Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 1-4

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Ang Haring Hinirang ng Panginoon

Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
    Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
    at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
    at sa hari na kanyang hinirang.
Sinabi nila,
    “Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
    at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
Sinabi niya,
    “Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
    “Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
    at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
    at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
Pamumunuan mo sila,
    at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
    Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”

10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
    unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
    at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
    kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
    Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.

Panalangin sa Oras ng Panganib

Panginoon, kay dami kong kaaway;
    kay daming kumakalaban sa akin!
Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
Ngunit kayo ang aking kalasag.
    Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[c] na bundok.
At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.

Pumarito kayo, Panginoon!
    Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
    dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
    at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
    Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.

Panalangin sa Gabi

O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
    Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
    Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.

Kayong mga kumakalaban sa akin,
    kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
    Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[d]
Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
    Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
    Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.

Marami ang nagsasabi,
    “Sino ang magpapala sa amin?”
    Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
Pinaliligaya nʼyo ako,
    higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
    dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.

Salmo 7

Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios

Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
Baka patayin nila ako,
    katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
    kung walang magliligtas sa akin.
Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
    o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
    Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.

Sige na po, O Panginoon kong Dios,
    ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
    dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
    at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
    Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
    dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
    at namumuhay nang wasto.
Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
    at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
    dahil kayo ay Dios na matuwid,
    at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
    Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
    ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
    Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
    Nahasa na niya ang kanyang espada,
    at nakaumang na ang palasong nagbabaga.

14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
    kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
    Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
    pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.

17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
    Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.

Job 4:1

Nagsalita si Elifaz

Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya,

Job 5:1-11

Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel[a] ay hindi ka tutulungan. Ang galit at paninibugho ay pumapatay sa hangal at sa walang karunungan. Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, pero bigla na lang isusumpa ng Dios ang sambahayan niya. Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman. Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian. Ang kahirapan at kaguluhan ay hindi tumutubo sa alikabok o lupa. Likas sa tao ang gumawa ng kahirapan at kaguluhan, tulad ng alipatong mula sa apoy na lumilipad paitaas.

“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. 10 Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. 11 Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati.

Job 5:17-21

17 “Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo. 18 Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling. 19 Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. 20 Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. 21 Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan.

Job 5:26-27

26 Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.[a] 27 Ayon sa aming nalaman at naranasan, napatunayan namin na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”

Gawa 9:19-31

19 Kumain siya at muling lumakas.

Nangaral si Saulo sa Damascus

Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damascus kasama ng mga tagasunod ni Jesus. 20 Pumunta siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niyang si Jesus ang Anak ng Dios. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang taong umuusig sa mga tagasunod ni Jesus doon sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin ang mga kumikilala kay Jesus at dalhin sa mga namamahalang pari?”

22 Lalong humusay ang kakayahan ni Saulo sa pangangaral. At hindi makasagot sa kanya ang mga Judio sa Damascus nang patunayan niyang si Jesus ang Cristo.

23 Pagkalipas ng ilang araw, nagtipon ang mga Judio at nagplanong patayin si Saulo. 24 Araw-gabi nilang inaabangan si Saulo sa mga pintuan ng lungsod upang patayin. Pero may nakapagsabi kay Saulo tungkol sa plano nila. 25 Kaya isang gabi, isinakay siya ng mga tagasunod niya sa malaking kaing at ibinaba sa labas ng pader ng lungsod.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga tagasunod ni Jesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus. 27 Pero isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan at kung ano ang sinabi nito sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Jesus doon sa Damascus. 28 Kaya mula noon, kasama na nila si Saulo, at buong tapang niyang ipinangaral ang tungkol sa Panginoon saan man sa Jerusalem. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagdebate sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, kaya nagalit sila at nagplanong patayin siya. 30 Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarsus.

31 Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.

Juan 6:52-59

52 Nagtalo-talo ang mga Judiong nakikinig kay Jesus. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?” 53 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 54 Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Ang Dios Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®