanap ng katibayan laban kay Jesus ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang matagpuan. 56 Maraming nagbigay ng maling pahayag tungkol sa kanya, ngunit hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May mga tumayo at nagsabi ng ganitong kasinungalingan, 58 “Narinig (AH) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng mga kamay.’ ” 59 Ngunit hindi pa rin nagkakatugma ang mga pahayag nila. 60 Tumayo sa harapan ng kapulungan ang Kataas-taasang Pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” 61 Subalit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot. Tinanong siyang muli ng Kataas-taasang Pari, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 Sumagot (AI) si Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, dumarating na nasa ulap ng himpapawid.” 63 Pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang damit at nagsabi, “Kailangan pa ba natin ng saksi? 64 Narinig (AJ) na ninyo ang paglapastangan! Ano sa palagay ninyo?” At siya'y hinatulan nilang lahat na karapat-dapat siyang mamatay. 65 Sinimulan siyang duraan ng ilan sa mga naroon, piniringan ang kanyang mga mata, at siya'y pinagsusuntok. “Hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo!” sabi nila. Kinuha siya ng mga bantay at pinagsasampal.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(AK)

66 Samantala, si Pedro na nasa ibaba ay nilapitan ng isa sa mga aliping babae ng Kataas-taasang Pari. 67 Nakita niya si Pedro na nagpapainit sa tabi ng siga, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazareth.” 68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Hindi ko alam at hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [at pagkatapos ay tumilaok ang manok.][e] 69 Muli siyang nakita doon ng aliping babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila.” 70 Ngunit muling nagkaila si Pedro. Pagkaraan ng ilang sandali ay sinabi ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Talagang isa ka sa kanila dahil ikaw ay taga-Galilea.” 71 Ngunit si Pedro'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Siya namang pagtilaok ng manok sa ikalawang pagkakataon. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.