Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:97-120

MEM.

97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
    Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
    sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
    sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
    sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
    upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
    sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
    higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
    kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.

NUN.

105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
    at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
    na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
    muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
    at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
    gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
    gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
    sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
    magpakailanman, hanggang sa wakas.

SAMECH.

113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
    ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
    upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
    at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
    at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
    sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
    kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
    at ako'y takot sa mga hatol mo.

Mga Awit 81-82

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Genesis 27:1-29

Binasbasan ni Isaac si Jacob

27 Nang matanda na si Isaac, malabo na ang kanyang mga mata at anupa't hindi na makakita. Tinawag niya si Esau na kanyang panganay at sinabi sa kanya, “Anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

At sinabi niya, “Masdan mo, ako'y matanda na at hindi ko nalalaman ang araw ng aking kamatayan.

Hinihiling ko na kunin mo ngayon ang iyong mga sandata, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog. Pumunta ka sa parang at ihuli mo ako ng usa.[a]

Ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain gaya ng aking ibig, at dalhin mo rito sa akin at ako'y makakain, upang ikaw ay mabasbasan ko bago ako mamatay.”

Naririnig ni Rebecca ang pagsasalita ni Isaac kay Esau na kanyang anak. Kaya't nang pumunta si Esau sa parang upang manghuli ng usa at magdala nito,

ay sinabi ni Rebecca kay Jacob na kanyang anak, “Narinig ko ang iyong ama na nagsasabi kay Esau na iyong kapatid,

‘Dalhan mo ako ng usa, at ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain upang ako'y makakain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon bago ako mamatay.’

Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang aking sinabi, ayon sa iniutos ko sa iyo.

Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo sa akin ang dalawang magandang batang kambing at gagawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama, ayon sa kanyang ibig.

10 Dadalhin mo ito sa iyong ama at hayaan mong kumain upang ikaw ay kanyang basbasan bago siya mamatay.”

11 Subalit sinabi ni Jacob kay Rebecca na kanyang ina, “Si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo at ako'y taong makinis.

12 Baka hipuin ako ng aking ama, at ako ay magiging mandaraya sa kanyang paningin; at ang aking matatanggap ay sumpa at hindi pagpapala.”

13 Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Mapasaakin na ang sumpa sa iyo, anak ko. Sundin mo lamang ang aking sinabi. Umalis ka na at dalhin ang mga iyon sa akin.”

14 Kaya't siya'y umalis at kinuha ang mga ito at dinala sa kanyang ina. Gumawa ang kanyang ina ng masarap na pagkaing gusto ng kanyang ama.

15 Kinuha ni Rebecca ang pinakamagandang damit ng kanyang panganay na anak na si Esau na nasa kanya sa bahay at isinuot kay Jacob na kanyang bunsong anak.

16 At ang mga balat ng mga batang kambing ay ibinalot sa kanyang mga kamay, at sa makinis na bahagi ng kanyang leeg.

Tinanggap ni Jacob ang Pagpapala ni Isaac

17 Ibinigay niya ang masarap na pagkain at ang tinapay na kanyang inihanda kay Jacob na kanyang anak.

18 At siya'y lumapit sa kanyang ama at sinabi, “Ama ko;” at sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?”

19 Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin. Bumangon ka ngayon, umupo at kumain ka ng aking usa upang ako'y mabasbasan mo.”

20 At sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Ano't napakadali mong nakakuha, anak ko?” At sinabi niya, “Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ang nagbigay sa akin ng tagumpay.”

21 Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Anak ko, lumapit ka rito at hahawakan kita, kung ikaw nga ang aking anak na si Esau o hindi.”

22 Lumapit si Jacob kay Isaac na kanyang ama at hinawakan siya at sinabi, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.”

23 Hindi niya nakilala si Jacob[b] sapagkat ang kanyang kamay ay kagaya ng mabalahibong mga kamay ng kanyang kapatid na si Esau. Kaya't siya'y binasbasan ni Isaac.[c]

24 At sinabi niya, “Ikaw nga ba ang aking anak na si Esau?” At sinabi ni Jacob,[d] “Ako nga.”

25 Sinabi niya, “Dalhin mo na sa akin upang makakain ako ng usa[e] ng aking anak, upang mabasbasan ka.” Inilapit niya ito sa kanya at kumain siya, at siya'y dinalhan niya ng alak, at siya'y uminom.

26 Sinabi sa kanya ni Isaac na kanyang ama, “Anak ko, lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin.”

27 At(A) siya'y lumapit at humalik siya sa kanya at naamoy ng ama ang amoy ng kanyang mga suot. Siya'y binasbasan, at sinabi,

“Ang amoy ng aking anak
    ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon.
28 Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng hamog ng langit,
    at ng taba ng lupa,
    at ng saganang trigo at alak.
29 Ang(B) mga bayan nawa ay maglingkod sa iyo,
    at ang mga bansa ay magsiyukod sa iyo.
Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid,
    at magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina.
Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo,
    at maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.”

Roma 12:1-8

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Juan 8:12-20

Si Jesus na Ilaw ng Sanlibutan

12 Muling(A) nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”

13 Sinabi(B) sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo.”

14 Sumagot si Jesus, “Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta.

15 Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman.

16 At kung ako'y humatol man, ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.

17 Maging(C) sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.

18 Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”

19 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”

20 Sinabi niya ang mga salitang ito sa kabang-yaman habang nagtuturo siya sa templo. Subalit walang taong humuli sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001