Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 56-58

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Kalapati sa Malayong mga Puno ng Roble. Miktam ni David, nang hulihin siya ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao;
    buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako,
sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway,
    sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban.
Kapag natatakot ako,
    aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo.
Sa Diyos na pinupuri ko ang salita,
    sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala,
    ang laman sa akin ay ano ang magagawa?

Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan;
    lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama.
Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli,
    binabantayan nila ang aking mga hakbang,
gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay.
    Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan;
    sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan!

Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay,
    ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo!
    Wala ba sila sa aklat mo?
Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway
    sa araw na ako'y tumawag.
    Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko.
10 Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri,
    sa Panginoon, na ang mga salita ay aking pinupuri,
11 sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako.
    Anong magagawa sa akin ng tao?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos,
    ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo.
13 Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa,
    at sa pagkahulog ang aking mga paa,
upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos
    sa liwanag ng buhay.

Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
    sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
    hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
    sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
    ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
    ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
    at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
    ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
    ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
    ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
    Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
    Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
    Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
    ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.

11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.

58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
    Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
    sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.

Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
    silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
    gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
    ni ang tusong manggagayuma.

O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
    tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
    kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
    gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
    kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
    kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
    tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”

Mga Awit 64-65

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
    ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
    sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
    na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
upang patagong panain nila ang walang sala;
    bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
    ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
    Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
    Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!

Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
    sila'y masusugatang bigla.
Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
    at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
At lahat ng mga tao ay matatakot;
    kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
    at bubulayin ang kanyang ginawa.

10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
    at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
    at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
    O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
    tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
    upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
    ng iyong templong banal!

Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
    O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
    at ng mga dagat na pinakamalayo.
Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
    palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
    ng ugong ng kanilang mga alon,
    at ng pagkakaingay ng mga bayan.
Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.

Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
    iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
    ang kanilang butil ay inihahanda mo,
    sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
    iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
    at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
    ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
    ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
    ang mga libis ay natatakpan ng butil,
    sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.

Genesis 19:1-29

Ang Pagiging Makasalanan ng Sodoma

19 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa.

At sinabi, “Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad.” Kanilang sinabi, “Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag.”

Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain.

Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay.

Kanilang(A) tinawagan si Lot at sinabi, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila.”

Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya.

At sinabi niya, “Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan.

Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan.”

At sinabi nila, “Manatili ka diyan!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.

10 Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.

11 At(B) binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan.

Umalis si Lot sa Sodoma

12 At sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod.

13 Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang ito ay aming lipulin.”

14 Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya.

15 Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, “Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.”

16 Subalit(C) siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng Panginoon, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan.

17 Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, “Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay.”

18 At sinabi sa kanila ni Lot, “Huwag, mga panginoon ko!

19 Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay.

20 Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?”

21 At sinabi niya sa kanya, “O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit.

22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon.” Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar.[a]

Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomorra

23 Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.

24 At(D) buhat sa langit ay nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy.

25 Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa.

26 Subalit(E) ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin.

27 Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.

28 Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno.

29 At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya.[b]

Mga Hebreo 11:1-12

Ang Pananampalataya

11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.

Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.

Sa(A) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.

Ang Pananampalataya nina Abel, Enoc, at Noe

Sa(B) pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Sa(C) pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. “Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.” Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya.

At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos,[a] sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya.

Sa(D) pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya.

Ang Pananampalataya ni Abraham

Sa(E) pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya'y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan.

Sa(F) pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako.

10 Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.

11 Sa(G) pananampalataya, maging si Sarah na isang baog ay tumanggap ng kakayahang magkaanak, bagaman lipas na sa tamang gulang, palibhasa'y itinuring niyang tapat ang nangako.

12 Kaya't(H) mula naman sa isang lalaki na parang patay na, ay isinilang ang mga inapo na kasindami ng mga bituin sa langit, at gaya ng di mabilang na mga buhangin sa tabi ng dagat.

Juan 6:27-40

27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”

28 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?”

29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo.”

30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?

31 Ang(A) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”

32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

34 Sinabi nila sa kanila, “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.

36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.

37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.

38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.

40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001