Book of Common Prayer
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora. Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath Leannoth. Maskil ni Heman na Ezrahita.
88 O Panginoon, Diyos ng aking kaligtasan,
ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo.
2 Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo,
ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo!
3 Sapagkat ang aking kaluluwa ay punô ng mga kaguluhan,
at papalapit sa Sheol ang aking buhay.
4 Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay;
ako'y taong walang lakas,
5 gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay,
gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan,
gaya ng mga hindi mo na inaalala,
sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay.
6 Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay,
sa madidilim na dako at kalaliman.
7 Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong,
at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan;
ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan.
Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas;
9 dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko,
O Panginoon, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo,
aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko.
10 Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay?
Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah)
11 Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan,
o sa Abadon ang iyong katapatan?
12 Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman,
o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot?
13 O Panginoon, ako sa iyo'y dumaraing,
sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin.
14 O Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa?
Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan,
tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin,
winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw;
kinubkob nila akong magkakasama.
18 Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan,
ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman.
Ang Diyos ang Ating Tagapag-ingat
91 Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan,
ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan,
2 sasabihin ko sa Panginoon, “Aking muog at aking kanlungan,
aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan.”
3 Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo,
at sa nakakamatay na salot.
4 Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya,
at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka;
ang kanyang katapatan ay baluti at panangga.
5 Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan,
ni ang pana na nagliliparan kapag araw;
6 ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman,
ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian.
7 Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo,
sa iyong kanan ay sampung libo,
ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo.
8 Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata,
at iyong makikita ang parusa sa masama.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(A) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(B) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(C) tatapakan ang leon at ang ulupong,
tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.
14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.
Isang Awit para sa Sabbath.
92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
2 ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
at sa gabi ng katapatan mo,
3 sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
at sa matunog na himig ng lira.
4 Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
5 Kay dakila ng iyong mga gawa, O Panginoon!
Ang iyong kaisipan ay napakalalim!
6 Ang taong mapurol ay hindi makakaalam;
hindi ito mauunawaan ng hangal:
7 bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw,
at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan,
sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman,
8 ngunit ikaw, O Panginoon, ay mataas magpakailanman.
9 Sapagkat, O Panginoon, ang mga kaaway mo,
sapagkat malilipol ang mga kaaway mo;
lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat.
10 Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro,
ng sariwang langis ako'y binuhusan mo.
11 Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway,
narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin.
12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.
46 At sinabi ni Rebecca kay Isaac, “Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Het. Kung si Jacob ay mag-aasawa mula sa mga anak ni Het na gaya ng mga ito mula sa mga anak ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?”
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, pinagbilinan, at sinabi sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak ng Canaan.
2 Tumindig ka at pumunta sa Padan-aram, sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina. Mag-asawa ka roon mula sa mga anak ni Laban na kapatid na lalaki ng iyong ina.
3 At nawa'y pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay pasaganain at paramihin, upang ikaw ay maging isang malaking bansa.
4 Nawa'y(A) ibigay niya sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo at sa lahat ng iyong binhi; upang ariin mo ang lupaing iyong pinaglakbayan na ibinigay ng Diyos kay Abraham.”
Ang Panaginip ni Jacob sa Bethel
10 Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran.
11 Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog.
12 Siya(A) ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.
13 At(B) ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi.
14 Ang(C) iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi.
15 Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo.”
16 Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman.”
17 Siya'y natakot, at kanyang sinabi, “Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.”
18 Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis.
19 Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel,[a] subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.
20 Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, “Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot,
21 at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang Panginoon ang magiging aking Diyos.
22 Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo.”
Tungkulin sa mga may Kapangyarihan
13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.
2 Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[a] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
3 Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:
4 sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.
5 Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.
6 Sapagkat(A) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.
7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.
9 Ang(B) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
33 Sumagot(A) sila sa kanya, “Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, ‘Kayo'y magiging malaya’?”
34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan.
35 Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman.
36 Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya.
37 Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo.
38 Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.”
Si Jesus at si Abraham
39 Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
40 Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham.
41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita.
44 Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan.
45 Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin.
46 Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin?
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001