Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 118

Pasasalamat dahil sa Pagtatagumpay

118 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”

Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.
Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot.
    Ano ang magagawa ng tao sa akin?
Kasama ko ang Panginoon, siya ang tumutulong sa akin.
    Makikita ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa tao.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa mga pinuno.

10 Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
11 Totoong pinaligiran nila ako,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
12 Sinalakay nila ako na parang mga pukyutan,
    ngunit silaʼy napatigil agad na parang sinusunog na dayami na madali lang mapawi ng apoy.
    Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon, silaʼy tinalo ko.
13 Puspusan nila akong sinalakay,
    at halos magtagumpay na sila,
    ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ang aking kalakasan
    at siya ang aking awit.
    Siya ang nagligtas sa akin.

15-16 Naririnig ang masayang sigawan ng mga mamamayan ng Dios sa kanilang mga tolda dahil sa kanilang tagumpay.
    Ang Panginoon ang nagbigay sa kanila ng tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!
    Ang kapangyarihan ng Panginoon ang nagbibigay ng tagumpay!

17 Hindi ako mamamatay, sa halip ay mabubuhay,
    at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon.
18 Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin, hindi niya niloob na akoʼy mamatay.

19 Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.

21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon, dahil sinagot nʼyo ang aking dalangin.
    Kayo ang nagligtas sa akin.

22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito at tunay na kahanga-hanga sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
    Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat ng aming ginagawa.

26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
    Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.

27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
    Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.

28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
    nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.

29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.

Salmo 145

Awit ng Pagpupuri

145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Pupurihin ko kayo araw-araw,
    at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
    Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
    at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
    at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
    nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
    pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.

    Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
    at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
    at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
    at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
    at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
    pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
    ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
    Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.

Hukom 16:15-31

15 Kaya sinabi ni Delaila sa kanya, “Sabi mo mahal mo ako, pero hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Tatlong beses mo na akong niloko. Hindi mo talaga ipinagtapat sa akin kung saan nanggagaling ang lakas mo.” 16 Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito. 17 Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Dios bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”

18 Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila. 19 Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila. 20 Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng Panginoon. 21 Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo. 22 Pero unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok.

Ang Pagkamatay ni Samson

23 Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo para magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang dios na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng dios natin laban sa kalaban nating si Samson.” 24-25 Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson para magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas si Samson sa bilangguan. At nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang dios. Sinabi nila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban na nangwasak sa lupain natin at pumatay ng marami sa atin.” Pinatayo nila si Samson sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan. 26 Sinabi ni Samson sa utusan[a] na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito para makasandal ako.” 27 Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may 3,000 tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson.

28 Nanalangin si Samson, “O Panginoong Dios, alalahanin nʼyo po ako. Kung maaari, ibalik nʼyo po ang lakas ko kahit minsan pa para makaganti po ako sa mga Filisteo sa pagdukit nila sa mga mata ko.” 29 Kumapit si Samson sa dalawang haliging nasa gitna ng templo na nakatukod sa bubungan nito. Ang kanan niyang kamay ay nasa isang haligi at ang kaliwa naman ay nasa kabilang haligi. 30 Pagkatapos, sumigaw siya, “Mamamatay akong kasama ng mga Filisteo!” At itinulak niya ang dalawang haligi nang buong lakas at gumuho ang templo at nabagsakan ang mga pinuno at ang lahat ng tao roon. Mas maraming tao ang napatay ni Samson sa panahong iyon kaysa noong nabubuhay pa siya.

31 Ang bangkay ni Samson ay kinuha ng mga kapatid at kamag-anak niya at inilibing sa pinaglibingan ng ama niyang si Manoa, doon sa gitna ng Zora at Estaol. Pinamunuan ni Samson ang Israel sa loob ng 20 taon.

2 Corinto 13:1-11

Pangwakas na mga Bilin at mga Pangangamusta

13 Ito na ang pangatlong pagdalaw ko sa inyo. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang anumang kaso ng isa laban sa kapwa ay dapat patotohanan ng dalawa o tatlong saksi.”[a] Ngayon, binabalaan ko ang mga nagkasala noon, pati na rin ang lahat, na walang sinumang makakaligtas sa aking pagdidisiplina. Sinabi ko na ito noong pangalawang pagbisita ko riyan, at inuulit ko ngayon habang hindi pa ako nakakarating. Gagawin ko ito para patunayan sa inyo na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko, dahil ito rin ang hinahanap ninyo sa akin. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na nagpakababa siya[b] nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Dios. Ganoon din naman, nagpapakababa rin kami[c] bilang mga mananampalataya ni Cristo. Pero nabubuhay kami sa kapangyarihan ng Dios para makapaglingkod sa inyo.

Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang may pananampalataya kayo kay Cristo. Tingnan ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi nʼyo ba alam na si Cristo ay nasa inyo? – maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya. Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Cristo. Ipinapanalangin namin sa Dios na hindi kayo gagawa ng kahit anumang masama. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi para patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin man nilang hindi kami tunay na mga apostol. Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. Nagagalak kami dahil sa aming pagpapakumbaba ay naging matatag kayo sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na walang makitang kapintasan sa inyo. 10 Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako riyan, para pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.

11 Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo.[d] Sikapin ninyo na walang makitang kapintasan sa inyo, at sundin ninyo ang mga payo ko. Magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Nang sa ganoon, ang Dios na pinanggagalingan ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.

Marcos 5:25-34

25 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28 Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29 Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30 Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[a] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®