Book of Common Prayer
145 Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;
sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
146 Tumatawag ako sa inyo;
iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
147 Gising na ako bago pa sumikat ang araw
at humihingi ng tulong sa inyo,
dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.
148 Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.
149 Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
150 Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.
151 Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.
152 Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.
153 Masdan nʼyo ang dinaranas kong paghihirap at akoʼy inyong iligtas,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong kautusan.
154 Ipagtanggol nʼyo ako at iligtas,
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
155 Hindi maliligtas ang masasama,
dahil hindi nila ipinamumuhay ang inyong mga tuntunin.
156 Napakamaawain nʼyo Panginoon;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[b]
157 Marami ang umuusig sa akin,
ngunit hindi ako lumayo sa inyong mga turo.
158 Kinasusuklaman ko ang mga hindi tapat sa inyo,
dahil hindi nila sinusunod ang inyong salita.
159 Tingnan nʼyo Panginoon kung paano ko sinusunod ang inyong mga tuntunin.
Panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong tapat na pag-ibig.
160 Totoo ang lahat ng inyong salita,
at ang inyong mga utos ay makatuwiran magpakailanman.
161 Inuusig ako ng mga namumuno ng walang dahilan,
ngunit salita nʼyo lang ang aking kinatatakutan.
162 Nagagalak ako sa inyong mga pangako na tulad ng isang taong nakatuklas ng malaking kayamanan.
163 Namumuhi ako at nasusuklam sa kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.
164 Pitong beses[c] akong nagpupuri sa inyo bawat araw dahil matuwid ang inyong mga utos.
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan,
at silaʼy hindi mabubuwal.
166 Panginoon umaasa ako na akoʼy inyong ililigtas,
at sinusunod ko ang inyong mga utos.
167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo,
at itoʼy sinusunod ko.
168 Ang lahat kong ginagawa ay inyong nalalaman,
kaya sinusunod ko ang inyong mga tuntunin at katuruan.
169 Panginoon, pakinggan nʼyo sana ang aking hinaing.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa ayon sa inyong pangako.
170 Sanaʼy dinggin nʼyo ang aking dalangin, at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.
171 Lagi akong magpupuri sa inyo,
dahil tinuturuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
172 Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,
dahil matuwid ang lahat nʼyong mga utos.
173 Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan,
dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
174 Panginoon, nananabik ako sa inyong pagliligtas.
Ang kautusan nʼyo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan.
175 Panatilihin nʼyo ang aking buhay upang kayoʼy aking mapapurihan,
at sanaʼy tulungan ako ng inyong mga utos na masunod ang inyong kalooban.
176 Para akong tupang naligaw at nawala,
kaya hanapin nʼyo ako na inyong lingkod,
dahil hindi ko kinakalimutan ang inyong mga utos.
Ang Gantimpala ng Pagsunod sa Panginoon
128 Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan.
2 Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,
at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.
3 Ang inyong asawa ay magiging katulad ng ubasan sa inyong tahanan, na sagana sa bunga,
at ang inyong mga anak na nakapaligid sa inyong hapag-kainan ay parang mga bagong tanim na olibo.
4 Ganito pagpapalain ang sinumang may takot sa Panginoon.
5 Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
Makita sana ninyong umuunlad ang Jerusalem habang kayoʼy nabubuhay.
6 Makita sana ninyo ang inyong mga apo.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan!
Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
2 “Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
3 Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
4 Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”
5 Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
6 Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
7 Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
8 Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
“Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
16-17 Habang nakatayo sa pintuan ng lungsod ang pari at ang 600 armadong lalaki na kalahi ni Dan, pumasok ang limang espiya sa bahay ni Micas at kinuha ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak, at ang iba pang dios-diosan.
18 Nang makita ng pari na pinasok ng limang tao ang bahay ni Micas at kinuha ang mga gamit, nagtanong siya sa kanila, “Bakit nʼyo kinukuha iyan?” 19 Sumagot sila, “Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming pari at tagapayo. Ayaw mo bang maging pari ng isang lahi ng Israel kaysa ng isang bahay lang?” 20 Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak at ang iba pang mga dios-diosan, at sumama sa kanila.
21 Habang naglalakad sila, nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga gamit. 22 Hindi pa sila nakakalayo sa bahay ni Micas ay nalaman na ni Micas ang nangyari. Kaya tinipon niya ang mga kapitbahay niya at hinabol nila ang mga kalahi ni Dan. 23 Sinigawan nila sila, at lumingon ang mga ito at nagtanong kay Micas, “Ano ba ang nangyari at hinahabol nʼyo kami?”
24 Sumagot si Micas, “Nagtatanong pa kayo? Kinuha nʼyo ang mga dios na aking ipinagawa, pati ang pari ko. Wala nang natira sa akin.” 25 Sinabi nila, “Mabuti pang tumahimik ka na lang, dahil baka magalit ang iba naming kasama at patayin ka nila pati ang pamilya mo.” 26 At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nakita ni Micas na hindi niya sila makakaya, kaya umuwi na lang siya.
27 Pumunta ang mga kalahi ni Dan sa Laish dala ang mga dios-diosan ni Micas pati ang pari niya. Mapayapang lugar ang Laish, at panatag ang loob ng mga mamamayan doon na walang mangyayari sa kanila. Nilusob ng mga angkan ni Dan ang Laish, pinatay ang mga tao, at sinunog ang lungsod. 28 Walang tumulong sa mga taga-Laish dahil malayo sila sa Sidon at wala silang kakamping bansa. Ang lugar na itoʼy malapit sa lambak ng Bet Rehob. Ipinatayong muli ng mga lahi ni Dan ang lungsod at tinirhan nila ito. 29 Pinalitan nila ng Dan ang pangalan nito ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan, na isa sa mga anak ni Jacob.[a] 30 Ipinatayo nila roon ang dios-diosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gershom at apo ni Moises ang ginawa nilang pari. Ang mga angkan ni Jonatan ang naglingkod bilang mga pari sa lahi ni Dan hanggang sa pagkabihag sa mga taga-Israel. 31 At habang ang tolda na pinagsasambahan sa Dios ay naroon pa sa Shilo, ang dios-diosan ni Micas ay patuloy na sinasamba sa Dan.
14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”
25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
6 Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. 3 Umakyat si Jesus at ang mga tagasunod niya sa isang bundok at naupo roon. 4 (Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel.) 5 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” 6 (Tinanong niya ito upang subukan si Felipe, kahit alam na niya ang kanyang gagawin.) 7 Sumagot si Felipe, “Sa dami po nila, ang walong buwan na sahod ng isang tao ay hindi sapat para pakainin ng kahit tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi naman ng isa sa mga tagasunod niyang si Andres na kapatid ni Pedro, 9 “May isang batang lalaki rito na may limang tinapay at dalawang isda. Pero kakasya ba naman ito sa dami ng tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Umupo naman ang mga tao dahil madamo sa lugar na iyon. Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga 5,000 na. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. 12 Pagkakain nila, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” 13 Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng 12 basket.
14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!” 15 Alam ni Jesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at muling umakyat nang mag-isa sa bundok.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®