Book of Common Prayer
Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan
20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
2 Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
3 Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
pati na ang iyong mga haing sinusunog.
4 Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
7 May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
8 Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
9 Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
21 Panginoon, sobrang galak ng hari
dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
2 Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
3 Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
4 Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
5 Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
hindi siya mabubuwal.
8 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
9 At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
dahil sa inyong kalakasan.
Aawit kami ng mga papuri
dahil sa inyong kapangyarihan.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.
15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]
16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Panginoon
117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
2 Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Sumagot si Job
9 Sumagot si Job,
10 “Kinasusuklaman ko ang buhay ko, kaya dadaing ako hanggaʼt gusto ko. Sasabihin ko ang aking sama ng loob. 2 Ito ang sasabihin ko sa Dios: ‘Huwag nʼyo akong hatulan na masama ako. Sabihin nʼyo sa akin kung ano ang kasalanan ko sa inyo. 3 Natutuwa ba kayo na pinahihirapan nʼyo ako? Bakit nʼyo itinatakwil ang inyong nilikha, at sinasang-ayunan naman ang binabalak ng masama? 4 Ang paningin nʼyo baʼy tulad ng paningin ng tao? 5 Ang buhay nʼyo baʼy kasing-ikli ng buhay ng tao? 6 Bakit pilit nʼyo akong hinahanapan ng kasalanan? 7 Alam nʼyong wala akong kasalanan, pero sino ang makapagtatanggol sa akin mula sa inyong kamay?
8 “ ‘Kayo ang gumawa at humubog sa akin, at ngayon kayo rin ang sisira sa akin. 9 Alalahanin ninyong akoʼy hinubog nʼyo mula sa lupa[a] at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa?
16 Pinagsisikapan kong bumangon, pero para kayong leon na nakaabang sa akin. Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan laban sa akin. 17 Patuloy nʼyo akong isinasakdal at lalo kayong nagagalit sa akin. Walang tigil nʼyo akong nilulusob.
18 “ ‘Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako? Sanaʼy namatay na lang ako at wala nang nakakita sa akin. 19 Hindi na lang sana ako nilikha. Namatay na lang sana ako bago isinilang at itinuloy sa libingan. 20 Maikling panahon na lang ang natitira sa akin, kaya hayaan nʼyo na lang ako para kahit saglit man lang ay sumaya naman ako, 21 bago ako pumunta sa lugar na malungkot at madilim, at hindi na ako makakabalik pa rito. 22 Napakadilim sa lugar na iyon; palaging gabi at walang liwanag, at naghahari doon ang kaguluhan.’ ”
Ipinaliwanag ni Pedro ang Kanyang Ginawa
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na ang mga hindi Judio ay tumanggap din ng salita ng Dios. 2 Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, sinalungat siya ng mga kapatid na Judio na naniniwalang ang mga hindi Judio ay kinakailangang magpatuli muna bago maging kaanib nila. 3 Sinabi nila kay Pedro, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka nakituloy at nakikain sa bahay ng mga hindi Judio na hindi tuli?” 4 Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa simula.
5 Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad. 7 At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’ 8 Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’ 9 Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’ 10 Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot. 11 Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. 12 Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. 13 Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’ 15 At nang magsalita na ako, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. 16 At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ 17 Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Dios sa ating mga Judio, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo ay ibinigay din niya sa mga hindi Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” 18 Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”
Si Jesus ang Ilaw ng Mundo
12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.” 13 Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.” 14 Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman. 16 Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin. 17 Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi? 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.” 19 Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”
20 Ang mga itoʼy sinabi ni Jesus nang nangangaral siya sa templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Pero walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®