Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2 Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3 Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
4 Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
5 O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.
6 Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
O Diyos ng Israel.
7 Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
8 Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.
9 Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
at ako ang awit ng mga lasenggo.
13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14 sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!
19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(C) nila ako ng lason bilang pagkain,
at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(D) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.
23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;
at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(E) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(F) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!
30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.
34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36 ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.
IKATLONG AKLAT
Awit ni Asaf.
73 Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel,
sa mga taong ang puso'y malilinis.
2 Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod,
ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas.
3 Sapagkat ako'y nainggit sa palalo;
aking nakita ang kaginhawahan ng masama.
4 Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan,
at ang kanilang katawan ay matataba.
5 Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao;
hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao.
6 Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan,
ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan.
7 Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan,
ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan.
8 Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan,
sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan.
9 Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit,
at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa.
10 Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan,
at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila.
11 At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos?
May kaalaman ba sa Kataas-taasan?”
12 Narito, ang mga ito ang masasama;
laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana.
13 Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso,
at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko.
14 Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan,
at tuwing umaga ay napaparusahan.
15 Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;”
ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo.
16 Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain,
sa akin ay parang napakahirap na gawain,
17 hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos,
saka ko naunawaan ang kanilang katapusan.
18 Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay,
iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan.
19 Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap,
tinatangay na lubusan ng mga sindak!
20 Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao,
sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo.
21 Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam,
nang ang kalooban ko'y nasaktan,
22 ako'y naging hangal at mangmang;
ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo.
23 Gayunman ako'y kasama mong palagian,
inaalalayan mo ang aking kanang kamay.
24 Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan,
at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina,
ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.
27 Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo;
ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo.
28 Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan;
ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Diyos,
upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.
Asawa para kay Isaac
24 Si Abraham ay matanda na at lipas na sa panahon; at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.
2 At sinabi ni Abraham sa kanyang alipin, sa pinakamatanda sa kanyang bahay na namamahala ng lahat niyang ari-arian, “Pakilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,[a]
3 at ikaw ay aking panunumpain sa ngalan ng Panginoon, ang Diyos ng langit at lupa, na hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking tinitirhan,
4 kundi ikaw ay pupunta sa aking lupain, at sa aking kamag-anak, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak na si Isaac.”
5 Sinabi sa kanya ng alipin, “Sakaling hindi pumayag ang babae na sumama sa akin sa lupaing ito; dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?”
6 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, “Huwag mong ibabalik doon ang aking anak.
7 Ang Panginoon, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin sa sambahayan ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan ay nagsalita at sumumpa sa akin na nagsasabi, ‘Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito;’ magsusugo siya ng kanyang anghel sa unahan mo, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak.
8 Subalit kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ikaw ay magiging malaya sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.”
9 Inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kanyang panginoon, at sumumpa sa kanya tungkol sa bagay na ito.
10 Kumuha ang alipin ng sampung kamelyo mula sa kanyang panginoon, at umalis na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kanyang panginoon. At pumunta siya sa Mesopotamia, sa bayan ni Nahor.
11 Kanyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig nang papalubog na ang araw, panahon nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.
12 At kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aking panginoong si Abraham, hinihiling ko sa iyong pagkalooban mo ako ng tagumpay ngayon, at ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham.
13 Ako'y nakatayo sa tabi ng balon ng tubig at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan ay darating upang umigib ng tubig.
14 At mangyari na ang dalagang aking pagsabihan, ‘Pakibaba mo ang iyong banga upang ako'y makainom;’ at kanyang sasabihin, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo;’ ay siyang pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito ay malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon.”
15 Bago pa man siya nakatapos ng pagsasalita, si Rebecca na ipinanganak kay Betuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham ay lumabas na pasan ang banga sa kanyang balikat.
16 Ang babae ay may magandang anyo, dalaga na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Siya ay lumusong sa bukal, pinuno ang kanyang banga, at umahon.
17 Tumakbo ang alipin upang salubungin siya at sinabi, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga.”
18 At sinabi niya, “Uminom ka, panginoon ko.” Nagmadali niyang ibinaba ang banga sa kanyang kamay, at pinainom siya.
19 Pagkatapos na siya'y kanyang mapainom, siya ay nagsabi, “Iiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang silang lahat ay makainom na.”
20 Kaagad na ibinuhos ang kanyang banga sa inuman at tumakbong muli sa balon upang umigib at siya'y umigib para sa lahat niyang kamelyo.
21 Ang lalaki ay nanatiling tahimik na tinitingnan siya upang malaman kung pinagpala ng Panginoon ang kanyang paglalakbay o hindi.
22 Nang makainom ang mga kamelyo, kumuha ang lalaki ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo ang timbang, at dalawang pulseras para sa kanyang mga kamay, na may timbang na sampung siklong ginto.
23 Kanyang itinanong, “Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, may lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?”
24 At sinabi niya sa kanya, “Anak ako ni Betuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.”
25 Sinabi rin niya sa kanya, “Sagana kami sa dayami at pagkain sa hayop, at mayroon ding lugar na matutuluyan.”
26 At lumuhod ang lalaki at sumamba sa Panginoon.
27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kanyang habag at ang kanyang katapatan sa aking panginoon. Nang ako ay nasa daan, pinatnubayan ako ng Panginoon hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”
3 Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.
4 Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo.
5 At(A) nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak,
“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon;
huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya;
6 sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal,
at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak.”
7 Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?
8 Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.
9 Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay?
10 Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan.
11 Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito.
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay pumunta si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang dumaan sa Judea, sapagkat pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.
2 Malapit(A) na noon ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga Tabernakulo.[a]
3 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea, upang makita ng iyong mga alagad ang iyong mga ginagawa.
4 Sapagkat walang taong nagnanais makilala ang gumagawa ng anumang bagay sa lihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay ipakilala mo ang iyong sarili sa sanlibutan.”
5 Sapagkat maging ang kanyang mga kapatid man ay hindi sumampalataya sa kanya.
6 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi pa dumating ang aking oras, subalit ang inyong oras ay laging naririyan.
7 Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.
8 Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras.”
9 At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea.
Si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo
10 Subalit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid para sa pista, saka naman siya umahon, hindi hayagan kundi palihim.
11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, “Saan siya naroroon?”
12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan tungkol sa kanya ang mga tao. Sinasabi ng ilan, “Siya'y mabuting tao.” Sinasabi naman ng iba, “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”
13 Subalit walang taong nagsalita nang hayag tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga Judio.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001