Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
Ang Panawagan ng Karunungan
8 Hindi(A) ba nananawagan ang karunungan,
at nagtataas ng tinig ang kaunawaan?
2 Sa matataas na dako sa tabi ng daan,
siya'y tumatayo sa mga sangandaan.
3 Sa tabi ng mga pintuan sa harapan ng bayan,
siya'y sumisigaw ng malakas sa pasukan ng mga pintuan:
4 “Sa inyo, O mga lalaki, tumatawag ako,
at ang aking sigaw ay sa mga anak ng mga tao.
5 O kayong mga walang muwang, matuto kayo ng katalinuhan;
at, maging maunawain kayo, kayong mga hangal.
6 Makinig kayo, sapagkat magsasalita ako ng mga bagay na marangal,
at mamumutawi sa aking mga labi ang matutuwid na bagay;
7 sapagkat ang aking bibig ay magsasabi ng katotohanan;
at karumaldumal sa aking mga labi ang kasamaan.
8 Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran;
sa kanila'y walang liko o baluktot man.
9 Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran,
at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman.
10 Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral;
at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman.
11 Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan,
at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay.
12 Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan,
at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan.
13 Ang takot sa Panginoon ay pagkamuhi sa kasamaan.
Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan,
at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman.
14 Mayroon akong payo at magaling na karunungan,
ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan.
15 Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko,
at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo,
at namamahala sa lupa ang mararangal na tao.
17 Iniibig ko silang sa akin ay umiibig,
at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig.
18 Nasa akin ang mga kayamanan at dangal,
ang kayamanan at kasaganaang tumatagal.
19 Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam,
at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang.
20 Lumalakad ako sa daan ng katuwiran,
sa mga landas ng katarungan,
21 upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal,
at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman.
Pagbati
1 Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,
Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,
2 at(A) kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,
5 sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.
6 Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.
7 Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.
Ang Pakiusap ni Pablo Alang-alang kay Onesimo
8 Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,
9 gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.
10 Ako'y(B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.
11 Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.
12 Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.
13 Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.
14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.
15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;
16 hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.
17 Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.
18 Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.
19 Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.
20 Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.
21 Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
22 Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.
Pangwakas na Pagbati
23 Binabati(C) ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus;
24 gayundin(D) nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.
25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu.[a]
Sabwatan Laban kay Lazaro
9 Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay.
10 Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro,
11 sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
12 Kinabukasan, nang mabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay darating sa Jerusalem,
13 sila'y(B) kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, “Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel.”
14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno, at sumakay siya roon, gaya ng nasusulat,
15 “Huwag(C) kang matakot, anak na babae ng Zion, tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang anak ng asno.”
16 Sa simula ang mga bagay na ito ay hindi naunawaan ng kanyang mga alagad. Ngunit nang si Jesus ay niluwalhati na, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kanya, at nangyari ang mga bagay na ito sa kanya.
17 Kaya't ang maraming tao na kasama niya, nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y buhayin mula sa mga patay, ay siyang nagpapatunay.
18 Ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay sumalubong sa kanya ay sapagkat nabalitaan nila na ginawa niya ang tandang ito.
19 Sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Tingnan ninyo, wala kayong magagawa. Ang sanlibutan ay sumusunod sa kanya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001