Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 105

Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)

105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
    ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
    sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
    magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
    patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
    ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
    mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!

Siya ang Panginoon nating Diyos;
    ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
    ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
    ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
    sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
    bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
    at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
    mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
    sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
    ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(E) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
    binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(F) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
    si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(G) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
    siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
    siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(H) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
    ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(I) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
    at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
    at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.

23 At(J) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
    si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(K) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
    upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.

26 Kanyang(L) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
    at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
    at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(M) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
    sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(N) ginawang dugo ang kanilang tubig,
    at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(O) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
    maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(P) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
    at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(Q) niya sila ng yelo bilang ulan,
    at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
    at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(R) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
    ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
    at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(S) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
    ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.

37 At(T) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
    at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
    sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(U) inilatag ang ulap bilang panakip,
    at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(V) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
    at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(W) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
    ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
    at si Abraham na kanyang lingkod.

43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
    at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(X) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
    at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
    at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!

Genesis 32:3-21

Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom.

Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, “Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, ‘Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon.

Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.’”

Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao.”

Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo.

At kanyang sinabi, “Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas.”

Sinabi ni Jacob, “O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O Panginoon, na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.’

10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.

11 Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak.

12 Hindi(A) ba't ikaw ang nagsabi, ‘Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.’”

13 Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau;

14 dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki,

15 tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno.

16 Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.”

17 Iniutos niya sa una, “Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, ‘Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?’

18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.’”

19 Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, “Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya,

20 at sasabihin ninyo, ‘Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.’” Sapagkat kanyang iniisip, “Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako.”

21 Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon.

1 Juan 2:18-29

Ang Anti-Cristo

18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.

19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.

20 Ngunit kayo'y pinahiran[a] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.

22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.

23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.

24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.

25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.

27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[b] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.

28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.

29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.

Juan 10:19-30

19 At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito.

20 At marami sa kanila ang nagsasabi, “Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?”

21 Sinasabi naman ng iba, “Hindi ito ang mga salita ng isang may demonyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?”

Itinakuwil si Jesus

22 Nang panahong iyon, sa Jerusalem ay kapistahan ng Pagtatalaga. Noon ay tagginaw,

23 at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon.

24 Kaya't pinalibutan siya ng mga Judio, at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mong maliwanag sa amin.”

25 Sinagot sila ni Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo naniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ay siyang nagpapatotoo sa akin.

26 Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.

27 Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin.

28 Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay.

29 Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama.[a]

30 Ako at ang Ama ay iisa.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001