Book of Common Prayer
Panalangin ng Nagdurusa
88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2 Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3 Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4 Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5 Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7 Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9 Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
Ang Dios ang Ating Tagapagtanggol
91 Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya.
2 Masasabi niya[a] sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol.
Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.”
3 Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot.
4 Iingatan ka niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga inakay sa lilim ng kanyang pakpak.
Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan.
5-6 Hindi ka dapat matakot sa mga bagay na nakakatakot,
o sa palaso ng mga kaaway, o sa sakit at mga salot na sumasapit sa gabi man o sa araw.
7 Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, walang mangyayari sa iyo.
8 Makikita mo kung paano pinaparusahan ang mga taong masama.
9 Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na aking tagapagtanggol,
10 walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.
11 Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta.
12 Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato.[b]
13 Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.
14 Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin.
15 Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya;
sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya.
Ililigtas ko siya at pararangalan.
16 Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”
Awit ng Papuri
92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
2 Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
3 habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
4 Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
5 Panginoon, kay dakila ng inyong mga ginawa.
Ang isipan nʼyoʼy hindi namin kayang unawain.
6 Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
7 na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago,
ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
8 Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
9 Tiyak na mamamatay ang lahat ng inyong kaaway at mangangalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng lakas ng toro
at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.[c]
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway,
at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.
Si Abimelec
9 Isang araw, pumunta si Abimelec na anak ni Gideon[a] sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Shekem. Sinabi niya sa kanila, 2 “Tanungin ninyo ang lahat ng mga taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng 70 anak ni Gideon o ng isang tao? Alalahanin ninyo na ako ay kadugo ninyo.”
3 Kaya nakipag-usap ang mga kamag-anak ni Abimelec sa mga taga-Shekem. Pumayag silang si Abimelec ang mamuno sa kanila, dahil kamag-anak nila ito. 4 Binigyan nila si Abimelec ng 70 pirasong pilak mula sa templo ni Baal Berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa para sumunod sila sa kanya. 5 Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang 70[b] kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Pero ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito. 6 Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet Millo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.
7 Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Dios. 8 Isasalaysay ko sa inyo ang isang kwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ 9 Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’
10 “At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 11 Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!’
12 “Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’
14 “Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 15 Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Pero kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”
16 At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya?
19 Kaya kung para sa inyo, tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo. 20 Pero kung hindi, matupok sana kayo ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy. At kayo na mga taga-Shekem at taga-Bet Millo ay tutupukin din ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy.” 21 At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.
13 Namangha sila kina Pedro at Juan dahil sa lakas ng loob nilang magsalita, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lang sila at walang mataas na pinag-aralan. Namukhaan din nilang silaʼy mga kasama ni Jesus noon. 14 Magsasalita pa sana sila laban sa himalang ginawa nina Pedro at Juan, pero dahil ang taong pinagaling ay nakatayo mismo sa tabi ng dalawa, wala na silang nasabi. 15 Kaya pinalabas muna nila sina Pedro at Juan sa kanilang pinagtitipunan at nag-usap-usap sila. 16 Sinabi nila, “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat kumalat na ang balita sa buong Jerusalem na nakagawa sila ng himala, at hindi natin ito maikakaila. 17 Kaya para huwag nang kumalat ang kanilang pangangaral sa mga tao, balaan natin sila na huwag nang magturo tungkol kay Jesus.”
18 Ipinatawag nila sina Pedro at Juan at sinabihang huwag nang magsalita o magturo tungkol kay Jesus. 19 Pero sumagot sina Pedro at Juan, “Isipin nga ninyong mabuti kung alin ang tama sa paningin ng Dios: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Dios? 20 Hindi pwedeng hindi namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
21 Pero mahigpit pa rin silang binawalan na mangaral bago sila pinakawalan. Gusto sana nilang parusahan ang dalawa, pero hindi nila magawa. Natatakot sila sa mga tao, dahil pinupuri ng mga ito ang Dios sa nangyaring himala. 22 Sapagkat ang taong pinagaling sa pamamagitan ng himala ay mahigit 40 taon nang lumpo.
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita nila kung ano ang sinabi ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 24 Nang marinig iyon ng mga mananampalataya, nanalangin sila sa Dios. Sinabi nila, “Panginoon na makapangyarihan sa lahat, kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at lahat ng nasa mga ito. 25 Nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
26 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa kanyang Cristo.’[a]
27 Natupad na ngayon ang sinabi ninyo noon, dahil dito mismo sa Jerusalem, ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan nʼyo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan. Loobin nʼyo na sa pamamagitan ng kapangyarihan[b] ni Jesus na inyong banal na lingkod ay mapagaling namin ang mga may sakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.”
31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.
Ang Kasalan sa Cana
2 Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya. 3 Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” 4 Sumagot si Jesus, “Babae,[a] huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.” 5 Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6 May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas.[b] Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala. 9 Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”
11 Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.
12 Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga tagasunod. Nanatili sila roon ng ilang araw.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®