Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Juan 19-20

Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus

19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (A)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ang Pagpako kay Jesus sa Krus

Kinuha nga nila si Jesus. 17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (B)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.

Ang Pagkamatay ni Jesus

28 (C)Pagkatapos nito, nang malaman ni Jesus na ang lahat ay naganap na, sinabi niya, upang matupad ang Kasulatan, “Nauuhaw ako.” 29 Isang sisidlang puno ng maasim na alak ang naroon. Kaya isinawsaw nila sa maasim na alak ang isang espongha at inilagay ito sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Matapos tanggapin ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na.” Pagkatapos, yumuko siya at isinuko ang kanyang espiritu.

Ang Pagtusok sa Tagiliran ni Jesus

31 Dahil araw noon ng Paghahanda, ayaw ng mga Judio na manatili ang mga bangkay sa krus sa araw ng Sabbath, lalo na't ang Sabbath na iyon ay dakila. Kaya hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Kaya dumating ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at ng isa pang lalaki na kasama ni Jesus na ipinako. 33 Subalit nang dumating sila kay Jesus at nakitang siya ay patay na, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Tinusok na lang ng sibat ang kanyang tagiliran ng isang kawal, at kaagad na lumabas ang dugo at tubig. 35 (Siya na nakakita nito ay nagpapatotoo upang kayo ay maniwala. Ang kanyang pagpapatunay ay totoo, at alam niya na totoo ang kanyang sinasabi.) 36 (D)Nangyari ang mga ito upang maganap ang Kasulatan, “Wala ni isa man sa kanyang mga buto ang babaliin.” 37 (E)At muli, sinasabi rin ng isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang tinusok nila ng sibat.”

Ang Paglilibing kay Jesus

38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (F)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

20 Umaga ng unang araw ng sanlinggo, habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan at nakita niyang naalis na ang batong pantakip sa libingan. Kaya't siya'y tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” Kaya't umalis si Pedro at ang alagad na iyon at nagpunta sila sa libingan. Kapwa tumakbo ang dalawa, subalit naunahan ng alagad na iyon si Pedro kaya una siyang nakarating sa libingan. Yumuko siya upang sumilip sa loob at nakita niya ang mga telang pangbalot na nakalatag doon, ngunit hindi siya pumasok. Dumating na kasunod niya si Simon Pedro at pumasok ito sa libingan. Nakita ni Pedro na nakalatag doon ang mga telang panlibing, at ang ibinalot sa ulo ni Jesus na hindi nakalagay kasama ng mga telang panlibing, kundi nakabalumbong mag-isa sa isang lugar. Pagkatapos, ang alagad na unang nakarating sa libingan ay pumasok din, at nakita niya, at siya'y naniwala; sapagkat hanggang sa panahong iyon, hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi ng Kasulatan, na kailangan munang muling mabuhay si Jesus mula sa kamatayan. 10 Pagkatapos, umuwi na ang mga alagad.

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena

11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan at umiiyak. Habang umiiyak, yumuko siya upang sumilip sa loob ng libingan. 12 Nakakita siya ng dalawang anghel na nakaputi, nakaupo sa pinaglagyan ng katawan ni Jesus, ang isa sa ulunan at ang isa naman ay sa paanan. 13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot si Maria, “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” 14 Matapos niyang sabihin ito, lumingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, subalit hindi niya alam na ito ay si Jesus. 15 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Napagkamalan niyang hardinero si Jesus at sinabi niya rito, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya, sabihin mo kung saan mo siya inilagay, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” na ang ibig sabihin ay Guro. 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ” 18 Umalis si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon!”, at sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(G)

19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (H)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”

24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”

26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[b]

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.