Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
2 Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
3 Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.
4 Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
5 upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
at makadama rin ng kanilang kagalakan,
at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
6 Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
masama ang aming ginawa.
7 Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
8 Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
upang kayo ay maparangalan
at maipakita ang inyong kapangyarihan.
9 Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.
16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.
19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
at sinamba nila ang dios-diosang ito.
Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.
28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.
32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.
34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.
47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing,
“Amen!”
Purihin ang Panginoon!
Ang mga dios-diosan ni Micas
17 May isang tao na nakatira sa kabundukan ng Efraim na ang pangalan ay Micas. 2-3 Isang araw, sinabi ni Micas sa kanyang ina, “Narinig ko pong isinumpa nʼyo ang kumuha ng inyong 1,100 pirasong pilak. Narito ang pilak, ako po ang kumuha.” Pagkatanggap nito ng kanyang ina, sinabi nito, “Anak, pagpalain ka sana ng Panginoon. Ihahandog ko itong pilak sa Panginoon para hindi dumating sa iyo ang sumpa. Gagamitin ko ito na pangtapal sa kahoy na imahen na ipapagawa ko. Ihahandog ko nga ito sa Panginoon para maligtas ka sa sumpa.” 4 Pagkatapos, kumuha ang kanyang ina ng 200 pilak at ibinigay sa platero. Ginamit ito ng platero na pangtapal sa kahoy na imahen. Nang natapos na, inilagay ang dios-diosan sa bahay ni Micas.
5 May sariling sambahan si Micas at nagpagawa siya ng mga dios-diosan at espesyal na damit[a] ng pari. At ginawa niyang pari ang isa sa mga anak niyang lalaki. 6 Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay malaya kung ano ang gusto niyang gawin.
7 May isang binatilyong Levita[b] na nakatira sa Betlehem na sakop ng Juda. 8 Isang araw, umalis siya para maghanap ng matitirhan sa ibang lugar. Sa kanyang pag-alis, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim. 9 Tinanong siya ni Micas, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Taga-Betlehem po ako, na sakop ng Juda, at isa po akong Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan.” 10-11 Sinabi ni Micas, “Dito ka na lang tumira kasama ko. Gagawin kitang tagapayo[c] ko at pari. At bawat taon, bibigyan kita ng sampung pirasong pilak, bukod pa sa mga damit at pagkain na ibibigay ko sa iyo.” Pumayag ang Levita sa sinabi ni Micas at itinuring siya ni Micas na isa sa kanyang mga anak. 12 Ginawa siyang pari ni Micas at doon pinatira sa kanyang bahay. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, natitiyak kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil may pari na akong Levita.”
44 Sinabi pa ni Esteban, “Nang naroon pa ang ating mga ninuno sa disyerto, may tolda sila kung saan naroon ang presensya ng Dios. Ginawa ang Tolda ayon sa utos ng Dios kay Moises at sa planong ipinakita sa kanya. 45 Nang namatay na ang ating mga ninuno, ang kanilang mga anak naman ang nagdala ng tolda. Ang kanilang pinuno ay si Josue. Napasakanila ang lupain na ipinangako ng Dios matapos itaboy ng Dios ang mga nakatira roon. At nanatili roon ang tolda hanggang sa panahon ng paghahari ni David. 46 Hiniling ni David sa Dios na pahintulutan siyang magpatayo ng bahay para sa Dios para makasamba roon ang mga lahi ni Jacob. Pero hindi siya pinayagan, kahit nalulugod ang Dios sa kanya. 47 Sa halip, si Solomon ang nagtayo ng templo ng Dios.
48 “Pero ang Kataas-taasang Dios ay hindi tumitira sa mga bahay na gawa ng tao. Katulad ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
49 ‘Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya anong uri ng bahay ang gagawin nʼyo para sa akin? Saan ba ang lugar na aking mapagpapahingahan? 50 Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay?’ ”
51 Pagkatapos, sinabi ni Esteban, “Napakatigas ng ulo ninyo! Nagbibingi-bingihan kayo sa mga mensahe ng Dios, dahil ayaw ninyong sumunod sa mga sinasabi niya sa inyo. Palagi ninyong kinakalaban ang Banal na Espiritu. Manang-mana kayo sa ugali ng inyong mga ninuno. 52 Walang propeta sa kanilang kapanahunan na hindi nila inusig. Ang mga nagpahayag tungkol sa pagdating ng Matuwid na Lingkod[a] ay pinatay nila. At pagdating dito ni Jesus, kayo ang siyang nagkanulo at pumatay sa kanya. 53 Tumanggap kayo ng Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo sinunod.”
Ang Pagbato kay Esteban
54 Nang marinig iyon ng mga miyembro ng Korte, galit na galit sila kay Esteban. Nagngalit ang kanilang mga ngipin sa matinding galit. 55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.
8 1-2 Inilibing si Esteban ng mga taong may takot sa Dios, at labis nila siyang iniyakan.
Pinag-uusig ni Saulo ang mga Mananampalataya
Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkawatak-watak ang mga mananampalataya sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang hindi umalis sa Jerusalem. Si Saulo na sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban
Ang Kapangyarihan ng Anak ng Dios
19 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako na Anak ng Dios ay walang magagawa kung sa sarili ko lang, kundi ginagawa ko lang ang nakikita ko na ginagawa ng aking Ama. Kaya kung ano ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ko bilang Anak. 20 Minamahal ng Ama ang Anak, kaya ipinapakita niya sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga bagay na ito ang mga gawaing ipapakita niya sa akin na gagawin ko para mamangha kayo. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay ang mga ito, ganoon din naman, binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang gusto niyang bigyan nito. 22 Hindi ang Ama ang hahatol sa mga tao kundi ako na kanyang Anak, dahil ibinigay niya sa akin ang lahat ng kapangyarihang humatol, 23 upang parangalan ng lahat ang Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Kaya, ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya.
24 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumusunod sa aking mga salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan sapagkat inilipat na nga siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang panahon, at dumating na nga, na maririnig ng mga patay ang salita[a] ng Anak ng Dios, at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 May kapangyarihan ang Ama na magbigay ng buhay. Ganoon din naman, may kapangyarihan ako na kanyang Anak na magbigay ng buhay, dahil binigyan niya ako ng kapangyarihang ito. 27 Ibinigay din niya sa akin ang kapangyarihang humatol dahil ako ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka tungkol dito, dahil darating ang panahon na maririnig ng lahat ng patay ang aking salita, 29 at babangon sila mula sa kanilang libingan. Ang mga gumawa ng mabuti ay bibigyan ng buhay na walang hanggan, at ang mga gumawa ng masama ay parurusahan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®