Book of Common Prayer
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
Ang Makatarungang Paghatol ng Dios
9 Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2 Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3 Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4 Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5 Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6 Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7 Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
8 Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
at wala kayong kinikilingan.
9 Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.
11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.
13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.
15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
At ang masasama ay napahamak,
dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.
19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Nagpadala si Josue ng mga Espiya sa Jerico
2 Pagkatapos, lihim na nagpadala si Josue ng dalawang tao mula sa kampo ng mga Israelita sa Shitim para mag-espiya sa lupain ng Canaan, lalung-lalo na sa lungsod ng Jerico. Nang makarating ang dalawang espiya sa Jerico, nakituloy sila sa bahay ni Rahab na isang babaeng bayaran.
2 Nabalitaan ng hari ng Jerico na may dumating na mga Israelita nang gabing iyon para mag-espiya sa kanila. 3 Kaya nagpadala ng mensahe ang hari kay Rahab, na sinasabi: “Palabasin mo ang mga taong nakituloy sa bahay mo, dahil nandito sila para mag-espiya sa lupain natin.”
4-6 Sinabi ni Rahab, “Totoo pong may mga taong nakituloy dito, pero hindi ko po alam kung taga saan sila. Umalis sila nang madilim na at pasara na ang pintuan ng lungsod. Hindi ko alam kung saan sila pupunta, pero kung susundan nʼyo agad sila, maaabutan nʼyo pa sila.” (Pero ang totoo, itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubong ng bahay niya at tinakpan niya sila ng mga pinagputol-putol na halaman na ginagawang telang linen na pinapatuyo niya roon.)
Umalis ang mga tauhan ng hari para habulin ang dalawang espiya. 7 Paglabas nila sa lungsod, isinara agad ang pintuan nito. Sa paghabol nila nakarating sila hanggang sa tawiran ng Ilog ng Jordan.
8 Bago matulog ang dalawang espiya, umakyat si Rahab sa bubong at 9 sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupaing ito at labis ang pagkatakot ng mga tao rito sa inyo. 10 Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng Panginoon ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Egipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan. 11 Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa. 12 Kaya ngayon, ipangako nʼyo sa pangalan ng Panginoon na tutulungan nʼyo ang pamilya ko gaya ng pagtulong ko sa inyo. Bigyan nʼyo ako ng patunay 13 na hindi nʼyo papatayin ang mga magulang ko, mga kapatid ko at ang buo nilang sambahayan.”
14 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Itataya namin ang buhay namin para sa inyo! Huwag mo lang ipagsasabi ang pag-espiya namin dito, hindi ka namin gagalawin kapag ibinigay na ng Panginoon ang lupaing ito sa amin.”
Ang Awa ng Dios sa Israel
11 Ang tanong ko ngayon, itinakwil na ba ng Dios ang mga taong pinili niya? Aba, hindi! Ako mismo ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lahi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Dios ang kanyang mga mamamayan na sa simula paʼy pinili na niya. Hindi nʼyo ba natatandaan ang sinasabi sa Kasulatan nang ireklamo ni Propeta Elias sa Dios ang mga Israelita? 3 Ang sabi ni Elias, “Panginoon, pinatay po nila ang inyong mga propeta at winasak ang inyong mga altar. Ako na lang po ang natitira at gusto pa nila akong patayin.” 4 Pero ano ang isinagot sa kanya ng Dios? “Nagtira ako ng 7,000 Israelitang hindi sumasamba sa dios-diosang si Baal.” 5 Ganyan din ngayon, may mga natitira pang mga Israelita na tapat sa Dios, na pinili niya dahil sa kanyang biyaya. 6 Ngayon, kung ang pagkapili sa kanila ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito nakasalalay sa kanilang mabubuting gawa. Sapagkat kung nakasalalay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.
7 Ngayon, masasabi natin na hindi nakamtan ng mga Israelita ang kanilang ninanais na maituring silang matuwid ng Dios. Ang mga pinili ng Dios ang siyang nagkamit nito, pero ang karamihan ay pinatigas ang ulo. 8 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa silang manhid ng Dios at hanggang ngayon ay para silang mga bulag o bingi sa katotohanan.” 9 Sinabi rin ni David tungkol sa kanila: “Ang kanilang mga handog[a] sana ang magdala sa kanila ng kapahamakan, kasiraan, at kaparusahan. 10 Mabulag sana sila at magkandakuba sa bigat ng kanilang mga papasanin.”
11 Natisod ang mga Judio dahil hindi sila sumampalataya kay Cristo. Ibig bang sabihin, tuluyan na silang mapapahamak? Hindi! Pero dahil sa paglabag nila, nabigyan ng pagkakataon ang mga hindi Judio na maligtas. At dahil dito, maiinggit ang mga Judio. 12 Ngayon, kung ang paglabag at pagkabigong ito ng mga Judio ay nagdulot ng malaking pagpapala sa mga hindi Judio sa buong mundo, gaano pa kaya kalaki ang pagpapalang maidudulot kung makumpleto na ang buong bilang ng mga Judio na sasampalataya kay Cristo.
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang paghahari ng Dios sa araw na iyon ay maitutulad sa kwentong ito: May sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan upang salubungin ang lalaking ikakasal. 2 Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy marurunong. 3 Ang mga mangmang ay nagdala ng ilawan pero hindi nagdala ng reserbang langis, 4 habang ang marurunong naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. 5 Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay nakatulog sa paghihintay.
6 “Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’ 7 Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’ 9 Sumagot sila, ‘Hindi pwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’ 10 Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumama sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11 “Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Papasukin nʼyo po kami.’ 12 Pero sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’ ” 13 At sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®