Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 131-135

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
    ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
    o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
    gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
    gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.

O Israel, umasa ka sa Panginoon
    mula ngayon at sa walang hanggang panahon.

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Awit ng Pag-akyat.

133 Narito, napakabuti at napakaligaya
    kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
    na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
    tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
    na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
    ang buhay magpakailanman.

Awit ng Pag-akyat.

134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
    na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
    at ang Panginoon ay papurihan!

Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
    siyang gumawa ng langit at lupa!

135 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ang pangalan ng Panginoon,
    magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
    sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
    ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.

Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
    at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
    sa langit at sa lupa,
    sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
    na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
    at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.

Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
    sa hayop at sa tao;
siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
    ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
    laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
    at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
    at kay Og na hari sa Basan,
    at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
    isang pamana sa kanyang bayang Israel.

13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
    ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.

15 Ang(D) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
    na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
    mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
    ng mga gumawa sa kanila—
    oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!

19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
    O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
    siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 7

Mga Pang-akit ng Pangangalunya

Anak ko, ang mga salita ko'y iyong ingatan,
    at ang aking mga utos ay iyong pahalagahan.
Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka;
    ingatan mo ang aking aral na parang itim ng iyong mata.
Sa iyong mga daliri ay iyong itali,
    sa ibabaw ng iyong puso ay isulat mo.
Sabihin mo sa karunungan, “Ikaw ay aking kapatid na babae,”
    at tawagin mong kamag-anak ang kaunawaan;
upang maingatan ka mula sa babaing masama,
    sa babaing mapangalunya na may matatamis na salita.

Sapagkat sa bintana ng aking bahay
    ay tumingin ako sa aking dungawan,
at ako'y tumingin sa mga walang muwang,
    ako'y nagmasid sa mga kabataan,
    may isang kabataang walang katinuan,
na dumaraan sa lansangan na malapit sa kanyang panulukan,
    at siya'y humayo sa daan na patungo sa kanyang bahay,
sa pagtatakipsilim, sa kinagabihan,
    sa oras ng gabi at kadiliman.

10 At, narito, siya'y sinalubong ng isang babae,
    na nakagayak tulad ng isang upahang babae, at tuso sa puso.
11 Siya'y matigas ang ulo at maingay,
    ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay;
12 ngayo'y nasa mga lansangan, mamaya'y nasa pamilihan,
    at siya'y nag-aabang sa bawat panulukan.
13 Sa gayo'y hinahawakan niya ang lalaki[a] at hinahagkan siya,
    at may mukhang walang hiya na nagsasabi sa kanya,
14 “Kailangan kong mag-alay ng mga handog-pangkapayapaan,
    sa araw na ito ang mga panata ko'y aking nagampanan.
15 Kaya't lumabas ako upang salubungin ka,
    masigasig kong hinanap ang iyong mukha, at natagpuan kita.
16 Ginayakan ko ng mga panlatag ang higaan ko,
    na yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto.
17 At aking pinabanguhan ang aking kama,
    ng mira, aloe, at kanela.
18 Halika, magpakabusog tayo sa pag-ibig hanggang sa kinaumagahan;
    magpakasaya tayo sa paglalambingan.
19 Sapagkat ang aking asawa ay wala sa bahay,
    sa malayong lugar siya'y naglakbay;
20 siya'y nagdala ng isang supot ng salapi;
    sa kabilugan ng buwan pa siya uuwi.”

21 Sa maraming mapanuksong salita kanyang nahikayat siya,
    sa malumanay niyang labi siya'y kanyang nahila.
22 Pagdaka ay sumusunod siya sa kanya,[b]
    gaya ng toro na sa katayan pupunta,
o gaya ng isang nasisilong usa,[c]
23 hanggang sa ang isang palaso'y sa bituka niya tumagos,
gaya ng ibong sa bitag ay humahangos;
    na hindi nalalamang kanyang buhay ay matatapos.

24 Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako,
    sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo.
25 Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad,
    huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas.
26 Sapagkat napakarami na niyang itinumba,
    oo, lubhang marami na siyang naging biktima.
27 Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay,
    pababa sa mga silid ng kamatayan.

1 Juan 5:13-21

Ang Buhay na Walang Hanggan

13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.

14 Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.

15 At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya.

16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo.

17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.

18 Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.

19 Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.

20 At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.

21 Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.[a]

Juan 11:55-12:8

55 Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili.

56 Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?”

57 Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus[a] ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip.

Pinahiran ng Pabango si Jesus sa Betania(A)

12 Anim na araw bago magpaskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay.

Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo[b] sa may hapag-kainan na kasalo niya.

Si(B) Maria ay kumuha ng isang libra[c] ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango.

Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi,

“Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario,[d] at ibinigay sa mga dukha?”

Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon.

Kaya't sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin.

Sapagkat(C) ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001