Read the Gospels in 40 Days
Nagkatawang tao ang Salita
1 Noong simula pa lamang ay naroon na ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Kasama na niya ang Diyos noong simula pa. 3 Nilikha ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya, at kung wala siya, walang anumang nilikha. Ang lahat ng nilikha 4 ay nagkaroon ng buhay sa pamamagitan niya, at ang buhay na ito ay ilaw ng sangkatauhan. 5 Ang ilaw ay nagliliwanag sa kadiliman at ang kadiliman ay hindi nanaig sa ilaw. 6 (A)Isinugo ng Diyos ang isang taong nagngangalang Juan. 7 Dumating siya bilang isang saksi at upang magpatotoo tungkol sa ilaw, nang sa gayon ay maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw, kundi isang magpapatotoo lamang tungkol sa ilaw. 9 Dumarating sa sanlibutan ang tunay na ilaw upang magliwanag sa bawat tao. 10 Siya ay nasa sanlibutan, at nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya subalit hindi siya naunawaan nito. 11 Dumating siya sa sarili niyang bayan subalit hindi siya tinanggap ng bayan niyang ito. 12 Subalit sa lahat ng tumanggap sa kanya, sa mga sumampalataya sa pangalan niya, sila'y binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos; 13 na hindi ipinanganak ayon sa dugo, ni ayon sa laman o kalooban ng tao, kundi ayon sa Diyos. 14 Naging tao ang Salita, at nanirahan sa piling natin na puspos ng kagandahang-loob at katotohanan; nasaksihan namin ang kanyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na tulad ng sa kaisa-isang anak na nagmula sa Ama. 15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw na sinasabi, “Siya ang tinukoy ko nang sabihin kong, ‘Siya na dumarating kasunod ko ay higit kaysa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin.’ ” 16 At tumanggap tayong lahat mula sa kanyang kapuspusan; kagandahang-loob na sinundan pa ng kagandahang-loob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises; ang kagandahang-loob at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y walang nakakita sa Diyos; ang natatanging Diyos[a] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.
Ang Pagpapatotoo ni Juan
19 At ito ang patotoo ni Juan nang nagpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, “Sino ka ba?” 20 Nagpahayag siya at hindi nagkaila, kundi sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 (B)At tinanong nila si Juan, “Kung gayon, ikaw ba si Elias?” Sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At sumagot siya, “Hindi.” 22 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Sino ka? Bigyan mo kami ng kasagutang maaari naming ibigay sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 (C)Sinabi niya,
“Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon,’
tulad ng sinabi ni propetang Isaias.” 24 Ang mga ito ay sugo mula sa mga Fariseo. 25 Muli silang nagtanong sa kanya, “Kung gayon bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, hindi rin ikaw si Elias, ni ang propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo kilala; 27 siya ang dumarating na kasunod ko; hindi ako karapat-dapat na magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.” 28 Nangyari ito sa Betania sa kabilang ibayo ng Jordan kung saan nagbabautismo si Juan.
Ang Kordero ng Diyos
29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Mga Naunang Alagad ni Jesus
35 Nang sumunod na araw, naroon muli't nakatayo si Juan kasama ng dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Minasdan niya si Jesus habang naglalakad ito at sinabing, “Narito, ang kordero ng Diyos!” 37 Narinig ng dalawang tagasunod niya nang sabihin niya ito kaya sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus, nakita niya silang sumusunod kaya sinabi niya sa kanila, “Ano ang hinahanap ninyo?” At sinabi nila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang kahulugan ng “Rabbi” ay guro.) 39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo nang makita ninyo.” Sumama nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, at mag-iikaapat na ng hapon noon. 40 Isa sa dalawang nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesiyas” (na ang katumbas ay Cristo). 42 Siya'y dinala niya kay Jesus. Tumingin si Jesus sa kanya at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang itatawag na sa iyo ay Cefas[b] ”(na ang katumbas ay Pedro).
Si Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na magpunta sa Galilea. Doon ay natagpuan niya si Felipe at sinabi rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, lungsod nina Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa rito, “Natagpuan na namin siya na tinutukoy ni Moises sa Kautusan, na siya ring isinulat ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazareth, ang anak ni Jose.” 46 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “May mabuting bagay ba na maaring manggaling sa Nazareth?” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit kung kaya't siya'y nagsalita ng tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya.” 48 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “Paano po ninyo ako nakilala?” Sinagot siya ni Jesus, “Bago ka tawagin ni Felipe, nakita kita habang nasa ilalim ng puno ng igos.” 49 Sinagot siya ni Nathanael at sinabi, “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang hari ng Israel!” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka ba dahil sinabi ko sa'yo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Mga dakilang bagay na higit pa sa mga ito ang makikita mo.” 51 (D)At sinabi pa niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng Tao.”
Ang Kasalan sa Cana
2 Nang ikatlong araw, nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. 2 Inanyayahan din sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 At nang kinulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala na silang alak.” 4 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, ano'ng kinalaman nito sa akin at sa iyo? Hindi pa ito ang aking panahon.” 5 Kinausap ng kanyang ina ang mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya.” 6 Mayroon doong anim na banga na ginagamit ng mga Judio sa paglilinis ayon sa Kautusan. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galong tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nga nila ang mga ito hanggang halos umapaw. 8 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Ngayon, kumuha kayo, at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Kaya iyon nga ang ginawa nila. 9 Tinikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak na. Dahil hindi niya alam kung saan ito nanggaling, bagama't alam ng mga lingkod na kumuha ng tubig, tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kanya, “Karaniwang inihahain muna ng tao ang mataas na uri ng alak, at saka pa lamang ihahain ang mababang uri nito kapag ang lahat ay lasing na. Ngunit ngayon mo lamang inilabas ang mataas na uri ng alak.” 11 Ito ang una sa mga himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito sa Cana ng Galilea at sa gayo'y ipinahayag niya ang kanyang kaluwalhatian. At sumampalataya nga sa kanya ang kanyang mga alagad. 12 (E)Pagkaraan nito nagtungo siya sa Capernaum kasama ang kanyang ina, mga kapatid at mga alagad. Doo'y nanatili sila ng ilang araw.
Nilinis ni Jesus ang Templo(F)
13 (G)Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nadatnan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at mga mámamalit ng salapi. 15 Dahil dito, gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya ang lahat palabas ng templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ipinagtatapon niya ang mga salapi ng mga mámamalit at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo ang lahat ng ito! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.” 17 (H)At naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, “Ang malasakit para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” 18 Dahil dito, sinabi ng mga Judio sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin bilang dahilan para gawin mo ang mga bagay na ito?” 19 (I)Sumagot sa kanila si Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli kong itatayo.” 20 Kaya't sinabi ng mga Judio, “Itinayo ang templong ito sa loob ng apatnapu't anim na taon, at itatayo mo ito sa loob lamang ng tatlong araw?” 21 Ngunit ang tinutukoy niyang templo ay ang kanyang katawan. 22 At nang siya'y binuhay mula sa kamatayan, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya't naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Kilala ni Jesus ang Lahat ng Tao
23 Nang siya'y nasa Jerusalem noong Pista ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan nang makita nila ang mga himala na kanyang ginawa. 24 Subalit hindi nagtiwala si Jesus sa kanila, 25 dahil kilala niya ang lahat ng mga tao at hindi niya kailangan ang sinuman para magpatunay tungkol sa tao, sapagkat alam niya kung ano ang niloloob nila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.