Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 106

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
    at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
    kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
    kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
    at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
    kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.

34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
    Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
    Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
    at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
    at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
    ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
    kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
    at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
    napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

Bilang 22:1-21

Ipinatawag ni Haring Balak si Balaam

22 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab, at nagkampo sila sa silangan ng Ilog ng Jordan, sa harapan ng Jerico.

Alam ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor, ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo, at natakot siya at ang mga Moabita dahil sa dami ng mga Israelita.

Sinabi ng mga Moabita sa mga tagapamahala ng Midian, “Uubusin talaga tayo ng mga taong ito, tulad ng baka na nanginginain ng mga damo.”

Kaya si Balak na anak ni Zipor, na siyang hari ng Moab nang mga panahong iyon ay nagsugo ng mga mensahero para ipatawag si Balaam na anak ni Beor na naninirahan sa Petor. Sa Petor, malapit sa Ilog ng Eufrates ipinanganak si Balaam. Ito ang mensahe ni Balak:

May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami at naninirahan sila malapit sa amin. Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito dahil mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. At baka sakaling matalo ko sila at maitaboy palayo sa aking lupain. Dahil nalalaman ko na ang sinumang isinusumpa mo ay nasusumpa.

Kaya naglakbay ang mga tagapamahala ng Moab at Midian na dala ang bayad para kay Balaam. Sinabi nila sa kanya ang sinabi ni Balak. At sinabi ni Balaam sa kanila, “Dito na lang kayo matulog ngayong gabi at sasabihin ko sa inyo bukas kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya roon natulog ang mga pinuno ng Moab.

Nagtanong ang Dios kay Balaam, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?” 10 Sumagot si Balaam sa Dios, “Sila po ang mga mensaherong isinugo ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor. Ganito ang kanyang mensahe: 11 May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami. Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin dahil baka matalo ko sila at maitaboy palayo.”

12 Pero sinabi ng Dios kay Balaam, “Huwag kang sasama sa kanila. At huwag mong isusumpa ang mga taong sinasabi nila, dahil pinagpala ko ang mga iyon.”

13 Paggising ni Balaam kinaumagahan, sinabihan niya ang mga pinuno ni Balak, “Umuwi na lang kayo sa inyong bansa dahil hindi pumayag ang Panginoon na sumama ako sa inyo.”

14 Kaya umuwi ang mga pinuno ng Moab at pumunta kay Balak at sinabi, “Ayaw sumama ni Balaam sa amin.”

15 Kaya muling nagpadala si Balak ng mga pinuno na mas marami at mas marangal pa sa nauna. 16 Pumunta sila kay Balaam at sinabi:

“Ito ang ipinapasabi ni Balak na anak ni Zipor: Huwag mong payagan na may humadlang sa pagpunta mo rito. 17 Babayaran kitang mabuti at gagawin ko ang anumang gustuhin mo. Sige na, pumunta ka na rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin.”

18 Pero sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng Panginoon na aking Dios, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay. 19 Pero rito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang Panginoon sa akin.”

20 Noong gabing iyon, sinabi ng Dios kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumama ka na lang sa kanila, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”

Ang Asno ni Balaam

21 Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab

Roma 6:12-23

12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, para hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong gamitin ang alin mang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasalanan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Dios bilang mga taong binigyan ng bagong buhay. Ilaan ninyo sa Dios ang inyong katawan sa paggawa ng kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim na ng biyaya ng Dios.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa biyaya na ng Dios, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Aba, hindi! 16 Hindi nʼyo ba alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Pero kung sumusunod tayo sa Dios, mga alipin tayo ng Dios at ang dulot nitoʼy katuwiran. 17 Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Pero salamat sa Dios dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran.

19 Ginagamit ko bilang halimbawa ang tungkol sa mga alipin para madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan para maging banal kayo. 20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay. 21 Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong pamumuhay na ikinakahiya na ninyo ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan. 22 Pero pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Dios. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mateo 21:12-22

Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)

12 Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’[a] Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[b]

14 May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15 Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”[c] 16 Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”[d] 17 Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.

Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(B)

18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®