Book of Common Prayer
Ang Kautusan ng Dios
119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
2 Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
3 Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
4 Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
5 Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
6 At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
7 Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
8 Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan.
9 Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
Panalangin para Tulungan
13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
2 Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?
3 Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
sagutin nʼyo ang aking dalangin.
Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
upang hindi ako mamatay
4 at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
5 Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
6 Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 53)
14 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
6 Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
7 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
Sumagot si Job
6 Sumagot si Job,
7 “Ang buhay ng tao dito sa mundo ay napakahirap. Itoʼy kasinghirap ng araw-araw na pagtatrabaho ng isang manggagawa, 2 o gaya ng isang aliping nagnanais na sumapit na ang hapon upang siyaʼy makapagpahinga, o tulad ng isang manggagawang naghihintay ng kanyang sweldo. 3 Ganyan din ang kalagayan ko. Ilang buwan na ang aking paghihirap na walang kabuluhan. Kahit gabiʼy naghihirap ako, 4 at habang nakahiga ako, iniisip ko kung kailan darating ang umaga. Napakabagal ng takbo ng oras. Hindi ako mapalagay hanggang magbukang-liwayway. 5 Ang katawan koʼy puno ng uod at langib. Nagnanana at pumuputok ang mga pigsa kong namamaga.”
Nanalangin si Job sa Dios
6 “Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian[a] ng manghahabi.[b] 7 O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya. 8 Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan. 9 Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa. 10 Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.
11 “Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob. 12 O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan? 13 Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap, 14 tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain. 15 Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito. 16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.
17 “Ano po ba ang tao para pahalagahan at pagmalasakitan nʼyo ng ganito? 18 Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga at sinusubukan sa bawat sandali. 19 Kung maaari, hayaan na lang muna nʼyo ako kahit sandali lang. 20 At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa inyo? 21 Kung nagkasala po ako sa inyo, bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit hanapin nʼyo ako, hindi nʼyo na ako makikita.”
Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro
10 Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. 2 Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. 3 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” 4 Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. 5 Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6 Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat.[a] Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” 7 Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. 8 Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.
9 Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[b] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,[a] 3 sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo? 4 Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!” 5 (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.) 6 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo. 7 Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. 8 Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” 9 Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.
Pumunta si Jesus sa Pista
10 Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim. 11 Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.” 13 Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®