Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.
61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
dinggin mo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
kapag nanlulupaypay ang aking puso.
Ihatid mo ako sa bato
na higit na mataas kaysa akin;
3 sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
isang matibay na muog laban sa kaaway.
4 Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
5 Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.
6 Pahabain mo ang buhay ng hari;
tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
7 Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!
8 Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.
62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
2 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.
3 Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
upang patayin siya, ninyong lahat,
gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
4 Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)
5 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog, hindi ako mayayanig.
7 Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.
8 Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.
11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12 at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12 “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13 kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.
15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
samakatuwid ay libu-libo.
Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
“Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”
24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.
28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.
32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
ang Diyos ng Israel,
nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.
Purihin ang Diyos!
Ipinanganak si Isaac
21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.
2 Si(A) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.
3 Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.
4 At(B) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.
5 Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.
6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”
7 At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”
Pinalayas sina Hagar at Ismael
8 Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.
9 Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.
10 Kaya't(C) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”
11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.
12 Sinabi(D) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.
13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”
14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.
15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.
16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[a] siya'y nagsisigaw at umiiyak.
17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.
18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”
19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.
20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.
21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.
13 Ang(A) lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa,
14 sapagkat ang mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan.
15 Kung kanilang naalala ang kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong makabalik.
16 Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod.
17 Sa(B) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak,
18 na(C) tungkol sa kanya ay sinabi, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi.”
19 Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap.
20 Sa(D) pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari.
21 Sa(E) pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod.
22 Sa(F) pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto.
41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”
42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”
43 Sumagot si Jesus sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.
44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat(A) sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin.
46 Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.
51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001