Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 102

Panalangin ng Kabataang may Suliranin.

102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
    dumating nawa ang daing ko sa iyo!
Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
    sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
    sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
    at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
    nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
Dahil sa lakas ng daing ko,
    dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
Ako'y parang pelikano sa ilang;
    ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
Ako'y gising,
    ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
    silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
    at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
    sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
    ako'y natutuyo na parang damo.

12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
    namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
    sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
    ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
    at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
    at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
    siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
    at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.

18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
    upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
    at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
    upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
    at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
    at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
    kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
    sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
    sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
    at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
    parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27     ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
    ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.

Mga Awit 107:1-32

IKALIMANG AKLAT

107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
    na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
at tinipon mula sa mga lupain,
    mula sa silangan at mula sa kanluran,
    mula sa hilaga at mula sa timugan.

Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
    na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
gutom at uhaw,
    ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
    at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
    patungo sa isang bayang matatahanan.
Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
    dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw,
    at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay.

10 Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan,
    mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala,
11 sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos,
    at hinamak ang payo ng Kataas-taasan.
12 Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa;
    sila'y nabuwal at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
    at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan,
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan,
    at sa kanilang mga gapos ay kinalagan.
15 Pasalamatan nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
    dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso,
    at pinutol ang mga baras na bakal.

17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
    at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
    at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
    at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
    iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
    dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
    at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.

23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
    na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
    ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
    na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
    ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
    at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
    at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
    anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
    at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
    at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
    at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.

Genesis 32:22-33:17

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.

23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.

24 Naiwang(A) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.

25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[a] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.

26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[b] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”

27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”

28 Sinabi(B) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 Siya'y(C) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.

30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”

31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.

32 Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang.

Nagtagpo sina Jacob at Esau

33 Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae.

Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli.

At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid.

At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan.

Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”

Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko.

Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko.

Sinabi ni Esau,[c] “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob,[d] “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”

Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.”

10 Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.

11 Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap.

12 Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.”

13 Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan.

14 Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”

15 Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”

16 Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir.

17 Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.

1 Juan 3:1-10

Ang mga Anak ng Diyos

Masdan(A) ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y matawag na mga anak ng Diyos; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat siya'y hindi nakilala nito.

Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat siya'y ating makikita bilang siya.

At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis.

Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din naman sa kautusan; at ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.

Nalalaman(B) ninyo na siya'y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya'y walang kasalanan.

Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kanya, ni hindi nakakilala sa kanya.

Mga munting anak, huwag kayong padaya kanino man. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid.

Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo; sapagkat buhat pa nang pasimula ay nagkakasala na ang diyablo. Dahil dito, nahayag ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya'y ipinanganak ng Diyos.

10 Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.

Juan 10:31-42

31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.

32 Sinagot sila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?”

33 Sumagot(A) sa kanya ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos.”

34 Sinagot(B) sila ni Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, ‘Aking sinabi, kayo'y mga diyos?’

35 Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan),

36 sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay lumalapastangan,’ sapagkat sinasabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos?’

37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin.

38 Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.”

39 Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.

40 Siya'y(C) muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon.

41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.”

42 At marami ang sumampalataya sa kanya roon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001