Book of Common Prayer
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Kasama Natin ang Dios
46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
2 Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
3 Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
at mayanig ang kabundukan.
4 May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
5 Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
6 Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
7 Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
8 Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
9 Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
“Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
Si Jefta
11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang magiting na sundalo. Si Gilead ang kanyang ama at ang kanyang ina ay isang babaeng bayaran. 2 May mga anak si Gilead sa asawa niya. At nang lumaki sila, pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin sa aming ama, dahil anak ka sa ibang babae.” 3 Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumama sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy.
4 Nang panahong iyon, naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. 5 Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob. 6 Sinabi nila, “Pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Ammonita.” 7 Pero sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?” 8 Pero sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumama ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.” 9 Sumagot si Jefta, “Kung sasama ako sa labanan at pagtagumpayin ako ng Panginoon, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?” 10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno. Ang Panginoon ang saksi namin.”
11 Kaya sumama si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon, sinabi ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.
29 At pinagharian si Jefta ng Espiritu ng Panginoon. Pumunta siya sa Gilead at sa Manase para tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Ammonita. 30 Nangako si Jefta sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Ammonita, 31 iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”
32 Nakipaglaban si Jefta sa mga Ammonita, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 33 Natalo nila ang mga Ammonita, at napakarami nilang pinatay. Sinakop nila ang 20 bayan mula sa Aroer papunta sa paligid ng Minit hanggang sa Abel Keramim.
Ang Anak ni Jefta
34 Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. 35 Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan, at sinabi, “Anak ko, pinalungkot mo ako dahil nangako ako sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang sasalubong sa akin, at hindi ko na ito mababawi.”
36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa Panginoon, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng Panginoon sa mga kalaban nʼyong mga Ammonita. 37 Pero may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok para makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.” 38 Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya para maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. 39 Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa Panginoon, at namatay ang kanyang anak na isang birhen. Dito nagmula ang kaugalian ng Israel 40 na sa bawat taon, nagpabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.
21 Nakakahiya mang aminin na mahihina kami, pero hindi namin kayang gawin ang mga iyan!
Kung may magmamalaki riyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko. 22 Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Judio, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin! 23 Sila baʼy mga lingkod ni Cristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, pero ako rin ay lingkod ni Cristo, at higit pa nga kaysa sa kanila! Dahil higit akong nagpakahirap kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit, at nalagay sa bingit ng kamatayan. 24 Limang beses akong tumanggap ng 39 na hagupit sa kapwa ko mga Judio. 25 Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga sundalong Romano. Minsan na rin akong pinagbabato ng mga Judio. Tatlong beses kong naranasan na lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy buong araw at gabi akong palutang-lutang sa dagat. 26 Sa aking paglalakbay sa ibaʼt ibang lugar, nalagay ako sa panganib: sa pagtawid sa mga ilog, sa mga tulisan, sa kapwa ko mga Judio, sa mga hindi Judio, sa mga lungsod, sa mga ilang, sa dagat, at sa mga taong nagpapanggap na mga kapatid kay Cristo.
27 Naranasan ko rin ang sobrang hirap at pagod, at kawalan ng tulog. Naranasan ko ang magutom, mauhaw, kadalasaʼy walang makain, at naranasan kong ginawin dahil sa kakulangan ng maisusuot. 28 Maliban sa iba pang mga karanasan na hindi ko nabanggit, inaalala ko pa araw-araw ang kalagayan ng lahat na iglesya. 29 Kung may nanghihina sa pananampalataya, nalulungkot ako. At kung may nagkakasala, naghihirap ang kalooban ko.
30 Kung kailangan kong magmalaki, ang ipagmamalaki ko ay ang aking mga kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling, at alam iyan ng Dios at Ama ng ating Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman!
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(A)
35 Kinagabihan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” 36 Kaya iniwan ng mga tagasunod niya ang mga tao at sumakay na rin sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog ng nakaunan. Ginising siya ng mga tagasunod niya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?” 39 Kaya bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at mga alon. Sinabi niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat. 40 Tinanong niya ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?” 41 Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®