Read the Gospels in 40 Days
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga nito. 2 Tinatanggal niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga. Bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pa itong mamunga. 3 Malilinis na kayo dahil sa salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako'y mananatili sa inyo. Hindi makapamumungang mag-isa ang sanga malibang manatili ito sa puno, gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat hindi kayo makagagawa ng anuman kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nananatili sa akin ay itinatapon tulad ng sanga. Ito'y natutuyo, at ang gayong mga sanga ay tinitipon at inihahagis sa apoy, at sinusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin, at ang mga salita ko'y nananatili sa inyo, hilingin ninyo anumang ibig ninyo, at ito'y ipagkakaloob sa inyo. 8 Kayo'y mamunga nang sagana at maging mga alagad ko, sa ganitong paraan ay napaparangalan ang aking Ama. 9 Kung paanong minahal ako ng Ama, minamahal ko rin kayo; manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko, kung paanong tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang mapasainyo ang aking kagalakan, at ang kagalakan ninyo ay maging lubos. 12 (A)Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip itinuturing ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin sa halip ako ang pumili sa inyo. Isinugo ko kayo upang humayo at mamunga ng mga bungang nananatili sa inyo. Sa gayon, anumang hilingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ipagkakaloob sa inyo. 17 Ito ang ipinag-uutos ko sa inyo: mahalin ninyo ang isa't isa. 18 Kung kinapopootan kayo ng sanlibutan, dapat ninyong malaman na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo ay kabilang sa sanlibutan, mamahalin kayo ng sanlibutan bilang kabahagi nito. Dahil hindi kayo kabilang sa sanlibutan, sa halip ay pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya kinapopootan kayo nito. 20 (B)Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang aliping mas dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako ay pinahirapan nila, pahihirapan din nila kayo. Kung sinunod nila ang salita ko, susunod din sila sa salita ninyo. 21 Subalit gagawin nila ang lahat ng ito sa inyo dahil sa taglay ninyo ang pangalan ko, at hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi mahahayag na sila'y nagkasala, ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan para sa kanilang pagkakasala. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawang wala pang sinumang nakagawa, hindi mahahayag na sila'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nakita na nila ang mga gawa ko, gayunma'y kinapopootan nila ako at ang aking Ama. 25 (C)Ito ay katuparan ng salita na nakasulat sa kanilang kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’ 26 Pagdating ng Kaagapay na aking isusugo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na darating mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At maging kayo ay magpapatotoo sapagkat kayo ay kasama ko mula pa sa simula.
16 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananampalataya. 2 Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. At dumarating na nga ang oras na ang mga papatay sa inyo ay mag-iisip na ginagawa nila ito bilang paglilingkod sa Diyos. 3 At gagawin nila ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako man. 4 Subalit sinabi ko ang mga ito sa inyo upang pagdating ng oras ay maalala ninyo ang sinabi ko tungkol sa kanila.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga ito noon, sapagkat kasama pa ninyo ako. 5 Ngayon, pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin, gayunma'y wala sa inyong nagtatanong kung saan ako pupunta? 6 Subalit dahil sinabi ko na sa inyo ang mga ito, napuno na ng kalungkutan ang inyong mga puso. 7 Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo. 8 Sa kanyang pagdating, ilalantad niya ang kamalian ng sanlibutan tungkol sa kasalanan at sa katarungan at sa paghatol: 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila sumasampalataya sa akin; 10 tungkol sa katarungan, dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 tungkol sa paghatol, dahil ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.
12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin ngayon. 13 Kapag dumating siya, ang Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; sapagkat hindi mula sa sarili ang kanyang sasabihin, kundi kung ano ang naririnig niya at ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat tatanggapin niya kung ano ang mula sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Lahat ng sa Ama ay sa akin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko na tatanggapin niya ang mula sa akin at sa inyo'y ipapahayag.
Kagalakan Pagkatapos ng Paghihirap
16 “Sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita.” 17 Kaya ilan sa mga alagad ang nagsabi sa isa’t isa, “Ano kaya'ng ibig sabihin ng sinabi niya sa atin na sandali na lang at hindi na natin siya makikita, at sandali pa, muli natin siyang makikita, at sinabi rin niyang pupunta siya sa Ama?” 18 Sinabi nila, “Anong ibig niyang sabihin sa ‘sandali na lang’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na ibig nila siyang tanungin, kaya sinabi niya sa kanila, “Pinag-uusapan ba ninyo kung ano ang ibig kong sabihin na sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita? 20 Tinitiyak ko sa inyo na kayo’y iiyak at tatangis, ngunit ang sanlibutan ay magagalak; maghihirap kayo, subalit ang paghihirap ninyo ay magiging kagalakan. 21 Kapag manganganak ang babae, siya’y naghihirap, sapagkat dumating na ang takdang oras. Ngunit pagkatapos niyang manganak, nalilimutan na niya ang hirap dahil sa kagalakan, na isinilang ang isang sanggol sa sanlibutan. 22 Kaya, kayo'y naghihirap ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa kagalakan ang inyong mga puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo hihingi pa sa akin ng anuman. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman sa aking pangalan, ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon hindi pa kayo humihingi ng anuman sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo'y tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging ganap.
Madadaig ang Sanlibutan
25 “Sinabi ko ang lahat ng mga ito sa inyo nang patalinghaga. Darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi malinaw kong ipapahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa aking pangalan. Hindi ko sinasabi na hihingi ako sa Ama para sa inyo, 27 ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, sapagkat minahal ninyo ako at naniwala kayo na ako’y mula sa Diyos. 28 Ako’y galing sa Ama at dumating sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.” 29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon, tuwiran na po kayong nagsasalita, hindi na patalinghaga. 30 Ngayo'y alam na namin na alam ninyo ang lahat ng bagay. Hindi na kailangang magtanong ang sinuman sa inyo. Dahil dito, naniniwala kaming kayo'y nagmula sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon? 32 Dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na kayo’y magkakawatak-watak at magkakanya-kanya, at iiwan ninyo akong nag-iisa. Subalit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan, haharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, nadaig ko na ang sanlibutan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.