Book of Common Prayer
Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios
86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
2 Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
3 Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
4 Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
5 Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
6 Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
7 Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
8 Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
9 Ang lahat ng bansa[a] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
at susundin ko ito nang may katapatan.[b]
Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.
Nanaginip si Jacob sa Betel
10 Umalis si Jacob sa Beersheba at lumakad papuntang Haran. 11 Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12 Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa hagdan. 13 Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan[a] at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14 Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15 Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”
16 Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.” 17 Kinabahan siya at sinabi, “Nakakamangha ang lugar na ito! Tirahan ito ng Dios at dito mismo ang pintuan papuntang langit.”
Ang Pagtawag ni Jesus kina Felipe at Natanael
43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.) 45 Hinanap ni Felipe si Natanael at sinabi niya rito, “Natagpuan na namin ang taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta. Siya si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46 Tinanong siya ni Natanael, “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” Sumagot si Felipe, “Halika at tingnan mo.”
47 Nang makita ni Jesus na papalapit sa kanya si Natanael, sinabi niya, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya.”[a] 48 Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” 50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumampalataya ka ba sa akin dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang masasaksihan mo.” 51 Sinabi pa sa kanya ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, makikita ninyo na bubukas ang langit, at makikita rin ninyo ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa akin na Anak ng Tao.”
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan
5 Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. 2 Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. 3 Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. 4 At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.
5 At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] 6 Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. 7 Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. 8 Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. 9 Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®