Read the Gospels in 40 Days
Mga Minanang Kaugalian(A)
15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, 2 “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” 3 Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4 Sapagkat (B) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ 5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, 6 at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[a] ng Diyos. 7 Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang (C) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (E) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[b] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”
Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(G)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis doon si Jesus at bumagtas sa tabi ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Dumagsa sa kanya ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, mga paralitiko, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y kanyang pinagaling. 31 Namangha ang maraming tao nang makita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, lumalakas ang mga paralitiko, nakalalakad ang mga piláy, at nakakikita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.
Pinakain ang Apat na Libo(H)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Naaawa ako sa maraming taong ito, sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at ngayon ay wala silang pagkain. Ayaw ko naman silang paalising gutóm, at baka himatayin sila sa daan.” 33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na tinapay sa liblib na pook na ito upang ipakain sa ganito karaming tao?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo niya sa lupa ang mga tao, 36 kinuha ang pitong tinapay at ang mga isda at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. 37 Silang lahat ay kumain at nabusog. At nakapagtipon sila ng pitong kaing na punô ng mga labis na pinagputul-putol na pagkain. 38 May apat na libong lalaki ang kumain bukod pa sa mga babae at sa mga bata. 39 Pagkatapos pauwiin ang maraming tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa nasasakupan ng Magadan.
Humingi ng Mahimalang Tanda kay Jesus(I)
16 Dumating (J) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin si Jesus, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang himala mula sa langit. 2 Sinabi niya sa kanila, “[Sa dapithapon ay sinasabi ninyo, ‘Maganda ang panahon bukas, sapagkat mapula ang langit.’ 3 At sa umaga, ‘Maulan ngayon, sapagkat mapula ang langit at makulimlim.’ Marunong kayong bumasa ng anyo ng langit, subalit hindi kayo marunong umunawa ng mga palatandaan ng mga panahon.][c] 4 Ang (K) isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda, ngunit walang mahimalang tanda na ibibigay rito, maliban sa tanda ni Jonas.” Pagkatapos ay iniwan niya sila at siya ay umalis.
Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(L)
5 Nang tumawid sa kabilang pampang ang mga alagad ay nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6 Sinabi (M) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.” 7 Pinag-usapan nila iyon at sinabi nila, “Dahil hindi tayo nagdala ng tinapay.” 8 Ngunit batid ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “Kayong mahina ang pananampalataya! Bakit pinagtatalunan ninyo na kayo'y walang tinapay? 9 Hindi (N) pa ba kayo nakauunawa? Hindi ba ninyo naaalala ang limang tinapay na ipinakain sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon; 10 o (O) iyong pitong tinapay na ipinakain sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon? 11 Paanong hindi ninyo nauunawaan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Fariseo at mga Saduceo!’ ” 12 Noon ay naunawaan nila na hindi niya sinabing mag-ingat sila sa pampaalsa ng tinapay, kundi sa itinuturo ng mga Fariseo at mga Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(P)
13 Nang dumating si Jesus sa pook ng Cesarea Filipos, nagtanong siya sa kanyang mga alagad ng ganito, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?” 14 At (Q) sumagot sila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias, at ang iba naman ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.” 15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” 16 Sumagot (R) si Simon Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang nagpahayag nito sa iyo ay hindi laman at dugo kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[d] at sa ibabaw ng batong[e] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay (S) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay ang natalian na sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay ang nakalagan na sa langit.” 20 Pagkatapos ay mahigpit niyang pinagbilinan ang mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Sinabi ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay(T)
21 Mula noon ay nagsimula si Jesus na tahasang sabihin sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem, at magdusa ng maraming bagay sa kamay ng matatandang pinuno, at sa mga pinunong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Doon, siya'y papatayin at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. 22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Kahabagan ka nawa, Panginoon! Hindi po kailanman mangyayari iyon sa iyo.” 23 Hinarap niya si Pedro at sinabihan ito, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Sagabal ka sa akin, sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
Pasanin ang Krus at Sumunod kay Jesus
24 Pagkatapos (U) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, talikuran niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Sapagkat (V) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[f] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay kanyang matatagpuan ito. 26 Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong daigdig subalit buhay naman niya ang kapalit? O ano ang maibibigay ng tao, kapalit ng kanyang buhay? 27 Sapagkat (W) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at gagantihan niya ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makalalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang Anak ng Tao na dumarating na naghahari sa kanyang kaharian.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.