Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
Naghimagsik ang Israel nang Sila'y nasa Sinai
6 “Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo. 7 Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo. 8 Noong kayo'y nasa Sinai,[a] ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon. 9 Nang(A) ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom. 10 Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok. 11 Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato.
12 “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’
13 “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito. 14 Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’
Ang Pangitain ni Pedro
10 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. 2 Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. 3 Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”
4 Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”
Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. 5 Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. 6 Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”
7 Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. 8 Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.