Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat.
120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,
at sinagot niya ako.
2 “O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
mula sa dilang mandaraya.”
3 Anong ibibigay sa iyo,
at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
ikaw na mandarayang dila?
4 Matalas na palaso ng mandirigma,
na may nag-aapoy na baga ng enebro!
5 Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
6 Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
7 Ako'y para sa kapayapaan;
ngunit kapag ako'y nagsasalita,
sila'y para sa pakikidigma!
Awit ng Pag-akyat.
121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
2 Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
na siyang gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
4 Siyang nag-iingat ng Israel
ay hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
ni ng buwan man kapag gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
mula sa panahong ito at magpakailanpaman.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
Awit ng Pag-akyat.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
2 Gaya ng mga mata ng mga alipin
na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
4 Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
ng paghamak ng palalo.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Awit ng Pag-akyat.
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
4 Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!
Awit ng Pag-akyat.
126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
tayo ay gaya ng mga nananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
“Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
3 Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
kami ay natutuwa.
4 Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
5 Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
6 Siyang lumalabas na umiiyak,
na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay Solomon.
127 Malibang ang Panginoon ang magtayo ng bahay,
ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod.
Malibang ang Panginoon ang magbantay sa lunsod,
ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan.
2 Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga,
at malalim na ang gabi kung magpahinga,
na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal;
sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.
3 Narito, ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula,
ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.
4 Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma,
ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata.
5 Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana
ay punô ng mga iyon!
Siya'y hindi mapapahiya,
kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan.
Ang Pakinabang ng Karunungan
4 Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng ama,
at makinig kayo upang magkamit kayo ng unawa;
2 sapagkat binibigyan ko kayo ng mabubuting panuntunan:
huwag ninyong talikuran ang aking aral.
3 Noong ako'y isang anak sa aking ama,
bata pa at tanging anak sa paningin ng aking ina,
4 tinuruan niya ako, at sa akin ay nagwika,
“Panghawakan ng iyong puso ang aking mga salita.
Tuparin mo ang aking mga utos, at mabubuhay ka.
5 Kunin mo ang karunungan, kunin mo ang kaunawaan,
huwag kang lumimot, ni sa mga salita ng aking bibig ay humiwalay.
6 Huwag mo siyang pabayaan at ikaw ay kanyang iingatan;
ibigin mo siya at ikaw ay kanyang babantayan.
7 Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan,
sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
8 Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya;
pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya.
9 Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay,
isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay.”
10 Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi,
at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
11 Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan;
pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran.
12 Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang;
at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal.
13 Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan;
siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay.
14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama,
at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama.
15 Iwasan mo iyon, huwag mong daanan;
talikuran mo, at iyong lampasan.
16 Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan;
at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal.
17 Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan,
at umiinom ng alak ng karahasan.
18 Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway,
na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw.
19 Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman;
hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran.
20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika.
21 Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo;
ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso.
22 Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay,
at kagalingan sa kanilang buong katawan.
23 Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan,
sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24 Ang madayang bibig ay iyong alisin,
ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail.
25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan,
at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan.
26 Landas(A) ng iyong mga paa ay iyong tuwirin,
at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin.
27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man;
ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9 Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa.
12 Walang(A) nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin.
13 Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu.
14 At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos.
16 At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
17 Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito.
18 Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
19 Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20 Kung sinasabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.
21 At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[a] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
35 Umiyak si Jesus.
36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Binuhay si Lazaro
38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001