Read the Gospels in 40 Days
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)
19 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, nilisan niya ang Galilea at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. 2 Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at doon, sila'y kanyang pinagaling. 3 May mga Fariseong lumapit sa kanya at upang subukin siya, sila'y nagtanong, “Naaayon ba sa batas na paalisin ng isang tao ang kanyang asawa at hiwalayan ito sa anumang kadahilanan?” 4 Sumagot (B) siya, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila noong pasimula ay ‘lumikha sa kanilang lalaki at babae,’ 5 at (C) sinabi rin, ‘Kaya nga iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina at ibubuklod sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman’? 6 Sa gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Kaya't ang pinagbuklod na ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.” 7 Nagtanong (D) sila sa kanya, “Kung gayon, bakit ipinag-utos sa amin ni Moises na magbigay ng kasulatan ng pagpapaalis at hiwalayan ang babae?” 8 Sumagot siya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay pinayagan kayo ni Moises na hiwalayan ang inyong mga asawang babae; subalit noong pasimula ay hindi ganoon. 9 Sinasabi (E) ko sa inyo: sinumang magpaalis at makipaghiwalay sa kanyang asawa, liban na lamang kung pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At sinumang nakipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.”[a] 10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng isang taong may asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.” 11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi ito kayang tanggapin ng lahat maliban sa kanila na pinagkalooban nito. 12 Sapagkat may mga taong hindi makapag-asawa[b] dahil sa kanilang kapansanan buhat pa nang sila'y isilang. May mga tao namang hindi makapag-asawa dahil sa kagagawan ng ibang tao. At may mga taong nagpasyang hindi na mag-asawa alang-alang sa kaharian ng langit. Ang may kayang tumanggap nito ay hayaang tumanggap nito.”
Ang Pagbasbas ni Jesus sa Maliliit na Bata(F)
13 Pagkatapos nito ay inilapit sa kanya ang maliliit na bata, upang kanyang ipatong sa kanila ang mga kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga taong nagdala ng mga bata. 14 Subalit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga katulad nila nakalaan ang kaharian ng langit.” 15 Pagkatapos niyang ipatong sa kanila ang kanyang mga kamay ay umalis na siya roon.
Ang Kabataang Mayaman(G)
16 May isang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po bang mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Subalit kung nais mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.” 18 Sumagot (H) ito sa kanya, “Alin po sa mga iyon?” Sinabi ni Jesus, “Huwag kang papaslang; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; 19 Igalang (I) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Nasunod ko po ang lahat ng ito;[c] ano pa kaya ang kulang sa akin?” 21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung nais mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod sa akin.” 22 Subalit nang marinig ng kabataang lalaki ang salitang ito, umalis siyang napakalungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. 23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tinitiyak ko sa inyo, napakahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. 24 At inuulit ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom, kaysa pumasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng Diyos.” 25 Labis na nagtataka ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya't sila'y nagtanong, “Sino, kung gayon, ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng mga tao, ngunit ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 27 Sumagot si Pedro sa kanya, “Tingnan ninyo, tinalikuran namin ang lahat upang sumunod sa inyo. Ano naman po ang makukuha namin?” 28 Sumagot (J) si Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, sa panahon ng pagpapanibago ng lahat ng bagay, sa pag-upo ng Anak ng Tao sa trono ng kanyang kaluwalhatian, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono bilang mga hukom sa labindalawang lipi ng Israel. 29 At sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, ng ama, o ina, ng mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng makaisandaang ulit ng mga bagay na ito at magkakamit ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit (K) maraming mga nauna ang máhuhulí, at mga náhulí ang mauuna.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan. 3 At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga,[d] nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’ 5 At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na[e] at nang ikatlo ng hapon,[f] ay ganoon din ang ginawa niya. 6 At nang malapit na ang ikalima ng hapon,[g] muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’ 7 ‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ 8 (L) Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ 9 Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila'y tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. 11 Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain. 12 Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’ 13 Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’ 16 Kaya nga (M) ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.”[h]
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(N)
17 Habang umaakyat si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, 18 “Tandaan ninyo, umaahon tayo patungong Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. At siya'y hahatulan nila ng kamatayan. 19 At siya'y ipauubaya nila sa mga Hentil upang hamakin, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw, siya'y muling bubuhayin.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(O)
20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (P) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (Q) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(R)
29 Habang sila'y lumalabas sa Jerico ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabing-daan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Maawa po kayo sa amin, Panginoon Anak ni David!” 31 Ngunit pinagsabihan sila ng mga tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw sa pagsasabi, “Mahabag po kayo sa amin, Panginoon, Anak ni David!” 32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Ano'ng nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, buksan po ninyo ang aming mga mata.” 34 Nahabag sa kanila si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakitang muli, at pagkatapos, sumunod sila sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.