Add parallel Print Page Options

Panlalait sa Banal na Espiritu(A)

22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng demonyo. Pinagaling niya ang lalaki kaya't nakapagsalita at nakakita iyon. 23 Namangha ang lahat ng naroroon at nagtanong, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” 24 Subalit (B) nang ito'y marinig ng mga Fariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas lamang ng mga demonyo ang taong ito sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 25 Palibhasa'y alam niya ang mga iniisip nila, kanyang sinabi sa kanila, “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal. 26 Kung pinapalayas ni Satanas si Satanas, hindi ba't nilalabanan niya ang kanyang sarili? Kung gayo'y paano tatayo ang kanyang kaharian? 27 At kung nakapagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, kanino namang kapangyarihan napapalayas sila ng inyong mga tagasunod? Kaya't sila na mismo ang hahatol sa inyo. 28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, kung gayon, dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 29 O paano ba mapapasok at mapagnanakawan ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao, kung hindi muna niya ito gagapusin? Kung magkagayon, saka pa lamang niya malolooban ang bahay nito. 30 Ang (C) wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay pinagmumulan ng pagkakawatak-watak. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, patatawarin ang mga tao sa bawat kasalanan at panlalait, subalit ang panlalait sa Espiritu ay hindi patatawarin. 32 At (D) ang sinumang magsalita ng anuman laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin, sa panahon mang ito o sa darating.

Read full chapter

Si Jesus at si Beelzebul(A)

14 Minsan ay nagpalayas si Jesus ng demonyo ng pagiging pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao. 15 Ngunit ilan sa kanila ang nagsabi, “Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 16 Dahil nais siyang subukin ng iba, hinahanapan siya ng mga ito ng tanda mula sa langit. 17 Ngunit dahil batid niya ang kanilang mga iniisip, sinabi niya sa kanila, “Bawat kahariang hindi nagkakaisa ay babagsak, at ang tahanang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 At kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano makatatayo ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul. 19 At kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas ang mga ito ng inyong mga anak? Kaya sila ang magiging hukom ninyo. 20 Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, dumating na nga sa inyo ang paghahari ng Diyos. 21 Kapag isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung isang mas malakas sa kanya ang sumalakay at siya ay talunin, sasamsamin nito ang mga sandatang pinagtiwalaan niya at ipamamahagi ang mga ari-ariang nasamsam. 23 Ang wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay magkakawatak-watak.”

Read full chapter

10 Sinumang magsalita ng laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit hindi mapapatawad ang magsalita ng paglapastangan sa Banal na Espiritu.

Read full chapter