Read the Gospels in 40 Days
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang taong nagngangalang Nicodemo, isang Fariseo at pinuno ng mga Judio. 2 Kinagabiha'y pumunta kay Jesus ang taong ito at sinabi sa kanya, “Rabbi, alam po naming ikaw ay isang gurong mula sa Diyos, sapagkat walang sinumang makagagawa ng mga himalang ginagawa mo malibang sumasakanya ang Diyos.” 3 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang tao'y ipanganak mula sa itaas,[a] hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” 4 Sinabi ni Nicodemo sa kanya, “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Maaari ba siyang pumasok muli sa sinapupunan ng kanyang ina upang maipanganak?” 5 Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang isinilang sa laman ay laman at ang isinilang sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kailangang kayo'y ipanganak mula sa itaas[b].’ 8 Ang hangin[c] ay umiihip kung saan nito nais, at naririnig mo ang tunog nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nagmumula at kung saan ito pumupunta. Gayundin ang sinumang ipinanganak sa Espiritu.” 9 Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paano pong mangyayari ang mga ito?” 10 Sumagot si Jesus, “Guro ka ng Israel, at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nagsasalita kami tungkol sa alam namin, at nagpapatotoo sa mga nakita namin; ngunit hindi ninyo ito tinatanggap. 12 (A)Kung ang sinabi ko sa inyo na mga bagay na panlupa ay hindi ninyo pinaniniwalaan, paano kayong maniniwala kung mga bagay na panlangit na ang sasabihin ko sa inyo? 13 (B)Walang sinumang nakaakyat sa langit maliban sa kanya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 (C)At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, ganoon din kailangang maitaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat ganoon inibig ng Diyos ang sanlibutan, kaya ipinagkaloob niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat isinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang sa pamamagitan niya ay maligtas ang sanlibutan. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay nahatulan na, sapagkat hindi siya sumasampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos. 19 At ito ang hatol: dumating sa sanlibutan ang ilaw, ngunit mas inibig ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw, dahil masasama ang kanilang mga gawa. 20 Ang sinumang gumagawa ng mga masama ay namumuhi sa ilaw, at hindi siya lumalapit sa ilaw upang hindi malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang sinumang nagsasagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, nang sa gayon ay mahayag na ang ginagawa niya ay naaayon sa Diyos.”
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo
22 Pagkatapos ng mga ito, nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doo'y nanatili siya kasama nila at nagbautismo. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon malapit sa Salim dahil maraming tubig doon. Maraming tao ang dumating at nabautismuhan. 24 (D)(Hindi pa nakakulong si Juan nang mga panahong ito.) 25 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't lumapit sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabbi, ang taong kasama mo sa kabila ng Jordan, na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo. Pumupunta sa kanya ang lahat.” 27 Sumagot si Juan, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao malibang ito ay ibinigay sa kanya mula sa langit. 28 (E)Kayo mismo ay mga saksi nang sabihin kong hindi ako ang Cristo, kundi ako ay isinugong una sa kanya. 29 Ang kasama ng kasintahang babae ay ang lalaking ikakasal. Nakatayo ang kaibigan ng lalaking ikakasal at siya'y lubos na nagagalak dahil sa narinig na niya ang tinig ng lalaking ikakasal. Dahil dito'y lubos na rin ang aking kagalakan. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Ang Nagmula sa Langit
31 Siya na nanggaling sa itaas ang pinakamataas; siya na mula sa lupa ay kabilang sa lupa, at nagsasalita nang ayon sa lupa; siya na mula sa langit ang pinakamataas. 32 Nagpapatotoo siya sa kanyang nakita at narinig, ngunit walang tumatanggap ng kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang Diyos ay totoo. 34 Sapagkat ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, dahil walang hangganan ang kanyang pagbibigay ng Espiritu. 35 (F)Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay ang lahat ng bagay sa kanyang kamay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; subalit ang sumusuway sa Anak ay hindi makalalasap ng buhay. Sa halip, ang poot ng Diyos ang mananatili sa kanya.
Si Jesus at ang Babaing Taga-Samaria
4 Nang malaman ni Jesus na narinig ng mga Fariseo na siya ay nakahihikayat ng mas maraming alagad at nagbabautismo ng mas marami kaysa kay Juan— 2 bagama't hindi naman si Jesus ang nagbabautismo kundi ang kanyang mga alagad,— 3 umalis siya ng Judea at nagtungo muli sa Galilea. 4 Kailangan niyang dumaan sa Samaria, 5 (G)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. 6 Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[d] na noon 7 nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” 8 (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) 9 (H)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.” 27 Dumating ang kanyang mga alagad at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae, ngunit wala ni isa mang nagtanong sa babae, “Anong gusto mo?” o kay Jesus, “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?” 28 Pagkatapos ay iniwan ng babae ang kanyang sisidlan ng tubig at umalis papuntang lungsod, at sinabi niya sa mga tao, 29 “Halikayo, tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na nga kaya ang Cristo?” 30 Kaya't sila'y lumabas ng lungsod at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Mayamang Pinuno
43 Pagkalipas ng dalawang araw, pumunta si Jesus sa Galilea, 44 (I)sapagkat siya mismo ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan. 45 (J)Kaya nang dumating siya sa Galilea, tinangkilik siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa sa Jerusalem noong kapistahan, sapagkat sila man ay naroroon din. 46 (K)Muli siyang nagpunta sa Cana ng Galilea. (Doon niya ginawang alak ang tubig.) Sa Capernaum, may isang mayamang pinunong may anak na lalaki na nagkasakit. 47 Nang mabalitaan nito na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, nagpunta ito sa kanya. Hiniling ng pinuno kay Jesus na puntahan ang kanyang anak na lalaki upang pagalingin, sapagkat malapit na iyong mamatay. 48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung hindi pa kayo makakita ng mga himala at mga kababalaghan, hinding-hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta na po kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka na, mabubuhay ang anak mo.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus at siya'y umalis na. 51 Habang siya'y naglalakad, sinalubong siya ng kanyang mga lingkod at ibinalita sa kanya na magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya sila kung anong oras ito gumaling, at ang sabi nila, “Ala-una[e] po kahapon nang mawalan siya ng lagnat.” 53 Naalala ng ama na iyon ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus na mabubuhay ang kanyang anak. At siya'y sumampalataya, pati na rin ang buo niyang sambahayan. 54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus. Nangyari ito nang siya'y dumating sa Galilea mula sa Judea.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.