Book of Common Prayer
Ang Kautusan ng Dios
119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
2 Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
3 Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
4 Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
5 Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
6 At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
7 Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
8 Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan.
9 Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
Panalangin para Tulungan
13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
2 Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?
3 Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
sagutin nʼyo ang aking dalangin.
Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
upang hindi ako mamatay
4 at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
5 Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
6 Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 53)
14 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
6 Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
7 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na Umalis sa Bundok ng Sinai
1 Ang aklat na ito ay tungkol sa mga mensahe na sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nagkakampo sila sa Kapatagan ng Jordan[a] malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. 2 (Mga 11 araw na paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai[b] papunta sa Kadesh Barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.) 3 Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. 4 Nangyari ito matapos matalo ni Moises[c] si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Heshbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot at Edrei. 5 Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng Panginoon doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya, 6 “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng Panginoon na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, 7 kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran,[d] sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. 8 Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”
Humirang si Moises ng mga Pinuno sa Bawat Lahi(A)
9 “Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. 10 Pinarami kayo ng Panginoon na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. 11 Nawaʼy ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako. 12 Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? 13 Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’
14 “Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano. 15 Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10. 16 Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 17 Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’ 18 At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
Ang Dios at ang mga Israelita
9 Ngayon, ako na mananampalataya ni Cristo ay may sasabihin sa inyo. Totoo ito at hindi ako nagsisinungaling. At pinapatunayan ng Banal na Espiritu sa aking konsensya na totoo ang sasabihin ko: 2 Labis akong nalulungkot at nababalisa 3 para sa aking mga kalahi at kababayang Judio. Kung maaari lang sana, ako na lang ang sumpain ng Dios at mahiwalay kay Cristo, maligtas lang sila. 4 Bilang mga Israelita itinuring sila ng Dios na kanyang mga anak; ipinakita niya sa kanila ang kanyang kadakilaan; gumawa ang Dios ng mga kasunduan sa kanila; ibinigay sa kanila ang Kautusan; tinuruan sila ng tunay na pagsamba; maraming ipinangako ang Dios sa kanila; 5 ang kanilang mga ninunoʼy mga pinili ng Dios; at nagmula sa kanilang lahi si Cristo nang siyaʼy maging tao – ang Dios na makapangyarihan sa lahat na dapat purihin magpakailanman! Amen.
6 Hindi ito nangangahulugan na hindi natupad ang mga pangako ng Dios dahil hindi sila sumampalataya, sapagkat hindi naman lahat ng nagmula kay Israel ay maituturing na pinili ng Dios. 7 At hindi rin naman lahat ng nagmula kay Abraham ay maituturing na mga anak ni Abraham. Sapagkat sinabi ng Dios kay Abraham, “Ang mga anak lang na magmumula kay Isaac ang mga lahi na aking ipinangako.”[a] 8 Ang ibig sabihin, hindi lahat ng anak ni Abraham ay itinuturing na anak ng Dios, kundi ang mga anak lamang na ipinanganak ayon sa ipinangako. 9 Sapagkat ganito ang ipinangako ng Dios sa kanya, “Babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”[b]
10 Hindi lang iyon, kundi nangyari rin ang ganoon sa dalawang anak ni Rebeka sa ating ninunong si Isaac, ipinakita rin ng Dios na hindi lahat ng nagmula kay Abraham ay itinuturing na mga anak niya. 11-12 Bago pa man ipanganak ang kambal, sinabi na ng Dios kay Rebeka, “Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababatang kapatid.”[c] Sinabi ito ng Dios noong wala pa silang nagagawang mabuti o masama, para patunayan na ang pagpili niya ay batay sa sarili niyang pasya at hindi sa mabubuting gawa ng tao. 13 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,
“Minamahal ko si Jacob, pero si Esau ay hindi.”[d]
14 Baka naman sabihin ng iba na hindi makatarungan ang Dios. Aba, hindi! 15 Sapagkat sinabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan.”[e] 16 Kung ganoon, ang pagpili ng Dios ay hindi batay sa kagustuhan ng tao o sa paggawa niya ng mabuti, kundi sa awa ng Dios. 17 Sapagkat ayon sa Kasulatan, sinabi ng Dios sa Faraon, “Pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at makilala ang pangalan ko sa buong mundo.”[f] 18 Kaya nga, kinaaawaan ng Dios ang ibig niyang kaawaan, at pinatitigas niya ang ulo ng ibig niyang patigasin.
27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”
Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(A)
29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”
37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®