Book of Common Prayer
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.
81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.
89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.
Si Ehud
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab. 13 Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[a] 14 Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.
15 Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel. 16 Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit. 17 Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao. 18 Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis. 19 Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya. 20 Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari, 21 binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari, 22 at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.
23 Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto. 24 Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari, 25 kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.
26 Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira. 27 Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao. 29 Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila. 30 Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.
1 Minamahal kong Teofilus:
Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula nang nagsimula siya sa kanyang gawain 2-3 hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Matapos siyang mamatay at mabuhay muli, makailang beses siyang nagpakita sa kanyang mga apostol sa ibaʼt ibang paraan para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay. Sa loob ng 40 araw, nagpakita siya sa kanila at nagturo tungkol sa paghahari ng Dios. At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang piniling mga apostol. 4 Isang araw noon, habang kumakain sila kasama ni Jesus, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang Banal na Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Sinabi ko na ito noon sa inyo. 5 Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”[a] 7 Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. 8 Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.” 9 Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.
10 Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila 11 at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”
Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.
Ang Pagkamatay ni Jesus(A)
45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[a] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.
51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at maraming banal[b] ang muling nabuhay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem[c] at marami ang nakakita sa kanila.
54 Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®