Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 89

Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.

89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
    sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
    itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.

“Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
    ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
    at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)

Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
    ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
    Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
    dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
    Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
    kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
    pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
    ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
    ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
    malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
    ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
    na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
    at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
    sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
    ang aming hari sa Banal ng Israel.

19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
    “Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
    aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
    ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
    ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
    ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
    at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
    at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
    at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
    Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
    ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
    at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
    at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
    at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
    at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
    at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
    o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
    ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
    kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
    ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
    at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)

38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
    ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
    dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
    ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
    siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
    iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
    at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
    at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
    tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)

46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
    Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
    sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
    Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)

49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
    na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
    kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
    na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.

Genesis 30:1-24

Ang Kanyang mga Anak

30 Nang makita ni Raquel na hindi siya nagkakaanak kay Jacob ay nainggit siya sa kanyang kapatid, at sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng mga anak, at kapag hindi ay mamamatay ako!”

Kaya't nag-alab ang galit ni Jacob laban kay Raquel, at sinabi niya, “Ako ba'y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?”

Sinabi niya, “Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kanya upang siya'y manganak para sa akin[a] at nang magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.”

Kaya't ibinigay niya ang kanyang alilang si Bilha bilang isang asawa, at sinipingan siya ni Jacob.

Kaya't naglihi si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki.

Sinabi ni Raquel, “Hinatulan ako ng Diyos, pinakinggan din ang aking tinig, at binigyan ako ng anak.” Tinawag niya ang kanyang pangalan na Dan.[b]

Muling naglihi si Bilha na alila ni Raquel at ipinanganak ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.

Sinabi ni Raquel, “Ako'y nakipagbuno ng matinding pakikipagbuno sa aking kapatid, at ako'y nagtagumpay.” Kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Neftali.[c]

Nang makita ni Lea na siya'y huminto na sa panganganak, kinuha niya si Zilpa na kanyang alila at ibinigay kay Jacob bilang asawa.

10 Kaya't si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalaki kay Jacob.

11 Sinabi ni Lea, “Mabuting kapalaran!” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Gad.[d]

12 Ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, “Maligaya na ako! Tatawagin akong maligaya ng mga babae.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Aser.[e]

14 Nang panahon ng paggapas ng trigo humayo si Ruben at nakatagpo ng mandragora sa bukid, at dinala ang mga iyon kay Lea na kanyang ina. At sinabi ni Raquel kay Lea, “Sana bigyan mo ako ng ilang mandragora ng iyong anak.”

15 At kanyang sinabi, “Maliit pa bang bagay na kinuha mo ang aking asawa? Ibig mo pa rin bang kunin ang mga mandragora ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi para sa mga mandragora ng iyong anak.”

16 Nang dumating si Jacob mula sa bukid noong hapon, sinalubong siya ni Lea at sinabi sa kanya, “Sa akin ka dapat sumiping sapagkat ikaw ay aking inupahan sa pamamagitan ng mga mandragora ng aking anak.” At sumiping nga siya sa kanya ng gabing iyon.

17 Kaya't pinakinggan ng Diyos si Lea at siya'y naglihi at ipinanganak kay Jacob ang ikalimang anak.

18 Sinabi ni Lea, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking iniupa, sapagkat ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Isacar.[f]

19 Muling naglihi si Lea at kanyang ipinanganak kay Jacob ang ikaanim na anak.

20 At sinabi ni Lea, “Binigyan ako ng Diyos ng isang mabuting kaloob. Ngayo'y pararangalan ako ng aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng anim na lalaki.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Zebulon.[g]

21 Pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at tinawag ang kanyang pangalan na Dina.

22 Inalala ng Diyos si Raquel, at pinakinggan siya at binuksan ang kanyang bahay-bata.

23 Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki at kanyang sinabi, “Inalis ng Diyos sa akin ang aking pagiging kahiyahiya.”

24 At kanyang tinawag ang pangalan niya na Jose,[h] na sinasabi, “Nawa'y dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.”

1 Juan 1

Ang Salita ng Buhay

Yaong(A) buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay—

at(B) ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag.

Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.

Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming[a] kagalakan ay malubos.

Ang Diyos ay Liwanag

At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman.

Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan.

Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.

Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.

Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.

10 Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin.

Juan 9:1-17

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag

Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak.

Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya'y ipinanganak na bulag?”

Sumagot si Jesus, “Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”

Kailangan nating[a] gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin,[b] samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa.

Habang(A) ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”

Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya'y dumura sa lupa, at gumawa ng putik mula sa dura, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalaki.

At sinabi sa kanya, “Humayo ka, maghugas ka sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang kahulugan ay Sinugo). Humayo nga siya at naghugas at bumalik na nakakakita.

Kaya't ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya nang una, na siya'y pulubi, ay nagsabi, “Hindi ba ito ang nakaupo noon at nagpapalimos?”

Sinabi ng iba, “Siya nga.” Ang sabi ng iba, “Hindi, subalit kamukha niya.” Sinabi niya, “Ako nga iyon.”

10 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Paanong nabuksan ang iyong mga mata?”

11 Sumagot siya, “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.’ Kaya't ako'y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin.”

12 Sinabi nila sa kanya, “Saan siya naroon?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”

Siniyasat ng mga Fariseo ang Pagpapagaling

13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaki na dating bulag.

14 Noon ay araw ng Sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at binuksan ang kanyang mga mata.

15 Muli na naman siyang tinanong ng mga Fariseo kung paano siya nagkaroon ng paningin. At sinabi niya sa kanila, “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata, at hinugasan ko, at ako'y nakakita.”

16 Kaya't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Ang taong ito'y hindi mula sa Diyos, sapagkat hindi siya nangingilin ng Sabbath.” Subalit sinabi ng iba, “Paanong makakagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?” At nagkaroon ng pagkakahati-hati sa kanila.

17 Muling sinabi nila sa bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, sapagkat binuksan niya ang iyong mga mata?” At kanyang sinabi, “Siya'y isang propeta.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001