Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 120-127

Dalangin para Tulungan ng Dios

120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot.

Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.

Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.

Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat

121 Tumitingin ako sa mga bundok;
    saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
    Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
Pakinggan mo ito!
    Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
    siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
    pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
    ngayon at magpakailanman.

Papuri sa Jerusalem

122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
    “Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
    “Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”

Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
    “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.

Dalangin para Kahabagan

123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
    sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
    naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.

Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan

124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?
    Sumagot kayo mga taga-Israel!

“Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
Purihin ang Panginoon,
    dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
    na parang mababangis na hayop.
Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
    sa halip ay nananatili magpakailanman.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
    ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
    dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.

    Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.

Dalangin para Iligtas

126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[b] parang itoʼy panaginip lang.
Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
    At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
    “Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
    at punong-puno tayo ng kagalakan.

Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
    tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.

Papuri sa Kabutihan ng Dios

127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
    Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
    dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.

Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
Mapalad ang taong may maraming anak,
    dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.

Hukom 18:1-15

Si Micas at ang Lahi ni Dan

18 Nang mga panahong iyon, walang hari ang Israel. At sa panahon ding iyon, ang lahi ni Dan ay naghahanap ng lugar na matitirhan nila at magiging sa kanila. Sa mga lahi ng Israel, ang lahi ni Dan ay hindi pa natatanggap ang lupaing mamanahin nila. Kaya nagsugo ang mga lahi ni Dan ng limang matatapang na lalaki sa kalahi nila para maghanap ng matitirhan nila. Ang limang lalaki ay nagmula sa mga bayan ng Zora at Estaol.

Nang umalis na sila para maghanap ng lugar, nakarating sila sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim, at doon sila natulog. Habang naroon sila, nalaman nilang hindi taga-roon ang binatilyong Levita dahil sa pagsasalita nito. Kaya tinanong nila ito, “Bakit narito ka? Sino ang nagdala sa iyo rito? At ano ang ginagawa mo rito?”

Ipinaalam niya sa kanila ang ginawa ni Micas sa kanya, sinabi niya, “Nagtatrabaho ako bilang pari ni Micas at pinapasahod niya ako.” Sumagot ang mga lalaki, “Kung ganoon, pakitanong mo naman sa Dios kung magiging matagumpay ang paglalakbay naming ito.” Sumagot ang pari, “Huwag kayong mag-alala. Sasamahan kayo ng Panginoon sa paglalakbay ninyo.”

Kaya nagpatuloy ang limang lalaki at nakarating sila sa Laish. Nakita nila na maayos ang pamumuhay ng mga tao roon tulad ng mga Sidoneo. Mapayapa ang lugar, at mabuti ang kalagayan ng mga tao. Ang lugar na ito ay malayo sa mga Sidoneo, at wala silang kakamping bansa. Nang bumalik ang limang lalaki sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Sinabi nila, “Tayo na, nakakita na kami ng pinakamabuting lugar para sa atin. Bilisan natin! Lusubin na natin ang lupaing iyon. 10 Ibinigay na iyon sa atin ng Dios. Malawak at masagana; naroon ang lahat ng kailangan natin. At isa pa, mapayapa ang lugar na iyon kaya hindi sila mag-iisip na may mangyayaring masama.”

11 Kaya mula sa Zora at Estaol, umalis ang 600 armadong lalaki mula sa lahi ni Dan para makipaglaban. 12 Nagkampo sila sa gawing kanluran ng lungsod ng Kiriat Jearim sa Juda. (Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Kampo ni Dan.) 13 Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kabundukan ng Efraim.

14 Pagkatapos, ang limang lalaking iyon na nagmanman sa Laish ay nagsabi sa mga kasama nila, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may espesyal na damit[a] ng pari, may dios-diosan na nababalutan ng pilak, at iba pang dios-diosan. Ano kaya ang dapat nating gawin?” 15 Matapos nilang magdesisyon kung ano ang gagawin, pumunta sila sa bahay ni Micas at nangumusta sa binatilyong Levita na nakatira roon.

Gawa 8:1-13

1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.

Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban ay nagsumikap na wasakin ang iglesya. Kaya pinasok niya ang mga bahay-bahay at dinakip ang mga mananampalataya, lalaki man o babae, at dinala sa bilangguan.

Ipinangaral ang Magandang Balita sa Samaria

Ang mga mananampalatayang nangalat sa ibaʼt ibang lugar ay nangaral ng Magandang Balita. Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon.

May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.

Juan 5:30-47

Ang mga Nagpapatotoo kay Jesus

30 Sinabi pa ni Jesus, “Wala akong magagawa kung sa sarili ko lang. Humahatol nga ako, ngunit ang aking paghatol ay ayon lamang sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 31 Ngayon, kung ako lang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, magduda kayo sa sinasabi ko. 32 Ngunit may isang nagpapatotoo tungkol sa akin, at alam kong totoo ang kanyang sinasabi. 33 Maging si Juan na tagapagbautismo ay nagpatotoo tungkol sa akin, at sinabi niya sa inyo ang katotohanan nang magsugo kayo ng ilang tao upang tanungin siya. 34 Binanggit ko ang tungkol kay Juan, hindi dahil sa kailangan ko ang patotoo ng isang tao, kundi upang sumampalataya kayo sa akin at maligtas. 35 Si Juan ay tulad ng isang ilaw na nagliliwanag, at lubos kayong nasiyahan sa liwanag niya sa inyo kahit saglit lang. 36 Ngunit may nagpapatotoo pa tungkol sa akin na higit pa kay Juan. Itoʼy walang iba kundi ang mga ipinapagawa sa akin ng Ama. Ito ang nagpapatunay na ang Ama ang nagsugo sa akin. 37 At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanman ay hindi nʼyo narinig ang tinig niya o nakita ang anyo niya. 38 At hindi nʼyo tinanggap ang kanyang salita dahil hindi kayo sumasampalataya sa akin na kanyang sugo. 39 Sinasaliksik nʼyo ang Kasulatan sa pag-aakala na sa pamamagitan nitoʼy magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kasulatan mismo ang nagpapatotoo tungkol sa akin, 40 pero ayaw ninyong lumapit sa akin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.

41 “Hindi ko hinahangad ang papuri ng mga tao. 42 Kilala ko talaga kayo at alam kong wala sa mga puso ninyo ang pagmamahal sa Dios. 43 Naparito ako sa pangalan[a] ng aking Ama, ngunit ayaw ninyo akong tanggapin. Pero kung may dumating sa sarili niyang pangalan ay tinatanggap ninyo siya. 44 Paano kayo sasampalataya sa akin kung ang papuri lang ng kapwa ang hangad ninyo, at hindi ang papuri ng nag-iisang Dios? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang mag-aakusa sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises na inaasahan ninyo ang siyang mag-aakusa sa inyo. 46 Dahil kung totoong naniniwala kayo kay Moises, maniniwala rin kayo sa akin, dahil si Moises mismo ay sumulat tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®