Book of Common Prayer
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Muling Nangako ang mga Israelita na Tutuparin Nila ang Kasunduan ng Dios
24 Tinipon ni Josue ang lahat ng lahi ng Israel sa Shekem. Tinawag niya ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel, at lumapit sila sa presensya ng Dios.
2 Sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Noon, ang mga ninuno nʼyo ay nakatira sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sumamba sa ibang mga dios-diosan. Isa sa kanila ay si Tera na ama nina Abraham at Nahor. 3 Pero kinuha ko si Abraham sa lugar na iyon at pinapunta papunta sa lupain ng Canaan at binigyan ng maraming lahi. Naging anak niya si Isaac, 4 at naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kabundukan ng Seir bilang bahagi niya pero si Jacob at ang mga anak niya ay pumunta sa Egipto. 5 Pagkatapos, isinugo ko sina Moises at Aaron sa Egipto at pinadalhan ko ng mga salot ang mga Egipcio, at inilabas roon ang inyong mga ninuno. 6 Pero nang makarating ang mga ninuno nʼyo sa Dagat na Pula, hinabol sila ng mga Egipcio na may mga kabayo at mga karwahe. 7 Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon.
8 “ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila. 9 Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo. 10 Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak.
11 “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. 12 Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana. 13 Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’
14 “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa Panginoon. 15 Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon.”
23 Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng mga Kautusan ni Moises at ng mga isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya. 24 Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, pero ang iba naman ay hindi. 25 At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Pero bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26 Sapagkat sinabi niya,
‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa,
at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita,
27 dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ”[a]
28 Sinabi pa ni Pablo, “Gusto ko ring sabihin sa inyo na ang salita ng Dios tungkol sa kaligtasan ay ibinalita na sa mga hindi Judio, at sila ay talagang nakikinig.” [29 Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Judio na mainit na nagtatalo.]
30 Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya. 31 Tinuruan niya sila tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi siya natakot sa kanyang pagtuturo at wala namang pumigil sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
23 Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Jesus sa triguhan, nagsimulang mamitas ng trigo ang mga tagasunod niya. 24 Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nʼyo ba nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David at ng mga kasama niya nang magutom sila at walang makain? 26 Pumasok si David sa bahay ng Dios noong si Abiatar ang punong pari. Kinain ni David ang tinapay na inihandog sa Dios, at binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito.” 27 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ginawa ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao. Hindi ginawa ang tao para sa ikabubuti ng Araw ng Pamamahinga. 28 Kaya ako na Anak ng Tao ang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®