Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 16-17

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Ang Dalangin ng Taong Matuwid

17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
    Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
    kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
    ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
    Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
gaya ng ginagawa ng iba.
    Dahil sa inyong mga salita,
    iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
    at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.

O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
    dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
    Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
    Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
    at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
    na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
    Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
    at nakahandang sumakmal ng mga biktima.

13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
    At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.

Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
    pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.

15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
    At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.

Salmo 22

Panawagan sa Dios para Tulungan

22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
    Bakit kay layo nʼyo sa akin?
    Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
    kaya wala akong kapahingahan.
Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
    at pinupuri ng mga Israelita.
Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
    at silaʼy inyong iniligtas.
Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
    Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.

Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
    Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
    at iiling-iling na nagsasabi,
“Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
    bakit hindi ka niya iniligtas?
    Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
    at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
    at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
    dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
    at wala na akong ibang maaasahan.

12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
    na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
    at nakanganga na handa akong lapain.

14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
    at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
    At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
    O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
    At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
    ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
    Kayo ang aking kalakasan;
    magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
    At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.

23 Kayong may takot sa Panginoon,
    purihin ninyo siya!
    Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
    parangalan ninyo siya
    at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
    Hindi niya sila tinatalikuran,
    sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
    Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
    At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
    at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

Job 9:1-15

Sumagot si Job

Sumagot si Job,

“Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios? Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito. Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?

“Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit. Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga. Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag. Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon. Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan. 10 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin. 11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman. 12 Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya? 13 Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya. 14 Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya? 15 Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom.

Job 9:32-35

32 Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman. 33 Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa, 34 at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot. 35 Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”

Gawa 10:34-48

Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius

34 Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35 Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36 Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37-38 Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39 Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40 Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41 Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42 Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43 Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio

44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Juan 7:37-52

Ang Tubig na Nagbibigay-buhay

37 Nang dumating ang huli at pinakamahalagang araw ng pista, tumayo si Jesus at sinabi nang malakas, “Ang sinumang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan na dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sumasampalataya sa akin.” 39 (Ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naipagkakaloob ang Banal na Espiritu nang panahong iyon dahil hindi pa nakabalik sa langit si Jesus.)

Ang Paniniwala ng mga Tao tungkol kay Jesus

40 Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!” 41 Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea. 42 Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?” 43 Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya.

Ayaw Maniwala ng mga Pinuno ng mga Judio kay Jesus

45 Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” 46 Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.” 47 Sinabi ng mga Pariseo, “Kung ganoon, pati kayo ay naloko na rin ng taong iyon? 48 May nakita na ba kayong mga pinuno o mga Pariseong sumasampalataya sa kanya? 49 Wala! Mga tao lang na walang alam sa Kautusan ni Moises ang sumasampalataya sa kanya. Sumpain sila ng Dios!” 50 Isa sa mga Pariseong naroon ay si Nicodemus, na minsang dumalaw kay Jesus. Sinabi niya sa mga kasamahan niya, 51 “Hindi baʼt labag sa Kautusan natin na hatulan ang isang tao hanggaʼt hindi siya nalilitis at inaalam kung ano ang ginawa niya?” 52 Sumagot sila kay Nicodemus, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka sa Kasulatan at makikita mong walang propetang nanggagaling sa Galilea.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®