Book of Common Prayer
Ang Kasal ng Hari
45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2 Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
3 Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4 Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5 Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.
6 O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
at ang paghahari moʼy makatuwiran.
7 Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
8 Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9 Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.
10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.
13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.
16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan
47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
2 Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
3 Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
4 Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
5 Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.
6 Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
7 Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
8 Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
9 Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
at mataas ang paggalang nila sa kanya.
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
Ang Pagsakop sa Ai
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. 2 Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”
3 Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. 4 Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. 5 Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. 6 Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. 7 Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 8 Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” 9 Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.
10 Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. 11 Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. 12 Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. 13 Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.
Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. 14 Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan[a] para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. 15 Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. 16 Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. 17 Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.
18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. 19 Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. 21 Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. 22 Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila,
Huwag Humatol sa Kapatid
14 Tanggapin ninyo ang kapatid na mahina ang pananampalataya at huwag makipagtalo sa kanyang mga paniniwala. 2 Halimbawa, may kapatid na naniniwala na lahat ng pagkain ay maaaring kainin. Mayroon namang mahina ang pananampalataya at para sa kanya, gulay lamang ang dapat kainin. 3 Hindi dapat hamakin ng taong kumakain ng kahit ano ang tao na ang kinakain ay gulay lamang. At huwag hatulan ng tao na ang kinakain ay gulay lamang ang taong kumakain ng kahit ano. Sapagkat pareho silang tinatanggap ng Dios, 4 at sa Dios lang din sila mananagot. Kaya, sino ka para humatol sa utusan ng iba? Ang Amo[a] lang niya ang makapagsasabi kung mabuti o masama ang ginagawa niya. At talagang magagawa niya ang tama, dahil ang Panginoon ang tutulong sa kanya.
5 May mga taong naniniwala na mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang mga araw. May tao namang pare-pareho lang para sa kanya ang lahat ng araw. Ang bawat tao ang bahalang magpasya para sa kanyang sarili tungkol sa bagay na iyan. 6 Ang taong may pinapahalagahang araw ay gumagawa nito para sa Panginoon. At ang tao namang kumakain ng kahit anong pagkain ay gumagawa rin nito para sa Panginoon, dahil pinapasalamatan niya ang Dios para sa kanyang pagkain. Ang hindi naman kumakain ng ilang klase ng pagkain ay gumagawa nito para sa Panginoon at nagpapasalamat din siya sa Dios. 7 Wala ni isa man sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayoʼy nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayoʼy mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayoʼy sa Panginoon. 9 Ito ang dahilan kung bakit namatay at muling nabuhay si Cristo, para maging Panginoon siya ng mga buhay at mga patay. 10 Kaya huwag ninyong hahatulan o hahamakin ang inyong kapatid kay Cristo. Sapagkat tayong lahat ay haharap sa Dios, at siya ang hahatol kung ang ginawa natin ay mabuti o masama. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ako, ang Panginoon na buhay ay sumusumpa na darating ang araw na luluhod ang lahat ng tao sa akin at kikilalanin akong Dios.”[b] 12 Kaya lahat tayoʼy mananagot sa Dios sa lahat ng ating mga ginawa.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 48 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” 49 Lumapit si Judas kay Jesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Guro!” saka hinalikan siya. 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Jesus. 51 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na pwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng 12 batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?”
55 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? 56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®