Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
    at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
    Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

Deuteronomio 3:18-28

18 “Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan,[a] ‘Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog ng Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban. 19 Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo. 20 Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo.’

Hindi Pinayagan si Moises na Makapasok sa Canaan

21 “At nang panahong iyon, sinabi ko rin kay Josue, ‘Nakita mo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa dalawang haring iyon. Ganoon din ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kaharian na inyong pupuntahan. 22 Huwag kayong matakot sa kanila; ang Panginoon na inyong Dios mismo ang makikipaglaban para sa inyo.’

23 “Nang panahong iyon, nagmakaawa ako sa Panginoon. Sinabi ko, 24 ‘O Panginoong Dios, sinimulan na ninyong ipakita sa inyong lingkod ang inyong kadakilaan, dahil walang dios sa langit o sa lupa na makakagawa ng mga himala na inyong ginawa. 25 Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.’

26 “Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, ‘Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan. 27 Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tumanaw sa lupain sa kahit saang direksyon, dahil hindi ka makakatawid sa Jordan. 28 Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga taong ito sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila ang lupaing nakikita mo ngayon!’

Roma 9:19-33

Ang Galit at Awa ng Dios

19 Maaaring may magsabi sa akin, “Kung ganoon, bakit pa niya pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Pero sino ka para magreklamo sa Dios ng ganyan? Tayoʼy mga nilikha lang ng Dios, kaya hindi tayo makakapagreklamo kung bakit niya tayo ginawang ganito. 21 Tulad sa isang gumagawa ng palayok, may karapatan siyang gawin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: ang isa ay pang-espesyal, at ang isa naman ay pangkaraniwan lang.

22 Ganoon din naman ang Dios. Nais niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan at matinding galit sa mga makasalanan, pero minabuti niyang tiisin muna nang buong tiyaga ang mga taong dapat sanang lipulin na. 23 Ginawa niya ito para ipakita kung gaano siya kadakila sa mga taong kinaaawaan niya, na inihanda na niya noon pa para parangalan. 24 Itoʼy walang iba kundi tayo na mga tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga hindi Judio. 25 Ito ang sinabi ng Dios sa aklat ni Hoseas:

    “Ang dating hindi ko mga tao ay tatawagin kong, ‘Mga tao ko.’
    At ang dating hindi ko mahal ay mamahalin ko.[a]
26 At sa mga sinabihang, ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’
    silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ ”[b]

27 Tungkol naman sa mga Israelita, sinabi ni Propeta Isaias: “Kahit na maging kasindami pa ng buhangin sa tabing-dagat ang lahi ni Israel, kakaunti lang sa kanila ang maliligtas, 28 dahil mabilis at matindi ang gagawing paghatol ng Panginoon sa mga tao sa mundo.”[c] 29 Sinabi rin ni Isaias,

    “Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay walang itinira sa ating lahi, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.”[d]

Ang Israel at ang Magandang Balita

30 Ano ngayon ang masasabi natin tungkol dito? Ang mga hindi Judio na hindi nagsikap na maging matuwid ay itinuring ng Dios na matuwid nang dahil sa kanilang pananampalataya. 31 Pero ang mga Judio na nagsikap na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod nila sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit sila nabigo? Sapagkat nagtiwala sila sa kanilang mga gawa at hindi sila sumampalataya kay Jesu-Cristo. Natisod sila sa “batong nakakatisod.” 33 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,

    “Maglalagay ako sa Zion ng batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.
    Pero hindi mapapahiya ang mga sumasampalataya sa kanya.”[e]

Mateo 24:1-14

Sinabi ni Jesus ang Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Lumabas si Jesus sa templo, at habang naglalakad, nilapitan siya ng mga tagasunod niya at itinuro sa kanya ang mga gusali ng templo. Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang lahat ng iyan. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, magigiba ang lahat ng iyan at walang maiiwang magkapatong na bato.”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”

Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw. Makakarinig kayo ng mga digmaang malapit sa inyo, at mababalitaan ninyo na may mga digmaan din sa malayo. Ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar. Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.

“Sa panahong iyon, kamumuhian kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo upang parusahan at patayin. 10 Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila mananampalataya. 11 Lilitaw ang maraming huwad na propeta at marami ang maililigaw nila. 12 Lalaganap ang kasamaan, at dahil dito, manlalamig ang pag-ibig ng maraming mananampalataya. 13 Ngunit ang mananatiling tapat hanggang sa wakas ay maliligtas. 14 Ipangangaral sa buong mundo ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®