Book of Common Prayer
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
umawit sa Panginoon ang buong lupa.
2 Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
4 Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
5 Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
6 Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.
7 Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
9 Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12 maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13 sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
50 Nang magkagayo'y sumagot sina Laban at Betuel at sinabi, “Sa Panginoon ito nagmumula. Kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti.
51 Narito, si Rebecca ay nasa harap mo, dalhin mo, at humayo ka. Siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.”
52 Nang marinig ng alipin ni Abraham ang kanilang mga salita, siya ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng Panginoon.
53 At naglabas ang alipin ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit, at ibinigay kay Rebecca. Nagbigay rin siya ng mahahalagang bagay sa kanyang kapatid na lalaki at sa kanyang ina.
54 At sila'y nagsikain at nagsiinom, siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagpalipas ng magdamag. Bumangon sila nang umaga at kanyang sinabi, “Pabalikin na ninyo ako sa aking panginoon.”
55 At sinabi ng kanyang kapatid na lalaki at ng kanyang ina, “Hayaan muna ninyong manatili sa amin ang dalaga ng ilang araw, sampung araw man lamang; pagkatapos ay maaari na siyang umalis.”
56 At sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong patagalin, yamang pinagpala ng Panginoon ang aking lakad. Pabalikin na ninyo ako upang ako'y makauwi sa aking panginoon.”
57 Sinabi nila, “Tatawagin namin ang dalaga at tatanungin siya.”
58 At kanila ngang tinawag si Rebecca at kanilang sinabi sa kanya, “Sasama ka ba sa lalaking ito?” At sinabi niya, “Sasama ako.”
59 Kaya't kanilang pinasama si Rebecca na kanilang kapatid at ang kanyang tagapag-alaga kasama ang alipin ni Abraham at ang kanyang mga tauhan.
60 At kanilang binasbasan si Rebecca at sinabi nila sa kanya, “Kapatid namin, maging ina ka nawa ng libu-libo at makamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng mga napopoot sa kanila.”
61 Tumindig si Rebecca at ang kanyang mga abay, at sila ay sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki; at dinala ng alipin si Rebecca at humayo.
62 Ngayon, si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi at siya'y nakatira sa lupain ng Negeb.
63 Lumabas si Isaac sa parang upang maglakad-lakad ng dapit-hapon. Itinaas niya ang kanyang mga paningin at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo.
64 Tumingin naman si Rebecca at kanyang nakita si Isaac. Mabilis siyang bumaba sa kamelyo.
65 Sinabi ni Rebecca sa alipin, “Sino ang taong ito na naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?” At sinabi ng alipin, “Iyon ang aking panginoon.” Kinuha niya ang kanyang belo, at siya'y nagtakip.
66 At isinalaysay ng alipin kay Isaac ang lahat ng kanyang ginawa.
Ang Pag-aasawa ni Isaac
67 Dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kanyang ina. Kinuha niya si Rebecca at siya'y naging asawa niya, at siya'y kanyang minahal. Kaya't naaliw si Isaac pagkamatay ng kanyang ina.
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan mo sa harapan ng Diyos[a] na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salita na hindi mapapakinabangan kundi sa ikapapahamak lamang ng mga nakikinig.
Ang Manggagawa ng Diyos
15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan.
16 Subalit iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat ito'y magtutulak sa mga tao sa higit pang kasamaan,
17 at ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena. Kasama sa mga ito si Himeneo at si Fileto,
18 na lumihis sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Kanilang ginugulo ang pananampalataya ng iba.
19 Ngunit(A) ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na may tatak na ganito: “Kilala ng Panginoon ang mga kanya,” at, “Lumayo sa kalikuan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
20 Sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba'y sa natatanging paggagamitan at ang iba'y para sa karaniwan.
21 Kung nililinis ng sinuman ang kanyang sarili mula sa mga bagay na ito ay magiging tanging kagamitan, itinalaga at mahalaga sa may-ari ng bahay, handa sa lahat ng mabuting gawa.
Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)
13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
15 Tunay(B) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”
16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.
Ang Lalaking Mayaman(C)
17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
19 Nalalaman(D) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”
21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”
22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001